|
||||||||
|
||
KAILANGANG magkaroon ng malawakang pagtutulungan ang mga bansang kasapi sa Association of South East Asian Nations upang masugpo ang human trafficking at malaki ang maiaambag ng Pilipinas sa pagbalangkas ng mga paraang makalulutas sa suliraning ito.
Ito ang buod ng talumpati ni Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay sa pagpupulong ng mga dalubhasa sa pagbuo ng ASEAN Convention on Trafficking in Persons sa Kamaynilaan.
Ang karanasan ng Pilipinas sa pinag-isang multi-sectoral approach ay lubos na makatutulong sa mga kalapit bansa sa timog silangang Asia at mga bansang nagnanais na makabuo ng pang-rehiyong solusyon sa matinding dagok sa lahat ng pamahalaan at mga pamilya.
Ang pagbuo ng feasibility study ay tugon sa napagkasunduan ng mga pinuno ng mga bansang kalahok sa ASEAN na nilagdaan noong nakalipas na Mayo sa Jakarta.
Ayon sa kalatas ng ASEAN, kailangang magsama-sama ang mga pamahalaan upang mapalakas ang pagtutulungan sa regional at international level upang maiwasan at masugpo ang trafficking in persons.
Ani Ginoong Binay, bagama't mayroon na ring mga nagawa, batid ng nakararami na mas maraming nararapat pang gawin sa paggamit ng iba't ibang ahensya kabilang na ang Heads of Specialist Units upang masugpo ang mga ganitong pangyayari.
Umabot na sa 25 katao ang naisakdal ng trafficking in persons sa Pilipinas noong nakalipas na taon. Natamo na rin ang paggagawad ng hatol sa isang nagkasala ng human trafficking samantalang marami pa ang nasa iba't ibang antas ng paglilitis.
Kumikilos na rin ang Kagawaran ng Katarungan at Korte Suprema upang mapabilis ang mga usapin, pagsasanay at pagpapaliwanag sa madla sa kahalagahan ng pag-iwas sa human trafficking na kabibilangan na rin ng mga kagawad ng mga hukuman, mga diplomata, mga kasapi sa civil society groups at lalo't higit ang mga manggagawang Pinoy na nagtutungo sa iba't ibang bansa. Sa ngayon, may tinatayang siyam hanggang sampung milyong Pilipino ang nasa iba't ibang bansa.
SAMANTALA, kailangan umanong magkaroon ng mas marami at mas madalas na pag-uugnayan ang mga pamantasan at mga industriya sa larangan ng agham at teknolohiya, partikular sa pananaliksik at kaunlaran upang maging mas madali ang pag-asenso ng bansa.
Ito ang bahagi ng talumpati ni Senador Edgardo J. Angara sa Techological Exposition 2011 ng Technological University of the Philippines. Pinapurihan niya ang mga iba't ibang proyekto ng mga mag-aaral ng pamantasan mula sa apat na kampus nito sa buong bansa na tumutugon sa mga hamon ng panahon, lalo't higit sa aspeto ng kompetisyon.
Binigyang-diin ni Senador Angara ang pangangailangang masangkot ng mga pamantasan sa Research and Development partnerships sa mga alagad ng industriya upang makasama ang mga programa ng mga nasa akademya sa operasyon ng mga industriya.
Si Angara ang chairman ng Senate Committee on Science and Technology. Marapat lamang umanong kumilos na ang bansa sapagkat ika-95 ang Pilipinas sa technology readiness at ika-111 sa innovation ayon sa Global Competitiveness Index 2010-2011 ng World Economic Forum.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |