|
||||||||
|
||
KAHIT PA ibinalita ng Food and Agriculture Organization na nababawasan ang bilang ng mga nagugutom sa Pilipinas ayon sa Food Price Index, hindi nararapat magpabaya ang pamahalaan.
Ito ang pahayag ni Senador Edgardo J. Angara matapos lumabas ang ulat ng Social Weather Station sa kanilang survey noong a-tres hanggang a-seis ng Hunyo na aabot sa 15.1 porsiyento o may tatlong milyong pamilyang Pilipino ang nagutom sa nakalipas na tatlong buwan at hamak na mas mababa mula sa 20.5 percent o 4.1 milyong pamilyang Pinoy na nagutom noong nakalipas na Marso.
Subalit nabahala si Senador Angara sa FAO index na kinakitaan ng isang porsiyentong dagdag mula Mayo hanggang Hunyo at pagtaas ng 39 porsiyento mula Hunyo 2010 hanggang Hunyo 2011. Tumaas ang presyo ng bigas at asukal noong nakalipas na buwan.
Sa likod ng magandang survey results, hindi nararapat magpabaya ang pamahalaan sapagkat maaaring lumala ang kalagayan ng bansa dahilan sa paglaki ng pangangailangan para sa pagkain. Ito umano ang nagpapabigat ng hamon sa pamahalaan na tugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan, sabi pa ni Ginoong Angara.
Kailangan umanong dagdagan pa ang kakayahan ng mga sakahang makapag-supply ayon sa pangangailangan ng mga mamamayan.
Idinagdag pa ni Senador Angara na dating Senate President, pangulo ng Pamantasan ng Pilipinas at Integrated Bar of the Philippines, na sinabi ng ekonomistang si Amartya Sen na ang pagkagutom ay nag-uugat sa pagkakaiba ng mayayaman at mahihirap na humahadlang sa limitadong likas na yaman. Mas maganda umanong gumawa ng paraan upang mas maraming Pilipino ang magkakaroon ng kakayahang makabili o purchasing power para sa kanilang mga kailangan.
Nagbabala pa ang mambabatas na ang pagkagutom ang siyang nagpapatindi ng kakulangan ng sustansya sa katawan ngmga kabataan sa buong daigdig. Makikita ang epekto ng kakulangan ng sustansya sa pagkabalam ng kanyang mental at physical development.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |