|
||||||||
|
||
Nararapat lamang na magtulungan ang mga pamahalaan ng Pilipinas at China upang masugpo ang salot na dulot ng illegal na droga. Ito ang pahayag ni Ambassador Liu Jianchao sa kanyang pagharap sa mga mamamahayag ng Pilipinas at iba't ibang foreign wire services sa kanyang tahanan sa Lungsod ng Makati.
Sinabi ng Chinese ambassador na buhay pa sina Sally Ordinario – Villanueva, 32 anyos na nadakit na may dalang higit sa apat na kilong heroina papasok ng Xiamen noong bisperas ng Pasko taong 2008, Ramon Credo, 42 anyos na nagpupuslit ng higit sa apat na kilong cocaine na nadakip noong a-viente ocho ng Disyembre, 2008 sa Xiamen at isang Elizabeth Batain, 38 anyos na nagpupuslit ng higit sa anim na kilo ng heroina noong Mayo 24, 2008.
Ayon kay Ambassador Liu, ang pagpapaliban sa paggagawad ng parusang kamatayan ay dala lamang ng pagkilala sa pagpapahalaga ng Pilipinas sa buhay noong dumalaw si Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay kamakailan.
Bagaman, niliwanag ni Ginoong Liu na matutuloy din ang pagpapatupad ng parusang kamatayan sa tatlo sa mas madali o matagal na panahon sapagkat wala nang makapagpapabago pa ng desisyon ng kanilang Korte Suprema.
Wala umano sa intension na China na kitlin ang buhay ninoman, maging ng mga nagkakasala subalit marapat lamang kilalanin ang matinding salot na dulot ng droga sa mga pamilya at mamamayan.
Ayon sa ambassador, ang mga pamilya ay nagkakahiwalay dahilan sa droga samantalang ang mga kabataang babae ay napipilitang magbili ng laman upang makabili ng droga samantalang ang mga kabataang lalaki nama'y natututong magnakaw kaya't marapat lamang na masugpo ang droga sa pamamagitan ng parusang kamatayan sa mga mamamayan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |