|
||||||||
|
||
BINALAAN ng pambansang pulisya ang madla sa paggamit ng social networks para sa kanilang mga gawaing labag sa batas.
Dahilan sa serye ng sinasabing social media-related crimes, binalaan ni Chief Supt. Samuel Pagdilao ang madla na maging maingat sa kanilang mga nagiging kaibigan sa internet. Mas makabubuti umanong ilagay lamang sa "friends only mode" ang kanilang mga Facebook accounts upang mga kaibigan lamang ang makakita ng kanilang mahahalagang impormasyon.
Ayon kay Heneral Pagdilao, director ng Criminal Investigation and Detection Group, patuloy na tumataas ang sinasabing "computer crimes" tulad ng identity theft, libelo, estafa, harassment at computer hacking sa unang anim na buwan ng taong 2011.
Umabot na sa 56 ang walk-in complainants dahilan sa computer crimes na dumulog sa tanggapan ng CIDG, na hamak na mas mataas sa 26 na reklamo sa buong taon ng 2010. Dalawang kaso ng pornography ang naitala sa unang anim na buwan.
May mga reklamo ring natanggap mula sa mga nabiktima sa Twitter, Multiply at maging sa eBay.
Binanggit ni Heneral Pagdilao na makikipagtulungan pa sila sa ibang ahensya upang higit na mabuo ang larawan ng mga paglabag sa batas sa pamamagitan ng social networking. Aalamin din niya ang bilang at mga uri ng reklamong ipinarating sa mga tanggapan ng pulisya sa iba't ibang lungsod at bayan sa buong bansa.
Pang-labing pito ang Pilipinas sa mga bansang gumagamit ng internet samantalang tatlumpung porsiyento ng mga mamamayan ang may access sa internet.
Noong nakalipas na linggo, ang TV Director na si Ricky Rivero ay nasaksak ng higit sa sampung beses ng isang lalaking kanyang inanyayahang matulog sa kanyang tahanan. Nakilala niya ang suspect na nadakip kaagad ng mga kapitbahay, sa pamamagitan ng Facebook. Tumanggi naman ang pinaghihinalaan na may kinalaman siya sa krimen..
Noong Sabago, natagpuang patay ang isang kawani ng isang call center na ginapos at sinaksak ng kanyang nakilalang lalaki sa pamamagitan ng Facebook.
GINUNITA kahapon ang ika-anim na anibersaryo ng kamatayan ng Tsinoy na cardinal, ang namayapang Jaime Cardinal Lachica Sin, Arsobispo ng Maynila mula noong Marso 19, 1974 hanggang Setyembre 15, 2003.
Pinamunuan ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates B. Villegas ang Memorial Mass sa puntod ng namayapang cardinal sa krypto ng Katedral ng Maynila.
Isang bronseng busto ng namayapang cardinal ang inilagay sa kanyang puntod na gawa ng iskultor na si Jude Shi na mula pa sa Beijing, Tsina.
Ayon kay Fr. Rufino Sescon, naging kalihim ng cardinal sa huling pitong taong panunungkulan sa Maynila, ang gawa ng Tsinong iskultor ang pinakamalapit sa mukha ni Cardinal Sin.
Isinilang na ika-labing isa sa 13 magkakapatid na supling nina Juan Sin at Maxima Reyes Lachica, kinilala si Cardinal Sin na isa sa mga bayani ng EDSA noong 1986.
Ang kanyang ama na si Juan Sin ay sinasabing may dugong Tsino.
Naging saksi ako sa pagtanggap ni Jaime Cardinal Sin sa kanyang tahanan sa Mandaluyong City kay Deng Pufang, ang isa sa mga anak ni Deng Xiao Ping noong dumalaw siya sa Pilipinas noong dekada nobenta. Naging maayos ang kanilang pag-uusap tungkol sa pagkakaibigan ng mga Pilipino at mga Tsino sa Pilipinas.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |