|
||||||||
|
||
Halos limang daang manggagawang Pinoy mula sa Libya ang nakarating na ng maluwalhati sa bansa, sa kamay ng kanilang mga mahal sa buhay. Umabot na rin sa dalawang libo, tatlong daa't dalawampu't apat ang naka-alis na sa Libya mula ng magkagulo doon.
Samantala, ayon sa Department of Foreign Affairs, halos isang libong manggagawa ang naghihintay ng kanilang mga sasakyang eroplano sa Tunisia, Malta, Athens at Frankfurt sa Alemanya.
Sa Huwebes ng umaga, inaasahang darating ang isang-daa't walumpung manggagawa sakay ng isang arkiladong eroplano sa Tunisia ang nakatakdang dumating sa Ninoy Aquino International Airport.
Umarkila na ang Department of Foreign Affairs ng isang ferryboat na pag-aari ng mga Griyego at dadaong sa pantalan ng Benghazi sa Libya bukas ng hapon. Isasakay naman nila ang may isang libo, pitong-daa't dalawampung manggagawa at dadalhin sa pulo ng Crete sa Gresya.
Samantala, sa Maynila, pinakilos na ng Department of Foreign Affairs ang kanilang tanggapang haharap sa mga may problemang pamilya na nababahala sa lagay ng kanilang mahal sa buhay. Maaari silang magpadala ng email sa address na dfaoumwa.cmc@gmail.com
Mayroon ding mga teleponong tatanggap ng mga tawag sa loob ng dalawamput apat na oras tulad ng mg teleponong may bilang na 8344580, 8343245, 8343240 at 8344646. Puede na rin silang tumawag sa kanilang mga mahal sa buhay sa Libya sa tulong ng Philippine Long Distance Telephone Company at SMART Communications.
Ito si Melo M. Acuna mula sa CBCP Media Office, nag-uulat para sa China Radio International-Filipino Section.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |