|
||||||||
|
||
NILIWANAG ni Deputy Ombudsman Emilio A. Gonzalez III na hindi nagtagal ang usapin ni Police Capt. Rolando Mendoza at ang kanyang Motion for Reconsideration sa kanyang tanggapan. Magugunitang sinibak ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III si Deputy Ombudsman Gonzalez dahilan umano sa kapabayaan kaya't nauwi sa "hostage-taking incident" noong Agosto 23 ang usapin.
Sa kanyang pahayag na ipinadala sa CBCP Media Office, sinabi ni Gonzalez na sila'y kumilos ayon sa prosesyo at kaya niyang patunayan ito sa hukuman. Pinabulaanan din ni Gonzalez ang sinadyang inantala ang usapin upang makahingi ng isang daan at limampung libong piso (P150,000.). Makailang ulit na umano niyang tinanong kung sino ang kinausap tungkol sa sinasabing suhol subalit wala namang maituro ang panig ng pamilya ng yumaong Police Captain Mendoza.
Mayroon na umanong ginawang "life-style check" sa kanya sa lalawigan subalit wala namang anumang natagpuan.
Ayon kay Ginoong Gonzalez, gagawin niyang lahat ang paraang legal upang hadlangan ang pagsibak sa kanya sapagkat siya'y naniniwalang malinis ang kanyang konsensya at walang anumang kasalanan.
Sa pagtatapos ng kanyang pahayag, sinabi niyang "my conscience is clean and I am not guilty of the charges and accusations."
KASABAY ng paggunita ng Mahal na Araw sa buong daigdig, inilunsad na ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Media Office ang Visita Iglesia website upang makapiling pa rin ng mga Pilipinong nasa iba't ibang bansa ang kanilang mga mahal sa buhay sa pagkilala sa kinagisnang tradisyon – ang pagdalaw sa iba't ibang simbahan upang gunitain ang Daan ng Krus.
Itatampok sa Visita Iglesia website ang iba't ibang simbahan sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas. Kasabay ng mga mensahe ng iba't ibang obispo't pari tungkol sa kahalagahan ng Mahal na Araw sa mga Pilipino.
Ayon kay Msgr. Pedro C. Quitorio ng CBCP Media Office, layunin ng Visita Iglesia website na ito na makasama kahit man lang sa panalangin ang mga Pilipinong nasa iba't ibang bansa.
Nasa ikalawang taon na ang Visita Iglesia at ngayo'y katatampukan din ng tradisyunal na Siete Palabras o ang Pitong Huling Wika ni Jesucristo samantalang nababayubay sa banal na krus, mula sa mga opisyal ng CBCP at sa idaraos na programa sa Christ the King Seminary ng Divine Word Missionaries. Kabilang din sa Visita Iglesia website ang Pasyon – ang pag-awit sa dalawampu't anim na kabanata ng Pasyon.
Magtatagal ang Visita Iglesia website hanggang sa ika-anim ng Hunyo, taong kasalukuyan sa pagdiriwang ng Ascension Sunday.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |