|
||||||||
|
||
NAGAWA umano ng Pilipinas ang hindi inaasahan: ang malampasan ang India sa bilang ng contact center hotspot sa daigdig. Sa pangyayaring ito, madalas na pinag-uusapan ng iba't ibang bansa ang kakayahan ng Pilipinas sa business process outsourcing sa tulong na rin ng Contact Center Association of the Philippines.
Sinabi ni Senator Edgardo J. Angara sa kanyang talumpati sa International Contact Center Conference and Exposition 2011, na ang Information Technology-Business Process Outsourcing sector ang isa sa pinakamabilis na lumago kahit pa nagkaroon ng pandaigdigang krisis sa ekonomiya noong 2008 hanggang 2009.
Idinagdag ni Senador Angara na ang IT-BPO sector ng Pilipinas ay lumago ng higit sa 500 prosiyento kung pagbabasehan ng kinita nito, at lumago rin ng 400 porsiyento sa bilang ng mga hanapbuhay na natamo sa wala pang sampung taon.
Ayon sa mambabatas, mula noong 2004 hanggang 2010, ang average growth nito sa kinita ay umabot sa 39 na porsiyento at 33 porsiyento sa trabahong natamo ng mga Pilipino.
Kumita ang call centers sa Pilipinas ng may $ 5.7 B noong nakalipas na taon at mas malaki sa kinita ng India na $ 5.58 B mula sa tinatawag na "pure voice-based services."
Upang matiyak ang patuloy na paglago ng IT-BPO industry, kailangang matiyak ang pagpapatupad ng Cybercrime Prevention Act upang maipagtanggol at maipagsanggalang ang may 30 milyong Filipino mula sa maling paggamit at pag-abuso mula sa pandaraya, pagnanakaw, hacking, child pornography at cyber prostitution. Layunin din ng panukalang batas na higit na matiyak na ligtas ang electronic transactions.
Mahalaga rin umano ang Data Privacy Act upang matiyak ang seguridad at confidentiality ng personal information na maiipon ng mga IT-BPO companies at matiyak na rin ang collection, use at transmission na hindi mapipigil ang paglago ng iindustriya.
PATULOY na namang bumuhos ang ulan sa Kalakhang Maynila na nagdulot ng pagbaha sa maraming pook at naging dahilan ng pagkakansela ng klase at mga opisina sa mga tanggapan ng pamahalaan, kasama na ang Senado at Mababang Kapulungan.
Ayon sa mga tagapagtaya ng panahon, magpapatuloy pa ang matitinding pagbuhos ng ulan hanggang sa susunod na ilang araw.
UMABOT naman sa may P 649 na milyong piso ang pinsala ng mga nakalipas na sama ng panahon sa mga pananim at alagang hayop. Umabot naman sa may P 414 milyon ang pinsala sa mga irrigation facilities at iba pang mga pagawaing bayan.
Inutusan ni Secretary Proceso J. Alcala ang iba't ibang regional directors ng Kagawaran ng Pagsasaka na magbigay sa mga magsasaka ng pamalit na mga pananim lalo't higit sa mga palay at mais na napinsala.
Sa mga maisan, umabot sa higit sa 27,000 libong metriko tolenada na nakatamin sa higit sa 18,000 ektarya ang napinsala. Nagkakahalaga ito ng may P 378 milyon bagama't 1.6% lamang ito ng pambansang produksyon ng mais na 2.36 milyong metriko tonelada. Ang mga lalawigang nagkaroon ng pinsala sa mga maisan ay ang Quirino, Aurora, Albay, Camarines Sur at Masbate.
Sa bigas, P 253 milyon ang napinsala at umabot sa higit sa 4,000 metriko tonelada na nakatanim sa halos 40,000 hektarya. Pinakamalaking pinsala ang natamo ng mga magsasaka sa Camarines Sur na umabot sa halos2,500 metriko tonelada.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |