|
||||||||
|
||
SAMANTALANG pinaghahandaan na ng Alemanya ang pagtatapos ng kanilang paggamit ng nuclear power plants bilang reaksyon sa naganap sa Japan noong buwan ng Marso, pinag-iibayo naman ng Pilipinas ang paggamit ng geothermal power – ang init na nagmumula sa ilalim ng lupa, partikular sa mga lugar na may mga dating bulkan.
Ang init na ito'y karaniwang nakikita sa mga ilang na pook, partikular sa mga kagubatan na may hot at cold springs. Matapos ang ibayong pag-aaral upang mabatid kung may sapat na commercial quantity at maganda ang uri ng usok na magpapatakbo ng mga turbine.
Niliwanag ng mga daluhasa sa geothermal energy na hindi puedeng gamitin ang acidic geothermal gas sapagkat masisira ang mga tubong gagamitin upang maipon ang steam at madala sa mga planting may turbina.
Unang naitayo ang geothermal power plant sa Tiwi, Albay noong dekada sitenta at nasundan ito ng iba't ibang planta sa lalawigan ng Laguna, Leyte, Negros Oriental, sa North Cotabato at maging sa hangganan ng mga lalawigan ng Albay at Sorsogon.
Ang Pilipinas ngayon ang pumapangalawa sa Estados Unidos kung pag-uusapan ang total na bilang ng megawatts na nagmumula sa geothermal production fields.
Ang Estados Unidos ay may total na 2,687 megawatts na nagmumula sa kanilang mga geothermal fields samantalang ang Pilipinas ay nakarating na sa bilang na 1,976 megawatts.
Ayon kay Ginoong Fernando Diaz De Rivera, Manager ng Corporate Communications ng Energy Development Corporation, malaki ang posibilidad na makalampas ang Pilipinas sa produksyon ng kuryente mula sa geothermal production fields kung hindi pag-iibayuhin ng Estados Unidos ang paggamit ng isa sa pinakamalinis na pinagkukunan ng kuryente.
Sa pandaigdigang talaan ng mga bansang gumagamit ng geothermal energy, pumapangatlo naman ang Indonesia, 992 megawatts, Mexico, 953 megawatts, Italya 810 megawatts at Japan na mayroong 535 megawatts.
Ang Tsina na kabilang sa 23 bansang gumagamit ng geothermal energy ay mayroong total output na 28 megawatts.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |