|
||||||||
|
||
MULA sa Maynila, ibinalita ni American Ambassador to the Philippines Harry Thomas Jr. na ibinalik na ng kanyang pamahalaan sa Pilipinas ang salaping nagkakahalaga ng isang daa't tatlumpu't dalawang libong dolyar ($ 132,000). Nasamsam ang halagang ito sa kwestiyonableng pag-aari ni Erlinda Ligot, maybahay ng dating "military comptroller" na si Lt. General Jacinto Ligot.
Sinabi ni Ambassador Harry Thomas, Jr. na ang salapi ay nakuha sa "forfeiture case" laban kay Ginang Ligot. Ito ang buod ng kanyang pahayag matapos makausap si Justice Secretary Leila De Lima kanina.
Noong 2009, hiniling ng Pilipinas sa pamahalaan ng Estados Unidos ayon sa itinatadhana ng "Mutual Legal Assistance Treaty" na alamin ang mga transaksyon sa lupa't bahay na pag-aari umano ni Ginang Ligot.
Ang isinauling halaga ay pagpapakita lamang umano ng mga benepisyo ng tratado sa pagitan ng America at Pilipinas at pagpapakita rin ng pagtitiwala sa pamahalaan sa ilalim ng liderato ni Pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino III kaya't ibinalik ang halaga sa Tesoreriya ng bansa upang magamit ng mga Pilipino. Hindi umano ito ang una at huling pakikipagtulungan ng America sa Pilipinas sapagkat marami pang usapin ang kanilang pinag-uusapan ngayon.
Magugunitang nahaharap ang pamilya ni General Ligot sa kasong di pagbabayad ng buwis na nagkakahalaga ng apat na raan at dalawampu't walong milyong piso sa Kagawaran ng Katarungan.
SAMANTALA, tinutulan ng Employers Confederation of the Philippines ang panukalang dagdagan ang sahod ng mga manggagawa sa Pilipinas dahilan sa pagtaas ng presyo ng gasolina at kuryente. Ayon sa kanilang "position paper" na isinumite sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, wala sa mga bansa sa Asia ang mamimilit sa lahat ng mga mangangalakal na magbigay ng pagkalaki-laking pang-araw-araw na sahod mula sa mga pinakamababa hanggang sa pimakamataas na posisyon. Ayon pa sa ECOP, kahit na ang maliliit na mangangalakal ay mapipilitang magpasahod ng mataas at manganganib na magsara.
Ito rin ang batas na nagpapataw ng multa at pagkabilanggo sa mga hindi tatalima sa pagdaragdag na sahod. Bagaman at popular sa madla ang panukalang ito, hinihiling ng ilang mambabatas na taasan ang pasahod sa pinakamadaling panahon. Unti-unti na umanong naaapektuhan ang "formal sector" at lalawak ang mga nasa "informal sector" samantalang masisira din ang "labor productivity."
Ayon kay Ginoong Edgardo Lacson, sa oras na tumaas ang pasahod, higit na mamahal ang halaga ng mga produktong gawa sa Pilipinas sapagkat lalaki ang gastos ng mga may kumpanya.
Nangangamba rin si Ginoong Lacson na lalong hihirap ang buhay ng mahihirap na Pilipino sa bawat pagtaas ng sahod at bilihin.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |