Isa sa mga pamosong bundok sa Tsina na matatagpuan sa Xi'an ay ang Hua Shan. Isa ito sa pinakadinadayong bundok at ang pinakamatarik na bundok sa Tsina. Hindi namin inakyat ang bundok dahil pagnilakad pa daw ito paakyat baka hindi na namin makikita ang iba pang tourist spot sa itaas nito. Nag-cable car kami. Maaga pa ay nakarating na kami dito, pero ilang oras din ang aming hinintay bago kami makaupo dahil sa haba, as in, haba ng pila. May isa't kalahating oras din yata kaming naghintay. Mga 30 minutes din itinagal ang pag-upo namin sa cable car. Medyo kinabahan ako sa bandang gitna ng paglalakbay sa cable car dahil ang taas taas na namin at kung anu-anong bagay na ang naiisip ko tulad nalang paano kapag bumagsak ito o nasiraan. Heto't okay pa naman ako.
Pagbaba namin ng cable car, napanganga nalang ako, dahil iba talaga ang ganda ng paligid na makikita mo mula dito. Isa pa ay ang sariwang hanging malalasap mula dito, sakto pang ang temperature ay katam-taman lang, hindi mainit hindi malamig, kaya't nakakaganang umakyat ng bundok. Medyo pasikot-sikot ang mga daanan sa bundok, hindi namin malaman kung aakyat ba kami o baba. Mga 4pm na at kita na namin ang tuktok ng bundok, ngunit alam namin mahabang oras din ang kakailanganin papanhik sa tagpuan.