|
||||||||
|
||
Mula sa Maynila, madaliang nagbabala ang mga kinauukulan sa posibilidad na magkaroon ng tsunami sa ilang bahagi ng Pilipinas dulot ng napakalakas na lindol na yumanig sa Japan ngayong Biyernes ng hapon.
Itinaas ng mga kinauukulan ang Alert Level 2 sa labing-siyam na lalawigan na maaaring makaranas ng tsunaming hindi tataas sa isang metro sa pag-itan ng ika-lima hanggang ika-pito ng gabi.
Pinayuhan ng mga autoridad ang mga naninirahan sa baybay-dagat na lumayo munang pansamantala upang makaiwas sa anumang sakuna.
Sa aking panayam kay Engr. Delfin Garcia ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology, maaaring makarating ang tsunami sa Batanes sa oras na alas singko kuwarenta y seis ng hapon, sa Palanan, Isabela sa ganap na alas singko singkwenta y singko samantalang maaaring makarating ang tsunami sa Legazpi City sa ganap na alas seis veinte seis at sa Davao City sa oras na alas seis singkwenta y tres ng gabi.
Niliwanag ni Engineer Garcia na walang anumang dapat ipangamba ang mga mamamayan sapagkat hanggang iisang metro na lamang ang maaaring alon na makarating sa kanilang mga lugar.
Ang isang metro ay hanggang balikat ng karaniwang Pilipino. Bagama't hindi kalakihan ang mga along ito, maaaring magpatuloy ito ng kung ilang oras. Pinayuhan din ng mga autoridad ang mga may bangkang nasa mga daungan na ilayo ang mga sasakyang ito sa baybay-dagat. Ang mga bangkang nasa karagatan na ay nararapat na manatili na lamang sa karagatan hanggang sa payuhan ng mga kinauukulan.
Mayroon ding babalang inilabas para sa Russia at Marianas Islands, ayon sa Pacific Tsunami Warning Center. Nasa mas mababang tsunami watch ang mga pook tulad ng Guam, Taiwan, Marshall Islands, Indonesia, Papua New Guinera, Nauru, Micronesia at maging ang Hawaii na bahagi na ng Estados Unidos.
Hanggang sa mga oras na ito'y wala pang balita ang Department of Foreign Affairs kung mayroong mga nasaktan o sinamang-palad na mga Pilipino sa Japan. Libu-libong mga Pilipino ang nagtatrabaho sa Japan.
Mula sa CBCP Media Office, ito si Melo Acuna, nag-uulat para sa China Radio International-Filipino Section.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |