|
||||||||
|
||
DAHILAN sa maraming mga kabataan sa Pilipinas ang naa-akit ng computers at internet, minabuti ng Criminal Investigation and Detection Group sa ilalim ni Police Director Samuel D. Pagdilao, Jr. ang paglalagay ng isang website na gagabay sa mga magulang at mga kabataan upang magtuon ng pansin sa "content-appropriate sites."
Ayon kay Director Pagdilao, noong nakalipas na bakasyon, napuna niya ang kanyang anak na binatilyo na nasa harap ng computer mula umaga hanggang gabi at nabahala siya, bilang isang magulang at bilang isang police officer. Nangangamba rin umano si Director Pagdilao sa nilalaman ng websites na maaaring pinagkakaabalahan ng mga kabataan.
Ang Pilipinas umano ang ika-17 sa mga bansang may pinakamaraming internet connections at lumago ng may 1,385% ang bilang ng mga gumagamit nito mula noong 2000 hanggang nitong nakalipas na taon.
Gagamitan na umano ng makabagong paraan sa computers ang paghahanap ng solusyon sa tinaguriang internet-based abusive behavioral activities. Makikilala na rin ang mga nang-aabuso ng mga gumagamit ng computers upang magkaroon ng kaukulang paglilitis at kaparusahan. Layunin din ng proyektong ito na matulungan ang mga nabiktima sa pamamagitan ng rehabilitation at kailangang psychiatric assistance. Makikipagtulungan din ang Criminal Investigation and Detection Group sa iba pang mga ahensya ng pamahalaan, telecommunications companies, komunidad, mga taga media, internet service provider, mga paaralan, at iba pa upang magtagumpay ang programa.
Kinilala ni Director Pagdilao ang mga peligrong naka-amba sa mga kabataan tulad ng internet addicition, cyber bullying, cyber stalking, cyber trafficking, child pornography at on-line gambling. Maari nang dalawin ang website sa address na ito: www.cidgangelnet.ph at handang tumulong sa mga kabataan at mga magulang na makaiwas sa pagiging addict sa internet.
Pinaghahandaan na rin nila ang "cybercops" na tutugon sa mga reklamo ng mga magulang at mga kabataan. Makikilala na umano ang mga nasa likod ng mga krimeng ito sa pamamagitan ng cyber forensics.
SAMANTALA, sinabi naman ni Pangalawang Pangulo Jejomar C. Binay na maililibing na rin sa wakas ang labi ni Pangulong Ferdinand E. Marcos matapos ang labing-pitong pagkakahimlay nito sa isang pansamantalang libingan sa Batac, Ilocos Norte. Ayon sa pangalawang pangulo sa kanyang pagharap sa media sa Laoag, Ilocos Norte, pumayag na ang Pamilya Marcos na sa Ilocos Norte na lamang ilibing ang dating pangulo at hindi na sa Libingan ng mga Bayani sa Metro Manila. Isasaayos na rin ang military honors para sa dating pangulo na naglingkod bilang tinyente noong nakalipas na Ikalawang Digmaang Pangdaigdig (WW II). Idinagdag pa ni Ginoong Binay na madali nang maganap ang libing para sa dating pangulo.
Magugunitang sa pamamagitan ni Pangulong Marcos nagsimula ang magandang relasyon ng Tsina at Pilipinas.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |