|
||||||||
|
||
Ang Suzhou ay isang bantog na sinaunang lunsod ng Tsina at ang bilang ng mga makasaysayang purok doon ay ika-3 pinakamalaki sa Tsina na sumusunod lamang sa Beijing at Xi'an. Ang Suzhou na tinatawag ding "Venice sa Silangan" ay kabisera ng ilang awtoridad noong unang panahon at ito rin ay umiiral na pinakamatandang lunsod ng Tsina. Sa kasalukuyan, pinananatili ng Suzhou ang kayarian nito noong unang panahon at nananatili ang lunsod sa dating kinatatayuan nito. Ito ay pambihira sa loob at labas ng bansa. Ang sinaunang lunsod ng Suzhou at mga hardin ng Suzhou ay kapwa world cultural heritage at world intangible cultural heritage. Ang Kunqu Opera, Yangcheng Lake freshwater crab at Bayang Zhouzhuan ay tatlong kilalang kilalang bagay ng Suzhou sa daigdig.
Bukod sa mga hardin, ang kabundukan at katubigan ay maganda rin sa Suzhou at dahil sa mga tula, pintura at calligraphy ng mga bantog na personahe, ang mga ito ay naging higit na kilala sa loob at labas ng Tsina. Ang Bundok ng Lingyan, Bundok ng Tianping, Bundok ng Dongting, Burol ng Dengwei, Gully of Baima, Bundok ng Yushan, Bundok ng Xiangshan at iba pa ay mga likas na matulaing purok. Ang Suzhou Amusement Park, Jinji Lake Ferris Wheel Park, Yangshan Hotspring, Changshu Fashion City at iba pang modernong pasilidad na panturista ay nakakaakit naman sa maraming turista mula sa loob at labas ng bansa.
Ang Suzhou na isang maliit na lunsod malapit sa Shanghai ay lagi nang pinupuri ng mga makata sa bawat henerasyon. Ito ay tinaguriang klasikal na kagandahan, tahimik na backgarden ng Shanghai at paraiso sa ibabaw ng lupa.
Bagama't sa ngayon, ang Suzhou ay hindi kasintanyag ng Shanghai, ang lunsod na ito na may kasaysayang mahigit 2500 taon at mas mahaba kaysa sa Shanghai, ay kasiya-siya't karapat-dapat namang bisitahin.
Ang unang dapat na maging itinerary sa pagbisita sa Suzhou ay ang Huqiu o Tiger Hill. Sabi ng isang makata ng unang panahon, ang Huqiu raw ay karapat-dapat na bisitahin sa anumang panahon o kondisyon, sa liwanag ng buwan, kung may snow, sa tag-ulan, sa maulap na panahon, sa umaga ng tagsipol, sa tag-init, taglagas, taglamig at sa paglubog ng araw.
Nakuha ng Huqiu ang pangalan nito noong ilibing dito ang bangkay ng Hari ng Kaharian ng Wu na umiral noong Spring ang Autumn Period (770-476 BC).
Ang pinakabantog na matulaing pook dito ay ang Huqiu Pagoda na itinayo mahigit isang libong taon na ang nakaraan. Ang 47-metrong-taas na pagoda ay kasalukuyang nasa anggulong 2.48 degrees. Ito ay isa na ngayong trademark ng Suzhou. Makikita ninyo ang larawan nito sa mga pakete ng pagkain, sa mga tiket at sa mga T-shirts sa lokalidad.
Kung tatayo kayo sa burol at titingin pababa sa Jianchi (Sword Pool), medyo makakaramdam kayo ng kaunting takot kahit pa hindi ito gaanong malalim. Ang libingan ng hari ay nasa ilalim ng lawa, maging ang dalawang niyang paboritong espada, dahil ang hari ay isang kolektor ng espada noong siya'y nabubuhay pa.
Parang iniuuganay ng mga romantikong lokal na mamamayan sa isang alamat ang halos lahat ng bagay sa Huqiu. Sinasabing ang isa raw malaking bato ay biniyak ng espada, waring naiintindihan daw ng isa pang bato ang mga taong nagbabasa ng Buddhist scriptures. At ang tubid daw na mula sa burol ay tila nakapagpapagaling ng mga sakit sa mata.
Napabantog ang Hanshan Temple dahil sa tulang "Mooring at Fengqiao Bridge at Night" na sinulat noong panahon ng Dinastiyang Tang (AD 618-907). Ang 1400 taong templong nakatayo sa ng malalagong punongkahoy ay tahimik at magandang-maganda.
May isang malaking kampanang tanso sa templo. Ito ay gawa ng mga Hapones noong 1905 at ipinadala sa naturang templo. Naglagay din ng isa pang kampana na kapareho nito ang hugis sa isang templo sa Hapon. Kapag pinatutunog daw ang isa sa mga kampanang ito, tumutunog din ang isa.
Sa maliit na lunsod ng Suzhou na 8,488 kilometro kuwadrado lamang ang laki ay maraming tanyag na mga hardin na tulad ng Shizi Lin (Lion Grove Garden), Liu Yuan(Lingering Garden) at Zhuozheng Garden o Humble Administrator's Garden.
Ang hardin ay isa nang trademark ng Suzhou at hindi ito mapaparisan ng ibang lunsod sa bansa.
Ang lahat ng hardin sa Suzhou ay maliliit, hindi tulad ng mga nasa Beijing na naglalakihan. Pero ang mga mamamayan ng Suzhou ay mahusay sa landscaping. Sa isang maliit na space nakakagawa sila ng mga artipisyal na sigsag na daan na sinasamahan ng lawa-lawaan, punongkahoy, pabilyon at maliliit na burol na yari sa bato. Makikita ninyo ang iba't ibang tanawin mula sa iba-ibang anggulo.
Ang lunsod ng Suzhou ay bantog din sa masasarap na pagkain na nagmula pa sa "boat dishes" na binabanggit noong pang panahon ng Dinastiyang Tang.
Noong panahong iyon, gusto ng karamihan sa mga may kaya na idaos ang kanilang bangkete sa mga bangka para mapagmasdan nila ang magagandang tanawin habang kinasisiyahan ang masasarap na pagkain. Dahil sa maliit lamang ang kusina ng bangka, sa halip ng maraming pagkain, mga piling-piling pagkain na lang ang inihahanda.
Hanggang ngayon sinusunod pa ng Suzhou Food ang tradisyong ito at ang mga pagkaing ito ay matatamis, katamtaman ang lasa, ginagamitan ng mga sangkap na mataas ang kalidad at niluluto sa espesyal na paraan. Kilala rin ang vegetable at aquatic dishes ng Suzhou.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |