|
||||||||
|
||
Kailangang magsagawa ng masusing pagbabalik-aral sa kalagayan ng Gitnang Silangan ang pamahalaan ng Pilipinas, tulad na rin ng kinasadlakan ng Libya na kinaroroonan pa ng libu-libong manggagawang Pilipino.
Ito ang buod ng talumpati ni Philippine Vice President Jejomar C. Binay sa harapan ng Manila Overseas Press Club kagabi.
Ayon sa pangalawang pangulo, marapat na pagbalik-aralan ang mga kailangang gawin upang mailigtas sa pinakamadaling panahon ang mga manggagawa. Nanawagan din si Ginoong Binay na magdagdag ng mga tauhan sa mga tanggapan ng Department of Foreign Affairs at maging Department of Labor and Employment sa iba't ibang bansa sa Gitnang Silangan at maging sa Hilagang Africa.
Nanawagan din ang pangalawang pangulo na magkaroon ng "quick response" sa mga suliranin ng mga manggagawang Pinoy.
Ani Ginoong Binay, kahit pa walang paghahanda ang pamahalaang tumugon sa serye ng magugulong kabanata sa Gitnang Silangan at Hilagang Africa, nakatugon din naman ang Department of Foreign Affairs sa ilalim ng bagong kalihim nito na si Ginoong Albert Del Rosario at sa pagtulong ni Pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino III.
Sa kabilang dako, sinabi ng Episcopal Commission on the Pastoral Care for Migrants and Itinerant People na matapos ang dalawampu't limang taon ay hayagan nang nakikita ang kakaibang epekto ng pamamalagi ng isa o dalawang magulang sa ibang bansa upang maghanapbuhay. Ginunita ng komisyon ang kauna-unahang tema ng pagdiriwang noong 1986 sa Maynila na pinamagatang "The Migrant and his Family Life: Risks and Opportunities." Kabilang sa nakikinikitang magiging epekto nito ay ang pagkalat ng illegal recruitment at pagkasira ng buhay mag-asawa dahilan sa matagalang pagkakawalay sa isa't isa.
Matapos ang halos apatnapung taon ng pagkakaroon ng migrant workers sa halos lahat ng sulok ng daigdig, patuloy na lumalala ang problemang idinudulot nito sa pamilyang Pilipino. Ito ay sa likod ng katotohanang higit na sa labing-walong bilyong dolyar ($ 18B) ang naipadadala ng mga manggagawang Pilipino pauwi sa Pilipinas.
Sabi ng CBCP, marapat pa ring pag-aralan ang masamang epekto ng pangingibang-bansa sa mga pamilya, sa mga magulang at maging sa mga supling.
Ayon sa ECMI, ang naganap sa Libya ay hindi ang pinakahuling magaganap na kaguluhan sa kinaroroonan ng mga manggagawa, tulad rin nang naganap sa Iraq-Kuwait conflict noong dekada nobenta at sa Lebanon-Israel noong 2006.
Hindi kailanman naging sapat ang madaliang pagtugon ng pamahalaan sa mga krisis na naganap noong mga nakalipas na panahon. Upang huwag nang lumabas pa ng bansa ang mga Pilipino, marapat umanong pag-ibayuhin ang paglalatag ng mga hanapbuhay sa loob ng bansa, hindi lamang sa Kamaynilaan kungdi sa ibang mauunlad na bahagi ng bansa.
Ayon sa datos ng pamahalaan at ng Simbahan, higit sa tatlong libong Pilipino ang lumalabas ng bansa sa bawat araw at nagtutungo sa iba't ibang hanap-buhay mula sa mga construction sites sa Gitnang Silangan hanggang sa mga barkong naglalayag sa mga karagatan at mga tahanan sa Hong Kong, Singapore, at maging sa Europa.
Sa linggo ipagdiriwang ang 25th National Migrants Sunday sa lahat ng Simbahang Katoliko sa buong bansa.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |