|
||||||||
|
||
KAILANGANG maging sensitibo ang mga pulis at kawal sa kultura ng mga katutubo upang higit na maging maganda ang relasyon ng magkakabilang-panig. Ito ang isa sa mga rekomendasyon ng House Committee on National Cultural Communities na pinamumunuan ni Congressman Teddy Brawner Baguilat ng Lalawigan ng Ifugao.
Kailangan din matugunan ng pamahalaan ang suliranin ng mga katutubo o indigenous people tulad ng mga nagaganap sa Compostela Valley, Aurora at maging sa Surigao del Norte.
Lumitaw sa pagsisiyasat ng Mababang Kapulungan kaninang umaga na mas madalas na ginigipit ang mga katutubo ng ibang mga mamamayang interesado sa kanilang mga lupain.
Kabilang sa mga katutubong nagpadala ng kanilang mga kinatawan sa pagdinig ay ang mga Dumagat ng Aurora at mga opisyal ng pulisya sa Surigao del Norte na nag-ulat ng ilang mga sagupaang naganap sa pagitan ng dalawang tribong Mamanwa.
Ipinaliwanag ni Congressman Baguilat na kailangang magkaroon ng indigenous peoples' desks sa mga tanggapan ng mga kawal at pulis upang makatugon sa mga suliranin ng mga katutubo.
Nanawagan din ang mambabatas sa Commission on Human Rights at maging sa Department of Environment and Natural Resources na maging alerto sa mga usapin ng mga katutubo upang maiwasan na ang pagdanak ng dugo.
Ayon kay Police Sr. Supt. Emmanuel Talento na kanilang sinisiyasat ang pinag-ugatan ng 'di pagkakaunawaan ng dalawang grupo ng mga Mamanwa sa kanilang lalawigan.
Ayon naman kay Fr. Jose Francisco Talaban ng Bianoan, Casiguran, Aurora, kailangang matutukan ang usapin ng mga katutubo sapagkat maraming anggulo na dapat pag-aralan. Ikinagulat nila ang pagkakatitulo ng lupaing pag-aari naman ng mga katutubo mga ilang daang taon na ang nakalilipas.
SA MALACANANG, sinabi ni Atty. Edwin Lacierda, taga-pagsalita ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na sa oras na magkabisa ang pagbibitiw ni Kalihim Jose De Jesus bilang Transport and Communications Secretary ay manunungkulan na si dating Senador Mar Roxas bilang kalihim ng isa sa pinakamalaking kagawaran sa Pilipinas.
Si Ginoong Roxas ay makakasama pa rin bilang senior member ng Economic Cluster at dahilan na rin sa kanyang matagal ng papel bilang isa sa pinakamalapit na tagapayo sa mahahalagang isyu.
Ang pagpapakita umano ng pagtitiwala ni Pangulong Aquino sa integridad, pag-uugali at kakayahang mamuno at tagapaglingkod ay sinabayan ng pagkilala at pagsuporta mula sa mga kasama sa gab inete, sa senado, sa congreso, sa business community at iba't ibang grupo ng mga mamamayang Pilipino. Kung hindi umano nagbitiw si Kalihim De Jesus ay hindi kaagad mapapakinabangan ang kakayahan ni Ginoong Roxas.
Idinagdag pa ni Atty. Lacierda na napakahalaga ng papel na gagampanan ni Ginoong Roxas sa pamahalaan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |