|
||||||||
|
||
Namataan ko ang bulaklak na ito sa bulwagan ng CRI building. Sa wikang Tsino, ito ay tinatawag na "bulaklak na sumasalubong sa tagsibol".
Kahit hindi pa tuluyang naglalaho ang lamig ng winter sa Beijing, tahimik namang dumarating ang tagsibol ayon sa kalendaryong lunar ng Tsina at kung hihinga ka nang malalim at lalanghap ng preskong hangin, maaamoy mo ang katangi-tanging bango ng tagsibol…
Lumisan ng Beijing pauwi si Mrs. Sonia Cataumber Brady noong katapusan ng Enero kung kailan hindi pa nag-uumpisa ang tagsibol. Dapat sinulat ko nang maaga ang blog na ito bilang pagbati sa pagtatapos ng kanyang termino at pamamaalam sa Tsina, pero, sa iba't ibang kadahilanan, naantala ito…
Natatandaan kong habang nandito sa Beijing bilang sugong Pilipino, ayaw na ayaw ni Mrs. Brady na sagutin sa panayam ang mga tanong na personal. Baka may taong nagpapalagay na labis na mahigpit si Brady, ngunit, lubos na nauunawaan ko siya dahil puspusan ko ring ipinagtatanggol ang bahagi sa kaibuturan ng puso na sa tingin ko ay para sa sarili lamang… Dahil dito, mas lalo ko pang hinahangaan at iginagalang si Mrs. Brady…
Hindi naging buo pero mga segments ang alaala na iniwan sa akin ni Mrs. Brady—
Sa tuwing babanggitin niya ang kanyang pagparito sa Beijing noong 1970s bilang isa sa mga miyembro ng misyong Pilipino na naitalaga sa Tsina, nagbibiro siyang hindi na sekreto ang kanyang edad.
Sa isang resepsyon ng embahada, bilang host, naka-pula siya at abalang abala sa pagpaparoo't parito at pagpapakilala sa iba't ibang panauhin at nang magpunta siya sa harap ko na parang isang pulang paruparu, itinuro niya ako at pabirong sinabing: "Malalim ang kanyang Filipino at ang sa akin ay parang pangkalye lamang."
Sa CR sa isang charity ball, walang anu-ano'y napabati ako sa kanya ng "Magandang Umaga po!" saka naramdaman kong naliligo ako ng kanyang matimyas na ngiti at tinugon niya ako ng "My dear, Magandang Gabi!"
…
Habang sumusulat ako ng artikulong ito, paminsan-minsan narinig ko ang pagputok ng mga rebendador na nagpapahiwatig ng papalapit na Spring Festival, pinakamahalagang kapistahan ng Nasyong Tsino. Sumagi sa aking isip ang pananalita ni Mrs. Brady sa kanyang farewell reception. Aniya, ang lahat ng mga panauhin sa resepsyon ay inaasahan niyang makikipag-ugnayan sa kanya kung bibisita sila ng Maynila at mainit na tatanggapin niya ang mga ito…Siyempre, I will. Gayunpaman, kahit hindi ko inaasahang magkikita kami ni Mrs. Brady sa hinaharap, hindi bale iyon, dahil naroroong lagi sa bahagi ng kaibuturan ng aking puso ang mga alaala at hindi mabubura sa paglipas ng panahon…
Na tulad din naman ng mga antig at magandang damdamin na dulot ninyo, mga giliw na tagasubaybay, sa akin, mga damdaming kailanman ay di malalayo sa akin at laging nagpapainit at nagpapasigla sa akin para patuloy na mapahusay ang aking sarili.
Pakitanggap ang aking pasasalamat at pagbati. Maraming maraming salamat sa pakikibahagi ninyo ng inyong wisdom sa akin…
Sa bagong taon, taon ng tigre, inaasam-asam kong lahat tayo ay malulukuban ng katahimikan at kaligayahan--mula sa kaibuturan ng puso…
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |