|
||||||||
|
||
TINIYAK ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na gagawin niya ang lahat upang maituwid ang mga katiwaliang iniwan ng nakalipas na liderato upang higit na umunlad ang bansa.
Ito ang buod ng kanyang talumpati sa pagdiriwang ng unang sentenaryo ng De La Salle University sa Lungsod ng Maynila. Pinapurihan ni Pangulong Aquino ang liderato ng pamantasan na siyang humubog sa ilang mga opisyal na hinirang na kasapi ng kanyang gabinete tulad ni Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo, Tourism Secretary Bertie Lim, Justice Secretary Leila de Lima at maging si Education Secretary Bro. Armin Luistro na dating pangulo ng De La Salle University.
Malaki rin umano ang papel na ginampanan ng De La Salle Community sa pangangalaga sa ilang mahahalagang tao tulad ni Jun Lozada. Naging kanlungan din ng mga whistleblower ang kumbento ng De La Salle University. Nagpasalamat muli si Pangulong Aquino sa pagpapagamit ng De La Salle community sa kanilang mga tanggapan at iba ng pasilidad para sa National Movement for Free Elections sa mga nakalipas na halalan.
SA SENADO, nanawagan naman si Senador Edgardo J. Angara na pagbalik-aralan ang conditional cash transfer program na nangangailangan ngayon ng dalawang bilyong piso. Magugunitang sinabi ni Secretary Corazon Soliman na ang Pantawid Pamilyang Pilpino Program o 4Ps na nagangailangan ngayon ng dalawang bilyong piso sapagkat nahigitan na ang target beneficiaries ngayon,
Nagkaroon umano ng magandang kinalabasan ang Conditional Cash Transfer sa mga bansang Latino kaya nga lamang ay pinalawak ang palatuntunan sa Mexico at Brazil. Idinagdag pa ni Senador Angara na nagsagawa ng masusing pag-aaral ang mga social worker sa Brazil at Mexico at inalam kung talagang matutugunan ang mga pangangailangan ng mga mamamayan.
Ipinaliwanag ni Secretary Soliman na nagbabalak ding gumawa ng ganitong pag-aaral ang kanyang tanggapan kasama ang Social Weather Station sa darating na buwan ng Nobyembre.
Kinuha ang 4Ps sa Oportunidades program ng Mexico na siansabing isa sa pinakamasusing pinag-aralan ng ekonomista ng World Bank na si Rodrigo Garcia-Verdu.
Ayon kay Senador Angara mas magandang matiyak ng pamahalaan ang pagbbibigay ng hanapbuhay at pagkakakitaan para sa mga naninirahan sa malalayong pook.
SA MABABANG KAPULUNGAN, nakapasa sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na nagbabawal sa paggamit ng cellphone samantalang nagmamaneho ng sasakyan.
Ayon kay Congresswoamn Susan Yap ng Ikalawang Distrito ng Tarlac, isa sa mga may akda ng House Bill 4571, patuloy na dumarami ang mga nasasakuna, mga nasasawi at nasusugatan, dahilan sa pagmamaneho samantalang may kausap sa mobile phones.
Hindi lamang ang mga tsuper ang napapasa-peligro kungdi ang mga karaniwang mamamayan na maaaring naglalakad lamang sa tabing-daan na posibleng masagasaan.
Pinagbabawalan ang lahat sa paggamit ng cellphone samantalang nagmamaneho ng mga sasakyan, kahit ang mga karitong hila ng kalabaw, samantalang nasa national highways at lahat ng mga lansangan.
Sa oras na maging ganap na batas ang panukala, makikilala ito sa pangalang "Anti-Mobile Communication Devices Use while Driving Act of 2011." Ang mga gagamit ng "hands-free telephone" ay hindi masasaklaw ng batas na ito kabilang na rin ang mga may emergencies at official functions na mas maaaring maglagay sa peligro sa mas maraming tao.
Pagmumultahin sila ng P 10,000 at pawawalang-bisa ang kanilang mga lisensya sa pagmamaneho.
MULA SA MINDANAO, sinabi ni Fr. Edu Gariguez ng CBCP-National Secretariat of Social Action, Justice and Peace na isang koponan ng mga kinatawan ng kanyang tanggapan, Catholic Relief Services at United Nations ang nakatakdang dumalaw sa Cotabato City mula bukas upang alamin ang pangangailangan ng mga nabiktima ng malubhang baha sa Maguindanao, North Cotabato at Sultan Kudarat.
Unang naibalita na tumaas ang tubig dahilan sa walong kilometrong water lily na may taas na anim na metro na dahilan ng hindi pagdaloy ng tubig sa Rio Grande de Mindanao.
Halos 400,000 mamamayan ang apektado ng matinding pag-ulan at pagbaha. Baka sakaling may mga kababayan tayong puedeng tumulong, iparating na lamang po sa CRI ang inyong magiging ambag para sa mga nasalanta ng pagbaha.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |