|
||||||||
|
||
SASAILALIM si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa operasyong maaaring tumagal ng limang oras upang maisaayos ang kanyang cervical spine. Ito ang pahayag ng kanyang mga manggagamot kanina na isinahimpapawid sa radyo't telebisyon.
Gagawin ang operasyon sa ganap na alas-siyete ng umaga sa Biyernes. Sampung siruhano ang makakasama sa koponan ng mga manggagamot ng dating pangulo.
Sila ang maglalagay ng implants sa cervical spine ng dating pangulo upang mapigilan ang patuloy niyang panghihina sa kanyang mga kamay, na ayon sa mga manggagamot, ay maaaring mauwi sa pagkaparalisa.
Ilalagay ang dating pangulo sa Intensive Care Unit matapos ang opeasyon at bibigyan ng hanggang sampung araw upang magpagaling. Isinugod siya sa St. Luke's Medical Center sa Fort Bonifacio, Taguig City matapos makaramdam ng panghihina ng kanyang mga kamay.
Bago siya na-ospital, humarap siya sa Department of Justice upang panumpaan ang kanyang salaysay na nagpapawalang saysay sa akusasyong plunder na ipinaabot laban sa kanya.
SAMANTALA, bagama't naibaba na ang storm signals sa buong bansa sa paglayo ng bagyong si Juaning, umabot na sa 33 ang nasasawi samantalang 25 ang nawawala sa pagragasa ng bagyo sa Bikol, Southern Tagalog, Central Luzon, Cagayan Valley at Ilocos regions mula noong nakalipas na ilang araw.
Ayon kay Administrator Benito Ramos ng Office of Civil Defense, wala pang naipadadalang ulat ang mga taga Kagawaran ng Pagsasaka at Public Works and Highways sa mga napinsalang sakahan at mga lansangan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |