|
||||||||
|
||
Nariyan pa. Isang taon nang nariyan ang aking MSN Message na nagsasaad na "Hindi Kailanman Malilimutan ang Libu-Libong Kababayang Nasawi sa Trahedya sa Sichuan". At mananatili pa ito riyan magpakailanman!
HINDI KITA MALILIMUTAN-- iyong mga mahal kong kababayan na nasawi sa 2008 super-lindol sa Sichuan. Di ko napipigilan ang aking kalungkutan at pangungulila sa inyo tulad ng walang-tigil na pag-ihip ng hangin.
HINDI KITA MALILIMUTAN-- iyong nakausling mga paa ng mga batang natabunan ng napulbos na gusali, iyong kamay ng bata sa guho na mahigpit na mahigpit pa ang pagkakahawak sa lapis, iyong mga napapahagulhol na kababayang naiwan ng kamag-anakan…
HINDI KITA MALILIMUTAN--iyong pagbubuklud-buklod ng sambayanang Tsino sa harap ng pananalasa ng kalikasan, iyong paulit-ulit na pagsadya nina mahal na Premyer Wen at Pangulong Hu sa pinakaapektadong lugar, iyong buong-lakas-loob na pagsuong sa kalamidad at pagliligtas sa mga kababayan ng mga kawal, iyong pagdagsa ng mga boluntaryo sa Sichuan mula sa iba't ibang parte at iba't ibang saray ng bansa, iyong naghahabaang hanay sa pag-aalay ng donasyon…
HINDI KITA MALILIMUTAN--iyong ibinubuhos na suportang materiyal at ispirituwal mula sa komunidad ng daigdig pagkaganap na pagkaganap ng lindol, espesyal na iyong alay na tulong galing sa iba't ibang panig ng Pilipinas—iyong donasyon ng ng mga Pinoy, iyong ginawa ng embahada ng Pilipinas, iyong mga awiting handog sa Sichuan ng Philippine Madrigal Singers (Madz), iyong tawanan at excitement ng mga batang Taga-sichuan sa phone interview habang nananatili sila sa Pilipinas para sa isang-linggong bisita roon…
Sa kanilang 2008 konsyertong alay sa nilindol na Sichuan, kinanta ng Madz ang awiting "Kawangis ng Buwan ang Puso Ko" na ang orihinal na bersiyon ay iyong kay Teresa Teng.
"Kawangis ng Buwan ang Puso Ko", handog ng Madz sa Beijing Concert na "Mga Awiting Handog Sa Sichuan"
Tulad ng ipinaaabot na mensahe ng awitin--ang ating pagmamahal at pag-alaala sa ating mga yumao ay parang ningning ng buwan—matapat, magiliw, di-nagbabago at dalisay. At ang ibinibigay na suporta ng iba't ibang panig ay para ring ningning ng buwan na nagbibigay ng lakas ng loob sa mga nakaligtas sa kalamidad na magpahanggang ngayon ay taglay pa rin sa alaala ang nasiphayong mga pangarap ng mga nasawi.
Sinasabing ang mga bata ay pag-asa at hinaharap. Totoo iyon! Parang umaalingawngaw pa rin sa aking isip ang tawanan at ang kawili-wili't matalinong pagsagot ng mga batang taga-sichuan nang kapanayamin namin ang ilan sa kanila sa telepono habang namamalagi pa sila sa Pinas.
Kuhang-larawan ng mga batang Taga-Sichuan sa kanilang biyahe sa Pinas
Impresyon ng mga bata sa kanilang biyahe sa Pilipinas
Di ko mapipigilan ang pag-alaala sa mga nasawing kababayan at di ko rin mapipigilan ang pagtanaw ng utang-na-loob sa lahat ng nag-alay ng tulong kung hindi titigil ang aking paghinga.
Harinawa, mangibabaw sa mundo ang kapayapaan at katahimikan at malayo sa kalamidad at digmaan ang sangkatauhan. MANALANGIN TAYO!
"Hindi Kita Malilimutan", handog ng Madz sa Beijing Concert na "Mga Awiting Handog Sa Sichuan"
Biyahe sa Pinas ng sandaang estudyanteng taga-Sichuan
Online Live Program "Magkakapamilya Tayo!"
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |