|
||||||||
|
||
Pinsalang dulot ng magkasunod na bagyo umabot sa halos sampung bilyong Piso
TINATAYA ng pamahalaang aabot sa halos P 10 bilyon ang pinsalang idinulot ng magkasunod na bagyong "Pedring" at "Quiel" sa bansa. Ito ang nabatid sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Ang Gitnang Luzon ang nagtamo ng pinakamatinding pinsala na aabot sa P 7 bilyon. Mula sa halagang ito, higit sa P 6 na bilyon ang pinsala sa mga pananim.
Ayon kay Executive Dirtector Benito Ramos, posibleng mahigitan ng pinsalang dulot ni "Pedring" ang pinsala noong dumaan si "Ondoy" mga dalawang taon na ang nakalilipas.
Ang pamahalaan ay nakapaglabas na ng P 83 milyon para sa relief assistance samantalang halos 70 mga tulay at lansangan ang hindi madaanan sa Ilocos, Cagayan, Central Luzon at Cordillera Administrative Region. Tulad ng dati, may 115 mga paaralan ang ginamit na evacuation centers.
Halos tatlong milyong katao ang apektado ng magkasunod na bagyo na ang karamihan ay mula sa Gitnang Luzon. Pitumpu't pito katao ang nasawi sa dalawang bagyo, 66 kay "Pedring" at 10 kay "Quiel" samantalang 28 ang nawawala dahilan kay "Pedring" samantalang isa ang nawawala dulot ni "Quiel."
Pangulong Aquino, dumalaw sa mga nasalanta ng bagyo
SA WAKAS, dumalaw din si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa mga nasalanta ng bagyo at tiniyak na tutulungan ng pamahalaan hindi lamang sa kanilang pangangailangan ngayon kungdi sa pagbabalik ng mga napinsalang mga panananim sa nakalipas na dalawang linggo.
Pinuna si Pangulong Aquino sa hindi pagpapakita sa mga binahang lugar mula pa noong nakalipas na Huwebes.
Sa kanyang pagsasalita sa harap ng may 500 mga biktima sa La Paz Plaquela evacuation center, nanawagan ang pangulo na gamitin ang kinaugaliang "Bayanihan" lalo pa't apektado ng mga bagyong "Pedring" at "Quiel."
Ayon sa pangulo, ang pamahalaan ay handang maglingkod at hindi kailanman magpapabaya kaya't kailangang magdamayan ang lahat upang makatulong sa mga naging biktima ng kalamidad.
Idinagdag pa niyang may binabantayan silang dalawa pang bagyo na darating sa bansa at nanawagan siya sa magdasal upang makaligtas sa anumang trahedya.
Patuloy na itataas ang antas ng edukasyon sa Pilipinas
NGANAKO si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na pag-iibayuhin ang mga programang magtataas ng kalidad ng edukasyon sa bansa sa kanyang pagpaparangal sa libu-libong mga guro sa pagdiriwang ng World Teachers' Day.
Sa isang pahayag mula sa tanggapan ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, patuloy ang pangko ng administrasyon sa itaas ang uri ng edukasyon at ganoon din sa kalagayan ng mga naglilingkod sa mahalagang sektor na ito.
Pinararangalan ang libu-libong mga guro na naghandog ng kanilang panahon upang turuan ang mga kabataan at mga may sapat nang edad upang maging aktibong kasapi ng lipunan.
Isa umano sa mga prayoridad ni Pangulong Aquino ang pagpapahusay at pagpapabuti ng educational system ng bansa. Prueba umano ng katapatan ng pamahalaan sa sektor ng edukasyon ay ang pagkakaroon ng K+12 program ng Kagawaran ng Edukasyon sa pamamagitan ng pagdadagdag na taon para sa mga nasa ilalim ng basic education.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |