|
||||||||
|
||
MATAPOS tumama sa lalawigan ng Aurora sa hilagang-silangang Luzon si "Juaning" (International Name: Nock-ten), humina ito subalit bumilis at nagbago gn direksyon patungong hilagang kanluran sa bilis na labing-limang kilometro bawat oras.
May lakas ng hangin si "Juaning" na mula 95 hanggang 120 kilometro bawat oras malapit sa gitna at lalabas ng Luzon sa ganap na ika-walo hanggang ika- sampung gabi sa pagdaan nito sa lalawigan ng La Union ngayong Miyerkoles.
Makalalabas na si "Juaning" sa Philippine Area of Responsibility bukas ng hapon. Ang dalang ulan ni "Juaning" ay aabot sa limang daan hanggang anim na raang kilometro ang lawak.
Sa oras na makalampas ang bagyong "Juaning" sa Sierra Madre mountains, ibayong ulan at pagbugso ng hangin ang madarama kahit na sa Metro Manila.
Binaha na naman ang Kabikolan, partikular ang mga lalawigan ng Camarines Norte, Camarines Sur at maging ang Albay.
Suspendido pa rin ang mga klase sa mga paaralan mula kindergarten hanggang kolehiyo sa buong Metro Manila at mga poor na dinaraanan ng bagyong "Juaning." Suspendido rin ang sesyon ng Senado ng Pilipinas at Mababang Kapulungan. Kaninang bago mag-alas tres ng hapon, lumabas na rin ang suspension ng trabaho sa lahat ng hukuman sa mga pook na apektado ng bagyong "Juaning".
Umabot na sa 20 ang mga nasawi dahilan sa bagyo samantalang marami pang nawawala.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, umabot sa halos 130,000 pamilya o higit pa sa anim na raang katao ang apektado ng bagyo.
Si "Juaning" ang ika-sampung bagyong dumaan sa Pilipinas ngayong taong ito. Higit sa 20 bagyo ang pumapasok at namiminsala sa Pilipinas taon-taon
NGAYONG linggong ito ooperahan si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa St. Luke's Medical Center sa Taguig City. Isasaayos umano ang isang bahagi ng kanyang gulugod sa may batok at pagagaanin ang pressure sa ilang mga ugat na nagpapagalaw ng kanyang itaas na bahagi ng katawan.
Ayon kay Dr. Juliet Gopez-Cervantes, isang koponan ng mga manggagamot ang sumuri sa dating pangulo na ngayo'y isang kinatawan ng isang distrito sa lalawigan ng Pampanga sa House of Representatives. Kung hindi kaagad maooperahan, maaring maparalisa ang kanyang buong katawan.
Karaniwan umano ang sakit na ito sa mga tumatanda at nakakatulong sa pagkakaroon ng cervical osteoarthritis sa mga kasu-kasuan na may koneksyon sa mga buto sa leeg.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |