|
||||||||
|
||
NILAGDAAN na ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III ang apat na bagong batas na unti-unting magbabago sa larawan ng malalayong bahagi ng Pilipinas. Ito ay ang pagpapatupad ng lifeline rate para sa kuryente, pagpapatagal pa ng Joint Congressional Power Commission, pagpapahintulot sa kababaihang magtrabaho sa gabi at pagbibigay ng mandatory immunization services para sa mga kabataan.
Ayon kay Pangulong Aquino, mahahalaga ang mga bagong batas na ito upang matiyak ang kalusugan ng mga batang kulang pa sa limang taong gulang sa pagkakaroon ng mandatory immunization laban sa mga karaniwang karamdaman. Bibigyan ang bata ng Hepatitis –B vaccine sa loob ng dalawampu't apat na oras matapos ang kanyang pagkakasilang. Nilagdaan na rin ang batas na nagbibigay ng mas mababang presyo ng kuryente para sa mga mahihirap na pamilya sa buong bansa. Sa halip na magbayad ng mahal na kuryente, mailalaan na nila ang salaping matitipid para sa pagpapagamot at pagkain.
Ipagpapatuloy pa rin ang gawain ng Joint Congressional Power Commission upang magpatuloy din ang reporma sa ilalim ng Electric Power Industry Reform Act of 2011 na naging dahilan ng mga pagbabago sa industriya. Ganap na ring batas ang pagpapahintulot sa mga kababaihang maghanapbuhay sa gabi, partikular sa mga business process outsourcing na kilala sa pangalang call centers. Ang mga kumpanya na nasa bpo ay pinahihingi muna ng exemption mula sa Department of Labor and Employment.
SAMANTALA, ikinatuwa naman ni Fr. Edwin Corros, executive secretary ng CBCP-Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People ang pagkakapasa ng international standards na nagbibigay ng garantiya sa mas magandang kalagayan ng domestic workers.
Ang Pilipinas, sa pamamagitan ng Department of Labor and Employment, ang siyang namuno sa Committee on Domestic Workers sa ika-isang daang taong pagsasagawa ng Conference of the International Labour Organization sa Geneva noong nakalipas na linggo..
Ayon kay Fr. Corros, makatitiyak na ng mas magandang pagtrato ang mga domestic workers hindi lamang sa PIlipinas kungdi sa iba pang mahihirap na bansa na nagpapadala ng mga kasambahay sa Gitnang Silangan, sa ibang bansa sa Asia at maging sa Europa.
Idinagdag pa ni Fr. Corros na mas makabubuting ipasa na rin sa Pilipinas ang panukalang batas na kilala sa pangalang Kasambahay Bill upang higit na makinabang ang milyun-milyong mga kasambahay sa buong bansa.
SA PAGDAMI ng mga kasapi sa iba't ibang social networks, bagama't marami ang natutuwang makita at mabalitaan ang kanilang mga kaibigan at kamag-anak na matagal nang 'di nakikita, mayroon ding maituturing na downside ito.
Sa Pilipinas, ilang krimen na ang naganap sa pagitan ng mga nagkakakilala sa pamamagitan ng Facebook. Kabilang dito ang napaslang na isang call center agent matapos dalawin ng sinasabing katipang nakilala sa pamamagitan ng Facebook.
Ito rin ang karanasan ni Archbishop Oscar V. Cruz na bigla na lamang lumabas ang na may pangalang "Archbishop Oscar V. Cruz for Senator Movement" sa Facebook na umani ng mga batikos mula sa ilang mga mamamayang hindi naniniwala sa paninindigan ng retiradong arsobispo.
Sa panayam ng CBCPNews, sinabi ng arsobispo na malayo sa katotohanan ang sinasabi ng naturang account sapagkat alam niya ang batas ng simbahang hindi pumapayag sa kapariang tumakbo sa halalan o mapasok sa pamahalaan.
Maliwanag ito sa Code of Canon Law, ayon sa arsobispo. Idinagdag pa niya na kung nabubuhay pa ang kanyang butihing ina ay nakatitiyak siyang hindi iboboto kahit barangay tanod.
Hinding-hindi raw siya tatakbo sa pagka-senador sapagkat madali na siyang mamayapa. Mayroon daw naman siyang sariling blogsite, na katatagpuan ng kanyang mga opinion sa mahahalagang isyu ng bansa at lalo't higit na wala siyang pinapayagang gumawa ng Facebook account na ang intension ay ipakilala siyang kandidadato sa pagka-senador.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |