Ang Siji You o Year-round Pomelo ay isang bantog na prutas sa timog silangan ng Tsina. Ang "You" ay salitang Tsino para sa pomelo at ang "Siji" naman ay nangangahulugan ng "apat na seasons". Tinawag ito ng ganito dahil ang puno ng ganitong uri ng pomelo ay namumulaklak at namumunga sa lahat ng apat na seasons ng buong taon. Pero, ang pinakamasarap na bunga ay iyong mga nahinog sa unang dako ng winter, banding simula o kalagitnaan ng Nobyembre.
Malaki ang Year-round Pomelo, manipis ang balat at halos wala o kaunti lamang ang mga buto. Matamis ang laman ng prutas at malayo pa lang ay amoy na amoy na ang bango. Maraming bagay na nakakapagpalusog ang Year-round Pomelo, kabilang na ang iba't ibang uri ng vitamins. Ito ay hindi lamang isang uri ng prutas, kundi ginagamit din bilang gamot. Ayon sa Bencao Gangmu o Compendium of Materia Medica, isang kilalang-kilalang encyclopedia ng mga medisinang Tsino, napaparelaks ng Year-round Pomelo ang katawan ng tao, napapababa ang blood pressure, naibabalik ang gana at nakakatulong doon sa mga nasobrahan ng inom. Dahil dito, tinagurian ang pomelo na ito na "pambihira at lubhang mabuting prutas sa buong mundo".