|
||||||||
|
||
MATAGAL ng ipinaliwanag ng China ang itinatadhana sa kanilang mga batas na may kinalaman sa "drug trafficking." Ito ang pahayag ni Ginoong Ethan Y. Sun, tagapagsalita ng Embahada ng China sa Maynila sa panayam ng CBCPNews ngayong hapon.
Ayon kay Ginoong Sun, noon pa mang Pebrero ay niliwanag na nila'ng ang mga magaganap ay ayon sa desisyon ng kanilang mga hukuman.
Sa naunang "press conference" na ipinatawag ni Ginoong Liu JIanchao kamakailan, sinabi niya na bagama't buhay pa ang tatlong nahatulan ng parusang kamatayan ay ipatutupad rin ang naging desisyon ng kanilang Kataas-taasang Hukuman.
SINABI ni Vice President Jejomar C. Binay na ang sinumpaang pahayag ni Sally Ordinario-Villanueva na nagbunyag sa pagkatao ng kanyang "recruiter" sa pagdadala ng droga sa China ang siyang nagpapakitang talagang ginamit lamang siya ng sindikato at hindi marapat na mabitay tulad ng kaparusahang igagawad sa kanya. Lumabas ang kopya ng sinumpaang salaysay ni Villanueva sa isang pambansang pahayagan dito sa Pilipinas kaninang umaga.
Umaasa at nananalangin si Ginoong Binay na kikilalanin ng mga kinauukulan sa China ang "affidavit" ni Villanueva. Hindi kailanman magiging katanggap-tanggap sa lahat ng lipunan ang "drug trafficking" subalit sa naganap kay Villanueva, lumabas na talagang ginamit lamang siya ng sindikato.
Ang pahayag ni Villanueva ang ginamit niya sa kanyang pakikipag-usap sa mga autoridad sa Beijing.
Ani Binay, ginamit ng sindikato ang kahirapan sa buhay ni Villanueva kaya't pumayag sa anumang ginusto ng mga masasamang-loob.
GINUNITA ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III ang kanyang mga nakalipas na araw sa Ateneo de Manila University sa kanyang talumpati noong Biyernes sa pagtatapos ng mga mag-aaral sa tanyag na pamantasan. Sinabi ni Pangulong Aquino na hindi siya nagkaroon ng pagkakataong makasama sa "commencement exercises" sapagkat kinailangan nilang magtungo sa America upang samahan ang kanyang ama na si Senador Benigno S. Aquino Jr. sa pagpapa-opera sa puso noong Dekada Otsenta. Pinayagan sila ng dating Pangulong Ferdinand Marcos na magtungo sa America.
Sa kanyang talumpati, nagtanong si Pangulong Aquino sa mga magsisipagtapos kung nasubukan na ba nilang maging "Man for Others" tulad ng halimbawa ni San Ignacio de Loyola? Mahalaga umano ito sa paglilingkod sa kapwa – tulad na rin ng ginawa ng dakilang si Gat Jose Rizal na nag-alay ng kanyang buhay sa ngalan ng kabayanihan.
Pinapurihan din ni Pangulong Aquino si Professor Nenita Oban Escasa na naging propesora ng Pilipino sa Beijing University, dahilan sa galing at tatas niya sa wikang Pilipino. Binanggit din ni Pangulong Aquino si Professor Advincula na isa sa pinaka-mahigpit na guro sa "College of Arts and Sciences" noong kapanahunan niya sa kolehiyo.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |