|
||||||||
|
||
Madalas, hindi natin inaasahan na sumasagi sa isip natin ang mga alaala ng nakaraan, di ba?
Muli na namang lumutang sa aking alaala kamakailan ang hinggil sa naging buhay ko sa kolehiyo, lalung lalo na iyong matatamis na sandaling kapiling ko ang aming mga propesor na Pilipino.
Si Dr. Florentino Hornedo ang kauna-unahang propesor na ipinadala ng Ateneo de Manila University sa Peking University para magturo sa amin ng wikang Filipino. Tandang tanda ko pa ang unang unang kataga na itinuro niya sa amin, ang "Ako si…" At sa pamamagitan ng simpleng pangungusap na ito, nabuksan ang isa pang pinto ng aking buhay na nagbibigay-daan sa mundong di-maihihiwalay sa kaugnayan sa Pilipinas.
Magaling at mahilig sa pagkuha ng larawan si Professor Hornedo at sa pagkakatanda ko, hawak niya ang kanyang kamera saan man siya pumunta.
Mukhang medyo seryoso ang buong klase sa larawan maliban kay Professor Hornedo na tahimik na nakangiti. Sa totoo lang, kinunan ang larawang ito ilang sandali lamang bago magsimula ang final exam ng unang semester. (Tingnan po niyo ang petsa sa blackboard—"Fil Class 15 Jan '94"—sulat-kamay iyon ni Prof. Hornedo) Ito sa palagay ko ang pangunahing dahilan kung bakit ganoon kanerbiyos ang buong klase namin. ^ _^
Tulad ng alam ng maraming Atenista, istriktong istrikto si Dr. Hornedo. Walang duda iyon! Nasumpungan ko sa internet ang isang artikulo hinggil sa panayam kay Dr. Hornedo at narito ang sipi ng artikulo sa sabi ni Professor: "Teachers would not care whether you love them or not. They simply felt that their job as teachers was to shape you up, to make you somebody in the future."
Gayunman, mahal na mahal namin siya! Tiniis niya ang ginaw sa Beijing para lamang makapiling kami. (Noong araw, normal pa ang klima at talagang malamig na malamig ang winter sa kapital na lunsod ng Tsina kung ihahambing sa kasalukuyan.) Kasama kami, pinalipas niya ang kaniyang kauna-unahang Pasko sa Beijing at bilang regalo at bilang ganti sa kanyang malasakit sa amin, nagtanghal kaming magkakaklase ng puppet drama para sa kaniya. Datapuwat pabalu-baluktot ang Filipino namin, tuwang tuwa rin siya. Tawa siya nang tawa.
Bisperas ng Pasko `93. Masayang nagkakantahan kami para kay Professor Hornedo sa kanyang tinutuluyang bahay sa Peking University. Si Dr. Hornedo mismo ang kumuha ng larawan.
At walang dudang mahal din niya kami. Sa huling semester ng aming college education, bumalik si Professor Hornedo sa Peking University para bigyang-patnubay kami sa paghahanda ng aming thesis.
Si Dr. Hornedo ang siyang sumalubong sa amin sa simula ng eksplorasyong Pilipino namin at siya ring naghatid sa amin sa labas ng pamantasan para simulan ang bagong kabanata ng aming buhay.
Sa bisperas ng pagtatapos sa pamantasan. Mga larawang kuha sa loob ng tinutuluyang apartment ni Professor Hornedo at sa lawn ng Peking University.
Si Professor Nenita Escasa naman ang gurong Pilipino na pinakamatagal na humawak sa klase namin. Itinuro niya sa amin kung papaanong pinahahalagahan ang literatura at pelikulang Pilipino at natutuhan din namin mula sa kaniya ang hinggil sa kasaysayan at kultura ng Pilipinas.
April 28, 1994. Nagsasayaw kami ng tinikling kaugnay ng Kapistahang Pangkultura ng Peking University.
Itinanghal din namin ang "Malakas at Maganda". Noong araw, tampok sa palabas ang klase ng Philippine Studies Program! Kuha ang larawan sa entablado kasama si Professor Escasa.
Ang pagsulat sa wikang Filipino tuwing umaga bago magtapos ang linggo ang pinakapaborito kong kurso sa pamantasan. Kailanman, hindi nagtatakda si Ginang Escasa ng mga paksa at hinahayaan lamang niya kaming pumili ng gusto naming tema. Binibigyan din niya kami ng sapat na panahon para magsulat. Nagbabasa siya habang hinihintay kaming matapos. Sa pagkakatanda ko, halos buong umaga akong nagsusulat ng theme paper at laging nakangiting sinasabi niya sa akin: "Hinay-hinay lang."
Marami pa akong ibang natutuhan mula kay Professor Escasa bukod sa mga kaalamang Pilipino.
Bilang babae, hinahangaan ko siya sa kanyang kahusayan at pagiging episyente sa pagkakaroon ng balanse sa personal na pamumuhay at trabaho. Lagi siyang kampante at laging idinadaan sa tawa ang anumang sinusuong niya. Ito ang paraang gustung gusto ko para sa buhay ko—hindi masayang masaya pero hindi rin naman malungkot na malungkot at kapanatagan ng kalooban ang laging nangingibabaw.
Si Professor Escasa mismo ang nagdidisenyo ng sarili niyang kasuotan. Mahusay din siya sa knitting.
Hindi ko kailanman maaabot ang naabot ng aming dalawang gurong Pilipino, pero masuwerte akong nakasunod sa kanilang mga yapak. At kahit bumaligtad ang takbo ng panahon, hindi rin magbabago ang aking pagpili.
Sinulat ko ang artikulong ito bilang pagbati sa magandang buwan ng Hunyo na kakikitaan ng magagandang ugnayan sa pagitan ng Tsina at Pilipinas na gaya ng anibersaryo ng pagkakatatag ng kanilang relasyong diplomatiko, araw ng pagkakaibigang Sino-Pilipino at Araw ng Kasarinlan ng Pilipinas…
MABUHAY!
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |