|
||||||||
|
||
ISA na namang malungkot na balita mula sa Kuala Lumpur, Malaysia, isang "college lecturer" mula sa Pilipinas ang nahaharap sa parusang kamatayan dahilan sa pagpupuslit ng marijuana.
Ayon sa balitang inilabas ng isang "foreign news service," kinilala ni Malaysian Prosecutor Wan Shaharuddin Wan Ladin ang akusado sa pangalang Aida Dizon Garcia. Nagpasok siya ng "plea of innocence" sa pagdinig sa hukuman sa lalawigan ng Negri Sambilan kahapon.
Sa oras na mapatunayang tunay siyang nagkasala, igagawad sa kanya ang parusang kamatayan sa pamamagitan ng pagbibigti.
Ayon sa taga-usig, nadakip si Garcia, 51-taong gulang, mula sa Quezon City noong Nobyembre samantalang sakay ng isang bus mula sa Thailand. Nakuha umano ng pulisya ang higit sa 26 na libra o labing-isang kilong marijuana na nagkakahalaga ng halos anim na libong dolyar mula sa kanyang dala-dalahan.
Pinayagan siya ng hukumang kumuha ng abogado bago sumapit ang araw ng Miyerkoles, Abril a-veinte. Ayon sa taga-usig, naglalakbay si Garcia bilang isang turista at nasundan ng pulisya matapos makatanggap ng tip mula sa ibang tao.
Lumabas ang balitang ito samantalang dumadalaw si Philippine Foreign Affairs Secretary Albert F. Del Rosario sa Kuala Lumpur sa tradisyunal na pakikipag-daupang palad sa kanyang mga kapwa Foreign Minister ng Association of South East Asian Nations. Nagkausap na sila ni Malaysian Foreign Minister Dato' Sri Anifah Aman sa kanyang tanggapan sa Putrajaya, Malaysia at pinag-usapan nila ang mga mahahalagang bagay tulad ng mga paghahanda para sa 7th Philippine-Malaysia Joint Commission Meeting sa kalagitaan ng buwang ito sa Maynila.
ISANG APAT na taong gulang na babae at isang lalaki ang namatay samantalang tatlong iba pa ang nawawala matapos tamaan ng isang buhawi ang isang sitio sa bayan ng Nabunturan sa Compostela Valley mga alas otso kagabi.
Ayon sa pulisya, dalawang tahanan pa ang natangay ng dagliang pagbaha matapos tumama ang buhawi. Nasawi ang isang batang nagngangalang Kristine Berunguis at ang limampu't siyam na taong gulang na si Pablo Tibay, isang minero.
Natagpuan na ang bangkay ni Berunguis kaninang alas seis ng umaga samantalang nawawala pa ang tatlo niyang mga kapatid. Ang mga magulang ng mga biktima, sina Rico at Maricel ay nagtamo ng mga sugat at galos sa kanilang katawan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |