|
||||||||
|
||
ISUSULONG ng Pilipinas sa pamamagitan ni Foreign Affairs Secretary Albert F. Del Rosario ang mga prayoridad nito sa tatlong aspeto ng community-building goals ng ASEAN sa ika-44 na ASEAN Ministerial Meeting at 18th ASEAN Regional Forum na sisimulan bukas, ika-19 hanggang ika-23 ng Hulyo sa Bali, Indonesia.
Ilalahad ni Ginoong Del Rosario ang tungkol sa political-security cooperation, trafficking in persons, connectivity, human rights, food security at disaster management at pati na ang isyu ng migrant workers.
Sa huling tatlong araw ng pagpupulong, ang ASEAN Foreign Ministers ay dadalo sa Post-Ministerial Conferences, sa Informal East Asia Summit Ad Hoc Consultations, ASEAN Plus Three Foreign Ministers Meeting at ang ASEAN Regional Forum.
Pagkakataon umano ng mga kalihim ng ugnayang panglabas ng mga bansa sa ASEAN na makaharap ang mga kapwa opisyal mula sa Australia, Bangladesh, Canada, China, ang Democratic People's Republic of Korea, European Union, India, Japan, New Zealand, Republic of Korea, Pakista, Papua New Guinea, Russia, Sri Lanka, Timor Leste at Estados Unidos.
Umaasa ang Pilipinas na magkakaroon ng ASEAN Community sa taong 2015 at common platform para sa ASEAN paglampas ng taong 2015 para sa Timog Silangang Asya.
Para sa Pilipinas, mahalaga ang maritime security at pagpapalago ng mga paraan upang higit na gumanda ang sama-samang pagkilos sa paglutas sa karaniwang maritime issues.
Nais din ng Pilipinas na maisulong ang ASEAN Convention on Trafficking in Persons upang tugunan ang matinding problema ng rehiyon.
Nais din ng Pilipinas na maipatupad ang Master Plan on ASEAN Connectivity sa pagbuo ng isang nautical highway sa pamamagitan ng mga roll on/roll off.
Makikipagtulungan ang Pilipinas sa iba't ibang bansa magkaron lamang ng food security ang bansa at mga kalapit nito sa ASEAN.
Para sa Pilipinas, kailangan ding magkaroon ng regional response mechanism upang paghandaan, maturuan at matulungan ang mga Filipino at mga kalapit-bansa kung magkaroon ng natural disasters tulad ng paglindol, pagkakaroon gn tsunami, pagbaha, pagguho ng lupa at iba pa.
Makakaharap din ni Kalihim Del Rosario sina Foreign Minister Sergie Lavrov at US Secretary of State Hillary Clinton sa darating na araw ng Sabado, a-veinte-tres ng Hulyo.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |