|
||||||||
|
||
NARITO ako ngayon sa Legazpi City, sa Lalawigan ng Albay at nalaman kong nangangailangan ang mga Albayano ng tulong upang makabangon sa hagupit ng bagyong "Juaning" na nagdala ng matinding ulan. Sa pagtatapos ng buwan ng Hulyo, umabot sa 722.8 millimetrong ulan ang pumatak sa lalawigan na hamak na mataas sa karaniwang 279.0 millimentrong ulan sa bawat buwan ng Hulyo.
Sa panayam ng China Radio International – Filipino Section at ng CBCP News kay Gobernador Jose Sarte Salceda, sinabi niyang kailangan nila ng tubig na maiinom, mga kagamitan sa loob ng tahanan, mga gamit ng mga mag-aaral sa elementarya at kaulukang seguro at kapital para sa mga magsasakang binaha ang mga pananim.
Sinabi ni Ginoong Cedric Daep ng nangangasiwa sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Council na umabot sa 127,000 pamilya ang nakaramdam ng hagupit ni "Juaning" noong nakalipas na Lunes samantalang isinasaayos nila ang master list ng mga pamilyang mahihirapang makabangon sa pinsalang idinulot ng pagbaha at malakas na buhos ng ulan. Ang mga pamilyang binaha ay nangawalan ng kanilang mga kagamitan samantalang ang mga magsasakang nakapagtanim ng palay at ibang mga mapapagkakitaan ay mahihirapang makabangon sapagkat naka-tatlong malalakas na bagyo na ang dumaan sa Albay.
Tatagal umano ng tatlo hanggang apat na buwan bago makabawi ang mga magsasaka. Nakikita na rin nila ang paglobo ng bilang ng mga kabataang hindi na makakapasok sa mga paaralan, mula elementarya hanggang kolehiyo.
Idinagdag pa ni Ginoong Daep na maaaring sa kahirapan ng buhay ay hindi na makabili pa ng gamot ang mga biktima kaya't tataas din ang bilang ng mga magkakasakit.
Umabot na rin umano sa isang bilyong piso (P 1 bilyon) ang pinsala ng ulan at baha sa mga pananim, mga pagawaing bayan at mga pribadong ari-arian ng mga mamamayan.
Nangangailangan ng tulong ang mga naninirahan sa mga bayan ng Polangui, Libon, Malinao, Oas at Jovellar at ilang bahagi ng Malilipot, Bacacay, Sto. Domingo at mga napinsala dala ng lahar sa mga bayan ng Camalig, Guinobatan, Daraga, Sto. Domingo at dito sa Lungsod ng Legazpi.
Idinagdag pa ni Gobernador Salceda na humahaba ang pila sa mga bahay- sanglaan (pawnshops) na nagpapatunay na maraming nagsasangla ng mga alahas at tumatanggap ng padalang salapi mula sa mga kamag-anak na naghahanapbuhay sa ibang bansa.
Bagama't kailangang makabalik sa paaralan ng mga mag-aaral, karamihan ay walang magagamit dahilan sa bagyong "Juaning". Iminungkahi pa ni Gobernador Salceda ang pagkakaroon ng "cash for work" na nangangahulugang may magtatrabaho sa isang pamilya at ang salaping mula pamahalaan o non-government organizations ang isang ipasasahod sa kanila.
Isa sa mga namatayan si Gobarnador Salceda sapagkat nadulas ang kanyang inang walumpu't dalawang taong ina, ang dating public school teacher na si Cielo Sarte Salceda. Nasawi ang kanyang ina sa pagkakabagok ng ulo noong Miyerkoles dahilan sa pagkaputol ng kuryente. Kanina nama'y isinugod sa Bicol Regional Teaching and Training Hospital ang kanyang ama na tila inatake sa puso. Nakatakdang isakay ng eroplano patungong Maynila ang matandang Salceda upang madaluhan ng mga dalubhasa sa sakit sa puso.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |