![]() |
|
|
||||||
![]() |
![]() |
![]() |
||
![]() |
||
![]() |
||
|
||
![]() |
||
![]() |
INAASAHANG magiging hitik sa balita ang pagharap ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa mga mamamahayag na kabilang sa Foreign Correspondents Association of the Philippines. Magaganap ito bukas ng umaga sa Manila Mandarin Hotel. Ito ang unang pagkakataon na haharap si Pangulong Aquino sa mga kasapi ng grupong ito ng mga mamamahayag, na kinabibilangan ng kinatawan ng China Radio International-Filipino Section.
Inaasahang magbibigay ng maikling talumpati si Pangulong Aquino bago dumako sa open forum. Kabilang sa mga paksang inaasahang pag-uusapan ay ang relasyon ng Pilipinas sa bansang Tsina, Amerika at Japan, isyu ng terorismo, peace talks sa pag-itan ng pamahalaan at National Democratic Front at Moro Islamic Liberation Front, kalakal at mga binabalak gawin matapos bumagal ang ekonomiya ng bansa.
MGA PAGBAHA, PAGGUHO NG LUPA POSIBLENG MAGANAP DAHIL SA MASAMANG PANAHON
PATULOY na kumikilos ang sama ng panahong si "Ramon" at nagbabanta sa Mindanao at Kabisayaan. Nakita ng mga tauhan ng Philippine Atmospheric, Geophysical Astronomical Services Administration o PAG-ASA ang sama ng panahong si Ramon sa layong may 245 kilometro sa silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur at may lakas ng hanging aabot sa 55 kilometro bawat oras malapit sa gitna.
Kumikilos si "Ramon" sa direksyong hilagang-kanluran sa bilis na 17 kilometro bawat oras. Nakataas na ang Signal Number 1 sa Silangang Samar, Kanlurang Samar, mga lalawigan sa Leyte, Bohol, Biliran, Camotes Island, hilagang Cebu, hilagang Negros, hilagang Iloilo, Capiz, Masbate, Surigao del Norte, Siargao Island, Surigao del Sur, Agusan del Norte, Dinagat island, Camiguin Island at Ticao Island.
Pinayuhan na ang mga naninirahan sa mabababang pook at mga kabundukan na mag-ingat sa posibleng pagguho ng lupa at biglang pagbaha.
Mula umano sa lima hanggang dalawampu't limang millimetro ng ulan sa may 300 kilometro diametro ng pag-ulan. Sa Miyerkoles, dadaan si "Ramon" sa 30 kilometro sa hilaga ng Surigao City at may 30 kilometro sa timog na Romblon sa Huwebes ng umaga. Sa Biyernes ng umaga, inaasahang may 120 kilometro sa timog-kanluran ng Iba, Zambales.
PANGULO NG SLOVAK REPUBLIC, DADALAW
PATULOY ang paghahanda ng pamahalaan sa ilalim ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa napipintong pagdalaw ni Pangulong Ivan Gasparovic ng Slovak Republic sa Biyernes, ika-14 ng Oktubre. Ayon sa Department of Foreign Affairs, tatanggapin niya ang dumadalaw na panauhin sa Palacio Malacanang.
Magkakaroon umano ng pagpapalitan ng mga pananaw at paniniwala sa pandaigdigang usapin at mga regional issues ang dalawang pangulo.
Samantalang nasa Pilipinas, makakausap ni Pangulong Gasparovic at ng kanyang delegasyon ang mga opisyal ng pamahalaan at mga haligi ng kalakal sa bansa.
Si Pangulong Gasparovic ang kauna-unahang leader mula sa Europa na dadalaw sa Pilipinas.
IMBESTIGASYON SA SAKUNA SA SUBIC, ISINASAGAWA NA
NAGSIMULA na ang imbestigasyon ng Department of Labor and Employment sa sakunang naganap kamakailan sa Keppel Subic Shipyard sa Zambales. Limang manggagawa ang nasawi samantalang anim ang nasugatan. Hinihintay na ni Labor and Employment Secretary Rosalinda Baldoz ang kinahinatnan ng pagsisiyasat ng mga opisyal ng Department of Labor and Employment Regional Office No. 3 upang malaman ang pinakadahilan ng sakuna at magrekomenda ng kaukulang hakbang upang maiwasan ang mga sakuna sa susunod na mga pagkakataon.
Inutusan din ni Kalihim Baldoz ang kanyang mga tauhan na kunin ang mga mahahalagang impormasyon tungkol sa mga biktima at tulungan kaagad. Isang safety engineer na ang ipinadala sa pook kasama ang isang labor inspector.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |