|
||||||||
|
||
Sapul nang dumating ako rito sa Beijing noong Disyembre ng nakaraang taon, pinanabikan kong makita ang pag-ulan ng snow o niyebe. Gusto ko sanang magkaroon, sa unang pagkakataon ng tinatawag natin sa Pilipinas na "White Christmas."
Ngunit, sa kasamaang palad, natapos ang buwan ng Disyembre at sumapit ang pagbubukas ng bagong taon, hindi ako nagkaroon ng pagkakataon na makamtan ang aking pangarap.
Bagamat, umuulan ng niyebe sa ibang lugar ng Tsina, nagpalabas din ng pagtataya ang weather bureau ng Beijing na posibleng hindi magkaroon ng snow sa lunsod sa panahong ito.
Dahil dito, nakontento na ako sa posibilidad na hindi ako makakakita ng snow sa taglamig na ito. Ngunit, dalawang araw makaraan ang selebrasyon ng Spring Festival, ang pinakamahalagang pagdiriwang sa Tsina, iminulat ko aking mga mata sa isang puting-puting umaga.
Laking gulat ko sa aking nakita nang tumanaw ako sa di-kalayuan mula sa aking bintana: balot ng niyebe ang paligid.
Animo'y nilatagan ng kinayod na yelo na para sa halo-halo ang lahat ng bagay: ang kalsada patungong CRI, ang mga kotse, ang mga halaman, at ang mga gusali, lahat ito ay may takip na niyebe.
Ang preskong hangin na dulot nito ay amoy pino at kaiga-igayang langhapin.
Kaya, bitbit ang aking kamera, agad-agad akong lumabas upang kumuha ng mga larawan:
Ang aking paglalaro sa niyebe sa tabi ng isang nagyelong lawa
Habang ako ay namamasyal sa isang parke
Ang kalsada patungo sa CRI
Sa aking pag-iikot, napatunayan kong masuwerte pa rin ako, dahil hindi man natupad ang pangarap kong "White Christmas," nakakita at nakapaglaro pa rin ako sa niyebe sa panahong ito.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |