|
||||||||
|
||
Ang taong ito ay ika-60 anibersaryo ng pagkakatatag ng Republika ng Bayan ng Tsina. Sa kasaysayan nitong 60 taong nakalipas, hindi natin dapat makalimutan ang isang mahalagang okasyon na kung kailan, noong 34 na taong nakaraan, itinatag ng bagong Tsina at ng Pilipinas ang relasyong diplomatiko. Bilang pagsariwa sa kasaysayang ito, sasamahan tayo ni Ginoong Ke Hua, 94-taong gulang na beteranong diplomatang Tsino, na siya ring punong negosyador sa talastasan sa pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina at Pilipinas at kauna-unahang embahador ng Tsina sa Pilipinas.
Noong 1972, kasunod ng paglitaw ng tunguhin ng pagbuti ng relasyon ng Tsina at ilang bansang kanluranin at pagharap ng mga lider na Tsino ng kahilingan sa pagpapalakas ng relasyon ng Tsina at mga kapitbansa nito, inilakip din sa agenda ang pagtatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina at Pilipinas. Ayon kay Ginoong Ke, noong Pebrero ng taong 1972, dumalaw sa Tsina si Benjamin Romualdez, kinatawan ng pangulong Pilipino at embahador ng Pilipinas sa Hapon at kinatagpo siya ni premyer Zhou Enlai ng Tsina. Sa pagtatagpo, kapwa ipinahayag ng dalawang panig ang kanilang kahandaang magtatag ng relasyong pangkaibigan ng dalawang bansa.
Pagkatapos nito, nagsimula na ng pag-uugnayan ang Tsina at Pilipinas. Sinabi ni Ginoong Ke na sa pamamagitan ng magkasamang pagsisikap, kapwa nalutas ng dalawang panig ang kani-kanilang pagkakabahala at narating ang komong palagay sa mga isyu na kung saan mayroon silang pagkakaiba. Sa gayo'y pumasok sa huling yugto ng paglalagda sa magkasanib na komunike hinggil sa pagtatatag ng relasyong diplomatiko.
Noong ika-7 ng Hunyo ng 1975, sa pamumuno ni pangulong Ferdinand Marcos, dumating ng Beijing ang mahigit 200 taong delegasyon ng pamahalaang Pilipino para lagdaan ang magkasanib na komunike hinggil sa pagtatatag ng relasyong diplomatiko. Nang balik-tanawin ang okasyong ito, sinabi ni Ginoong Ke na,
"Nandito sa Beijing si pangulong Marcos at ang kanyang asawang si Imelda para sa pormal na paglalagda sa magkasanib na komunike at kasama nila ang mahigit 200 miyembro ng delegasyon. Bihira sa kasaysayang diplomatiko ang ganitong pagpapadala ng isang bansa ng ganoon kalaking delegasyon para lamang sa paglalagda sa ganitong komunike. Bago sila dumating, hindi kami nabigyan ng panig Pilipino ng listahan ng mga miyembro ng delegasyon at ito ay lumikha ng kaunting kalituhan sa aming gawain ng pagtanggap. Pero sa pamamagitan ng kaunting di-pormal na aksyong ito, naramdaman ko ang pagkakaibigan ng Tsina at Pilipinas--dahil parang pumunta lang sila sa Tsina para bumisita sa kanilang mga kamag-anakan sa halip na magsagawa ng isang opisyal na pagdalaw."
Ilang oras lamang pagkaraang dumating, kinatagpo si pangulong Marcos ng kanyang counterpart na Tsino na si Mao Zedong at noong gabing iyon, kinatagpo rin siya ni premyer Zhou Enlai na may grabeng sakit at 2 taon nang nakaratay sa ospital. Kaugnay ng pagtatagpong ito, isinalaysay ni Ginoong Ke na,
"Pumunta sa ospital sina Ginoong at Ginang Marcos at ang kanilang dalawang anak at kinatagpo sila ni premyer Zhou. Mainam ang atmospera ng pagtatagpo at ang nakatakdang 15 minutong pagtatagpo ay tumagal nang 45 minuto hanggang sa alas-11:45 ng gabi. Sa pagtatagpo, sinabi ni premyer Zhou kay pangulong Marcos na lalagda siya sa magkasanib na komunike hinggil sa pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng dalawang bansa. Anya, ito ang kauna-unahang ganitong dokumento na lalagdaan niya sa ospital. Iyong isa anya ay komunike hinggil sa pagtatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina at Malaysia na nilagdaan niya noong 2 taong nakaraan bago siya pumasok sa ospital."
Ayon pa rin kay Ginoong Ke, sa pagtatagpo, nang malaman na si premyer Zhou ay isinilang noong 1898, sinabi sa kanya ni Ginang Marcos na kasing-edad ni premyer Zhou ang Republika ng Pilipinas. Ikinatuwa naman ni premyer Zhou na malaman ito at sinabi niyang gusto niyang maging matalik na kaibigan ng Pilipinas magpakailanman. Ipinahayag ni Ginoong Ke na kung ihahambing sa karaniwang pagtatagpong diplomatiko, mas magandang sabihing ang pagtatagpong ito ay parang isang family reunion.
Ang ika-9 ng Hunyo ng taong 1975 ay isang makasaysayang okasyon sa Tsina at Pilipinas. Sa meeting room ng ospital, bilang kinatawan ng kani-kanyang bansa, nilagdaan nina premyer Zhou at pangulong Marcos ang magkasanib na komunike hinggil sa pagtatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina at Pilipinas.
Noong gabi ring iyon, naghandog ang Pilipino sa Great Hall of the People sa Beijing ng isang bangkete bilang pagdiriwang sa pagkakalagda sa komunike at pasasalamat sa mainit na pagtanggap ng panig Tsino. Sa bangkete, isang detalye ang nag-iwan ng malalim na impresyon kay Ginoong Ke. Isinalaysay niyang,
"Sa bangkete, inihandog ng panig Pilipino ang isang espesyalti ng Pilipinas na lechon. Inihaw ito ng mga kusinerong Pilipino sa loob ng kusina at para hindi masira ang sahig, nilatagan nila ito ng buhangin at ang inilatag na buhangin ay inihatid mula sa Pilipinas sa pamamagitan ng pribadong eroplanong kinalululanan ng pangulo."
Sinabi ni Ginoong Ke na ipinakita nito ang pagiging maingat at maalalahanin ng panig Pilipino. Parang sinisi rin niya ang sarili dahil kung nalaman niya noong una na gagamit sila ng buhangin, sana maghanda na siya nito para hindi na naabala pa ang mga panauhing Pilipino sa pagdadala ng buhangin mula sa Pilipinas.
Pagkatapos ng bangkete, tinalakay nang sarilinan ng mga opisyal na Tsino at Pilipino ang kandidato sa pagka-unang embahador ng Tsina sa Pilipinas. Isinalaysay ni Ginoong Ke na iminungkahi sa kanya ni Mr. Romualdez na mas mabuti kung ang ipapadala ng panig Tsino ay isang malakas na tao dahil marami anyang ang gagawin sa simula ng pagtatatag ng relasyong diplomatiko ng dalawang bansa. Posible aniyang magtrabaho ito hanggang sa magdamag. Pinasalamatan ni Ginoong Ke ang mungkahi ni Romualdez at nagbigay siya ng isang nakakatawang sagot. Sinabi niyang,
"Sa panahong iyon, naisip kong kilalang-kilala ang akrobatiks ng Tsina sa Pilipinas dahil ilang beses na ring nagtanghal doon ang mga grupo ng mga akrobat ng Tsina. Kaya sinabi ko kay Mr. Romualdez na ang ipapadala ng panig Tsino ay isang embahador na kasinglakas ng akrobat. Lubos na ikinasiya ni Mr. Romualdez ang sagot ko."
Joke, joke lang iyon! Si Ginoong Ke ay hinirang na unang embahador ng Tsina sa Pilipinas at siyempre, hindi naman siya talaga ganoon kalakas. Pero, buong husay naman niyang naisabalikat ang kanyang mga tungkulin. Sinabi ni Ginoong Ke na sa kanyang pananatili sa Pilipinas, madalas siyang maanyayahan sa iba't ibang lugar para bumigkas ng talumpati at ang isang pangunahing paksa ng kanyang mga talumpati ay ang pagkakaibigan ng Tsina at Pilipinas. Kaugnay ng isang talumpating ito, isinalaysay ni Ginoong Ke na,
"Sa isang okasyon, nagtalumpati ako sa isang isla. Ipinakilala ako ng punong-abala at sinabi niyang magaling ako sa pagguhit, pagsulat ng tula at iba pa. Idinugtong kong magaling din ako sa paglangoy at sinabi kong lumangoy ako sa Pilipinas mula sa Tsina para mapalakas ang pagkakaibigan ng dalawang bansa. Sa bandang huli, sinabi sa akin ng kalihim ng tanggulang bansa na si Juan Ponce Enrile na noong una, wala siyang tiwala sa mga Tsino, pero pagkaraan ng paulit-ulit na pagbibigay-diin ko sa pagkakaibigan ng Tsina at Pilipinas sa aking mga talumpati, nagkaroon na siya ng tiwala sa amin at nananalig siyang ang mga Tsino ay pumunta sa Pilipinas para sa pagkakaibigan ng dalawang bansa."
34 na taon ang nakalipas at ang susunod na taon ay ika-35 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina at Pilipinas. Nag-iwan si Ginoong Ke ng isang mensahe para sa okasyong ito. Sinabi niyang,
"Maraming taon na akong wala sa Pilipinas at maraming taon na ring retirado, pero hindi nababawasan ang damdamin ko sa Pilipinas. Hinahanap-hanap ko pa rin ang mga kaibigang Pilipino at sinusubaybayan ang relasyong Sino-Pilipino. Nananalig akong sa ilalim ng magkasamang pagsisikap ng mga lider at mamamayan ng dalawang bansa, magiging mas maganda ang kinabukasan ng pagkakaibigan ng Tsina at Pilipinas at magiging magpahanggang kailanman ang pagkakaibigang ito. Hinahangad ko ang pinakamabuti para sa mga Pilipino."
Mga giliw na tagasubaybay, noong 34 na taong nakaraan, itinatag ang relasyong diplomatiko ng Tsina at Pilipinas at sa gayo'y nabuksan ang isang bagong kabanata sa pagkakaibigan ng dalawang bansa. Ngayon, pagkatapos ng pagbabalik-tanaw namin, kasama ni Ginoong Ke, sa kasaysayang ito. Ano ang inyong masasabi hinggil sa mga kuwento ni Ginoong Ke? Pakisulat sa amin sa pamamagitan ng SMS, email o online comment.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |