![]() |
|
|
||||||
![]() |
![]() |
![]() |
||
![]() |
||
![]() |
||
|
||
![]() |
||
![]() |
Mula sa Maynila, umalis kaninang alas siete-kinse ng umaga si Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay at nakarating na ng Beijing, China, ayon sa kautusan ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III upang manawagan sa pamahalaang ng China sa ngalan ng tatlong Pilipinong nakatakdang mamatay sa pamamagitan ng lethal injection sa darating na linggo.
Sa kanyang pahayag bago lumulan ng Philippine Air Lines regular flight kaninang umaga, sinabi niyang natuloy ang kanyang paglalakbay sa pamamagitan ng Embahada ng Pilipinas sa Beijing, dahilan sa malapit na pagkakaibigan ng Pilipinas at China at ng mga mamamayan ng dalawang bansa.
Nagpaabot ng kanyang pasasalamat sa pamahalahaan ng China upang makapanawagan at magbakasaling mailigtas sa tiyak na kamatayan ang tatlo. Maliwanag kay Ginoong Binay na ang tatlong Pilipino ay nahatulan ayon sa mga batas ng China at iginagalang ng pamahalaan ng Pilipinas ang naging hatol ng mga hukuman.
Ayon kay Ginoong Binay, hinding-hindi matatanggap ng Pilipinas ang drug trafficking bagama't naniniwala ang mga Pilipino na naging biktima ang tatlong mga kababayan ng mga pandaigdigang mga sindikatong sangkot sa illegal drugs. Baon ni Ginoong Binay ang mga panalangin ng mga Pilipinong mapagbibigyan ang pakiusap na kaawaan ang tatlong nahatulan at mapatunayan ito sa pamamagitan ng tinaguriang humanitarian grounds.
Idinagdag pa ni Ginoong Binay na makakaharap niya sa Beijing ang Pangulo ng Supreme People's Court of China at iba pang matataas ang katungkulang mga pinuno ng bansa. Umaasa rin siyang magkakaroon ng pag-uugnayan upang magtulungan ang dalawang bansa masugpo ang salot ng illegal na droga.
Sa kabilang dako, kumilos na ang Department of Foreign Affairs ng Pilipinas sa pamamagitan ng high level at low level representations upang huwag nang mabitay ang tatlong Pilipino sa China. Noon pa mang nakalipas na taon, nakipag-ugnayan na si Undersecretary for Migrant Workers Esteban Conejos, Jr. kay Chinese Ambassador to Manila Liu Jianchao. Noong Agosto, 2010, lumiham na si Foreign Affairs Secretary Alberto G. Romulo kay Chinese Foreign Minister Yang Jiechi na nakikiusap sa ngalan ng mga nahatulan ng kamatayang mga Pilipino.
Sumulat na rin si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III kay Pangulong Hu Jintao upang iparating ang pag-asang mababago pa ang naging hatol ng mga hukuman sa China sa pamamagitan ng Supreme People's Court.
Ipinarating din ng Philippine Consulates General sa Guangzhou at Xiamen ang buong consular assistance sa mga pagdalaw sa mga bilanggo at sa kanilang mga pamilya.
Mula Enero 2009 hanggang Enero 2011, walong ulit na dinalaw ang pamilya ni Ginang Sally ng consulate officials. Walong ulit ding dinalaw si Ginoong Ramon mula noong Enero 2009 hanggang Enero 2011 at limang ulit namang dinalaw si Binibining Elizabeth mula Agosto 2008 hanggang October 2010.
Pinadalhan sila ng mga may kakayahang abogado at nagkaroon ng magagaling na translators sa paglilitis ng kanilang mga usapin. Dumalo, nagmasid at nakilahok ang mga tauhan ng mga consulada sa mga paglilitis.
Ito si Melo Acuna, mula sa CBCP Media Office, nag-uulat para sa China Radio International – Filipino Section.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |