|
||||||||
|
||
Kuhang larawan ng Ang Sistema ni Propesor Tuko
Sa katotohanan, kung walang mga nakakatawang usapan at mapagmalabis na pagpapalabas ng mga tauhan; kung walang mga basura at karton na bumubuo ng tagpong parang kaiskwateran; kung hindi natatangi ang kanya-kanyang katangian nina Propesor Tuko, Ningning at Bondyin, ang dulang ito ay sigurong isa pang istiryotipo hinggil sa tunggalian sa pagitan ng mga estudyante at guro na walang pag-aalinlangang natapos sa pagpapalit ng mga estudyante ang lumang sistema ng guro. Dahil sa elementong nakakatawa, ilohikal at ridikuloso, tila masyadong kaakit-akit ang dating karaniwang kuwento. Sinasabing ito ang pamamaraang ginagamit ng mandudula upang makamit ang "estranging" o "defamiliarizing" ng realidad sa loob ng paaralan.
Ang sistema ni Propesor Tuko ay isang sagisag ng lumang relasyon sa pagitan ng guro at mga estudyante. Sa sistemang ito, ang mga estudyante ay purong tagatanggap ng anumang sinasabi ng guro. Wala silang kalayaang pumili kung ano ang gusto nilang aralin; wala rin silang kapangyarihang ipinahayag ang sariling isipang kakaiba. Inaapi sila sa harap ng manlulupig o guro na siyang tinataguriang "necrophilic" ng ilang dalubhasa, na ang ibig sabihin ay ang mga kaalaman na natuturo ng mga guro ay patay na at di-bagay sa makabagong panahon at kapaligiran. Ngunit kung may pagkaapi, palaging may paghihimagsik. Sa wakas, binasag ng mga estudyanteng sina Ningning ang sistema ni Propesor Tuko sa kanilang sariling paraan. Pero sa tunay na pamumuhay, hindi gaanong madaling nababago ang lumang sistemang pang-edukasyon ng isang bansa kasi nag-uugat ito sa kultura at ideolohiya nang matagal. Halimbawa ay sa Tsina, noong nakaraang ilang dekada, "examination-oriented" ang sistemang pang-edukasyon na kinaligtaan ang pag-unlad ng praktikal na kakayahan ng mga estudyante. Marami ang ginawa ng pamahalaan upang palitan ito ng "quality-oriented" na sisitema. Pero pagkatapos ng dekadang pagsikap ay hindi pa lubos na naganap ang iyong pagpaplit.
Ang lahat na panitikan ay historikal kasi ang pagkakasulat at pagkakabasa nito ay di-maiwasang may kaugnayan sa kasaysayan. Kaya may dobleng perspektibo sa pag-unawa ng panitikan: sa kasaysayan ng pagkakasulat nito at sa kasaysayan ng pagkakabasa nito. Ang dulang ito ay sinulat ni Al Santos noong 1980 kung kailan namahala si Marcos sa bansa sa pamamagitan ng Batas Militar. Naging tahimik ang panitikan dahil mahigpit ang sensura. Samantala'y umusbong rin ang kamalayang panlipunan at nasyonalismo na siyang nakikita sa itong dulang absurdo. Mula kay Propesor Tuko ay natuklasan ang naiiwang kaisipang kolonyal sa panahon ng mga Amerikano sapagkat hinangaan niya ang mga akda ni Shakespeare at tiningnan niya ang kasaysayan sa perspektibong kanluranin. Inatake ang ganitong kaisipang kolonyal ng mga estudyante na siyang larawan ng mandudula mismo at iba pang kabataang manunulat na tinawag na Modernista sa panahong iyon. Sinulat nila ang mga akda katulad ng Ang Sistema ni Propesor Tuko upang ipakita sa madla ang mga problemang panlipunan at ang solusyon nito. Subalit umiiral pa rin ang mga problema sa lipunan sa kasalukuyan at lalo pa lang pinalubha. Sa isang banda, lubos na kanluranin ang sistemang pang-edukasyon sa Pilipinas ngayon; naniniwala ang mga edukadong Pilipino na mas mahusay ang panitikan sa Ingles at pakikipag-usap gamit ang wikang ito. Sa ibang banda, unti-unting nawawala ang kahalagahan ng pambansang wika at iba pang wika; marhinalisado ang mga panitikang palipat-dila na ang ilan ay naghihingalo o namamatay na. Kaya mayroon pa ring kabuluhang monood ng dulang ito sa kasalukuyan para sa mga kabataan sa Pilipinas.
Kuhang larawan ng TV drama "Hudhud"
Kuhang larawan ng dulang "Darangen"
May isang sasabihin sa Tsina, "of the nation, of the world." Hindi ko sinabi na maling-mali ang pagtanggap ng Pilipinas ng mga materyal at kaisipan mula sa kanluran; may kapakinabangan nga ang mga ito. Ngunit bilang isang dayuhang nag-aaral ng Filipino at kultura ng Pilipinas, nabigo ako sa realidad na hindi gaanong pinahalagahan ang katutubong wika at kultura ng mga Pilipino. Sinabi ng marami na ang Tagalog na ginamit ko ay mas malalim kaysa sa kanila; sabi rin nila na hindi nila alam kung ano ang Hudhud, Darangen at iba pang pamana ng mga katutubong ninuno na siyang dapat tunay na ipagmalaki ng bawat Pilipino. Sayang! Nasaan sina Ningning at Bondying? Sino ang babasag ng lumang sistema? Maghihintay ako at makikita ito.
ni Grace Sun Xu
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |