Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Pangulong Aquino, mamumuno sa paggunita ng kaarawan ni Dr. Jose Rizal, 2011-6-18

(GMT+08:00) 2011-06-19 13:55:48       CRI

PAMUMUNUAN ni Pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino III ang pagdiriwang ng ika-150 kaarawan ng Pambansang Bayani Dr. Jose Protacio Rizal mula ika-walo ng umaga sa Lungsod ng Calamba sa Laguna, mga 54 na kilometro mula sa Maynila, bukas ng umaga.

Sisimulan ang pagdiriwang sa pagtataas ng watawat ng Pilipinas at pag-aalay ng bulaklak sa tahanan ng pambansang bayani, kasabay ng pagpapasinaya sa bagong bantayog ni Dr. Rizal sa Calamba. Kasunod ng seremonyang ito ang pagbubukas ng eksibisyong nagtatampok ng mga kagamitan ng bayani.

Magtutungo ang Pangulong Aquino sa bagong Bantayog ni Rizal upang tumanggap ng Sertipiko ng pagsasaayos ng aklat na Noli Me Tangere mula kay Ambassador Christian Ludwig Weber Lorssch ng Alemanya, eRizal Tablet mula kay Governor Emilio Ramon "ER" Ejercito, Board Member Nocum at Education Secretary Bro. Armin Luistro, Rizal @ 150 Commemorative Medal mula kay Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Amando Tetangco Jr., Rizal @ 150 Commemorative Stamp kay Postmaster General Antonio Z. De Guzman at isang aklat hinggil sa Lineage, Life and Labors of Jose Rizal mula kay Tulay Foundation Chairman Manuel O. Chua.

Ipakikilala ang panauhing tagapagsalita ni Dr. Maria Serena I. Diokno ng National Historical Institute at magbibigay ng kanyang mensahe si Pangulong Aquino.

MAY DUGONG TSINO SI DR. JOSE RIZAL

Napatunayan ng mga mananaliksik at dalubhasa sa Kasaysayan na may dugong Tsino si Dr. Rizal.

Noong Hunyo, 2004, inilathala ni Austin Craig ang e-book na pinamagatang Lineage, Life and Labors of Jose Rizal, Philippine Patriot. Dalawang kabanata ang kanyang ginugol sa pagkakaroon ng pambansang bayani ng dugong Tsino. Si Craig ay isang Assistant Professor ng Oriental History sa Pamantasan ng Pilipinas at nanaliksik sa ilalim ng Gutenberg Literary Archive Foundation.

Ayon kay Craig, nagsimula ang dugong Tsino ni Dr. Rizal kay Lam-co, isang Tsinong mula sa Chinchew District ng lalawigan ng Fookien. Sa pook na ito nanirahan ang mga Jesuita at mga Dominicano at posibleng nakabatid si Lam-co ng mga mahahalagang bagay tungkol sa Christianismo bago pa man nakarating ng Pilipinas. Bahagi na umano ng daungan ng Amoy ang lugar na ito.

Hindi pangkaraniwan ang kalagayan ni Lam-co sapagkat namuno siya sa mga Tsinong nanirahan sa bayan ng Binan. Bininyagan siya sa simbahang Tsino ng San Gabriel noong Hunyo 1697 sa edad na 35 at gumamit ng pangalang Domingo bilang pagkilala sa kadakilaan ng araw na iyon. Matapos ang halos tatlumpung taon, pinakasalan niya si Inez dela Rosa, isang edukadong anak ng isang pamilyang mula sa Chinchew sa simbahang Katoliko. Pasado treinta anos lamang si Inez nang pakasalan ni Domingo.

Isa sa kanilang naging anak ang pinangalanang Francisco Mercado. Karaniwang binibinyagan ang mga Tsino sa pangalang halaw sa mga Kastila. Hindi nagtagal, naging isang bantog na rantsero na may-ari ng napakaraming kalabaw.

Noong Mayo 26, 1771, pinakasalan niya si Bernarda Monicha, isang mestizang Tsina mula sa bayan ng San Pedro. Noong 1783, si Francisco Mercado ang naging punongbayan ng Binan. Ang kanilang panganay na anak na lalaking si Juan ang nagpakasal kay Cirila Alejandra, anak na babae ni Domingo Lam-Co. Sinundan niya ang yabag ng kanyang ama at naging punong bayan ng Binan noong 1808, 1813 at 1823. Malaki ang naging pamilya ni Gobernadorcillo Mercado at Cirila. Kabilang sa kanilang naging supling si Francisco Rizal Mercado na naging ama ni Jose Rizal.

SA MADRID, ESPANA, pinasinayaan ang Sentro Rizal noong Araw ng Kalayaan, ika-labing dalawa sa buwan ng Hunyo, bilang bahagi ng isang daa't kalahating daang taon ng kapanganakan ng pambansang bayani.

Ito ang kauna-unahang Sentro Rizal sa ibang bansa at nabuo ayon sa National Cultural heritage Act. Si Senador Edgardo Angara ang naging panauhing pandangal sa pagtitipon.

Kahapo'y pinasinayaan din ang isa pang Sentro Rizal sa Prague, Czech Republic, sa pinagmulan ni Prof. Ferdinand Blumentritt, isang matalik na kaibigan ni Dr. Rizal. Naging panauhing pandangal sa pagtitipon si Ginang Gloria Angara.

Sa darating na Hunyo 28, bubuksan naman ang Sentro Rizal sa National Commission for Culture and the Arts sa Intramuros, kalapit lamang ng CBCP Compound. Sina Senador Angara at ang kanyang anak na si Congresista Juan Edgardo ang may-akda ng batas na nagtatatag ng mga Sentro Rizal sa iba't ibang bahagi ng daigdig bilang pagkilala sa payapang pagbabago.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>