|
||||||||
|
||
Dahil sa aking pagkahilig sa sports, partikular na sa Brazilian Jiu-Jitsu (BJJ) at Taekwondo, nagkaroon po ako ng hindi inaasahang pinsala sa aking kaliwang tuhod; isang minor sprain na nag-udyok sa akin para bumili ng isang pansuporta sa tuhod o knee protector kung tawagin sa Ingles.
Pumunta ako sa isang malapit na mall sa aking tirahan at doon ay nakabili ako ng naturang kagamitan sa halagang 96RMB, humigit kumulang sa 630 pesos. Nang umuwi ako sa bahay, sinabi ko ito sa aking asawa. Sinabi niyang kung sa on-line shop ko bibilhin iyon, malaki ang matitipid ko.
Dali-daling ipinakita ng asawa ko ang on-line shopping mall na taobao.com, at laking gulat ko, kalahati lang ang presyo ng kaparehong aytem na binili ko.
Medyo nalungkot ako dahil hindi ko agad nalaman na may ganito palang serbisyo sa Tsina. Pero, ayos lang dahil may nalaman na naman akong bago sa bansang ito, kaya, gaya ng dati, bitbit ang aking kamera at taglay ang mabusising isip ng isang manunulat, nagsaliksik ako hinggil sa industriyang ito.
Napag-alaman ko, na ang on-line shopping sa bansang Tsina ay isang napakalaking negosyo. Isa itong multi-bilyong industriya na pinanggagalingan ng kita ng maraming mamamayan at negosyante sa bansang ito.
Mayroong apat na pinakamalaki at pinakamaunlad na on-line shopping malls sa Tsina, ito ay ang taobao.com, joyo.com, dangdang.com, at 360buy.com.
Ang mga tindahang ito ay nag-o-offer ng ibat-ibang produkto mula sa sapatos, kagamitang pambahay, kompyuter, kamera, mga mamahaling kagamitan na gaya ng Gucci, Prada, Chanel, Louis Vuitton, at lahat ng inyong nais.
Higit na mas mura ang mga paninda sa on-line shopping mall kaysa sa mga tradisyunal na tindahan, dahil hindi nila kailangang magbayad ng puwesto sa mga tradisyunal na malls, kaya bagsak presyo ang mga paninda nila.
Sa karaniwan ay mas mababa ng 50% ang presyo sa on-line shopping malls kaysa sa mga tradisyunal na tindahan.
Ang kalidad ng produkto sa on-line na tindahan ay kapareho rin sa mga tradisyunal na tindahan, dahil ang mga supplier ng mga ito ay iisa.
Mas kombinyente ring mamili rito, dahil hindi mo na kailangan pang magpunta sa mall at magbiyahe. Pindutin mo lang sa screen ng iyong kompyuter ang nais mong bilhin at ide-deliver na ito sa bahay mo, sa loob ng tatlong araw.
Pagdating naman sa after sales support, hindi rin pahuhuli ang on-line shopping sa Tsina. Maari mong papalitan sa kompanyang pinagbilhan ang mga produktong may depekto o hindi nagustuhan, at papalitan nila ito sa lalung madaling panahon, free of charge.
Pero, sa aking pagsisiyasat, nalaman ko na mayroon ding kahinaan ang on-line shopping. Katulad ng lahat ng bagay, mayroon itong bentahe at disbentahe.
Kabilang sa mga disbentahe nito ay ang kahirapan sa pagkuha ng sukat kung ikaw ay bibili ng sapatos, damit, at iba pang kasuotan. Kung hindi mo kabisado ang iyong sariling sukat, kailangan mo munang magpunta sa tradisyunal na shopping mall para malaman ang iyong tamang sukat bago bumili sa on-line store.
Hinggil naman sa pagsasauli ng binbili, kakailanganin mo ng 3 araw bago maipadala ang kapalit ng iyong nabili.
Pero, sa aking sariling pananaw, mas marami pa rin ang bentahe ng on-line shopping kaysa sa disbentahe nito.
Ang taobao.com ay ang pinakamalaki at pinakamaunlad na on-line shopping mall sa Tsina. Ang average daily sales nito ay aabot sa 936,000,000RMB, mas malaki ng 2.6 na beses kaysa sa benta ng lahat ng tradisyunal na shopping malls sa Tsina.
Samantala, ang 360buy naman ay may annual income na 3 billion RMB noong 2009.
Maliwanag na maraming Tsino ang tumatangkilik nitong on-line shopping at maraming Tsino rin ang kontento sa mga serbisyo nito.
Sa susunod na may kailangan ako, siguradong susubukan ko itong bilhin sa on-line shop. Mas mura na, mas kombinyente, at sigurado pa ang kalidad.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |