Nagpasalamat si Tourism Secretary Alberto Lim sa pagkakalabas ng report ng Malacanang sa IIRC ngayong hapon. Bagama't hindi pa niya natatanggap at nababasa ang sipi ng ulat mula sa tanggapan ng pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino III sapagkat nasa isang budget hearing siya sa legislature ng bansa, nagpahayag ng pag-asa si Ginoong Lim na nawa'y tanggapin ng pamahalaan sa Hong Kong ang nilalaman nito.
Sa panayam sa pamamagitan ng telepono, sinabi ni Ginoong Lim na sana'y maging normal na ang relasyon ng Hong Kong at Pilipinas.
Sa panig ng Philippine Chamber of Commerce and Industry, sinabi ni Dr. Francis Chua na binabati niya ang Pangulong Benigno Aquino III sa kanyang ginawang pagbabalik-aral sa ulat tungkol sa IIRC report. Bagama't nagkaroon ng tension noong nakalipas na Agosto, umaasa si Dr. Chua na higit na maging mainit ang relasyon ng Pilipinas at China. Niliwanag pa niya na kahit pa nagkasigalot noon ay nanatiling maganda ang samahan ng dalawang bansa.
Sinabi naman ni Ginoong Herman Basbano na kabilang sa lupon na nagsiyasat, bagama't iba ang naging report ng Pangulong Aquino, nauunawaan niya na ang kanilang lupon ay inatasan lamang na mangalap ng impormasyon, magsiyasat at magbigay ng kaukulang rekomendasyon subalit nasa kamay na ng pangulo ang nais niyang gawin. Ang sabi nga ni Ginoong Basbano ay bahagi ito ng "presidential prerogative."
Nagpasalamat naman si dating Senate President Aquilino Q. Pimentel Jr. sa naging desisyon ng pangulong Aquino na huwag nang papanagutin ang mga mamamahayag sa naganap na hostage crisis noong Agosto 23 subalit mariin niyang tinuligsa ang pagpapawalang-sala kay Undersecretary Rico Puno na siyang namamahala sa pambansang pulisya samantalang nasa Department of Interior and Local Government.