Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Italyanong Misyonero, pinaslang sa North Cotabato

(GMT+08:00) 2011-10-17 17:27:06       CRI

BINARIL at napatay si Fr. Fausto Tentorio, 59 na taong gulang at isang misyonero mula sa Pontifical Institute for Foreign Missions ng hindi pa nakikilalang tao sa kanyang kumbento sa Our Lady of Perpetual Help Parish sa Arakan Valley, may 27 kilometro mula sa Lungsod ng Kidapawan.

Ayon kay Fr. Giovanni Re, ang Regional Superior ng PIME na may tanggapan sa Zamboanga City, patungo sana sa pagpupulong ng mga pari si Fr. Tentorio kaninang ika-pito at kalahati ng umaga. Nakatakda sana ang pulong sa tahanan ng Obispo ng Kidapawan nang maganap ang insidente.

Ayon kay Fr. Re, ang natatangi niyang mensahe ay mensahe ng kalungkutan sapagkat wala pang ibang detalyes na nakararating sa kanila. Isang mabait na kaibigan umano ang yumaong pari at karaniwan na sa kanya ang pagtulong sa mga katutubong Pilipino sa Hilagang Cotabato. "

Tinanong ko si Fr. Re kung kailangan bang ilipat ng pangsamantala ang iba pang mga banyagang misyonero patungo sa Zamboanga City, sinabi niya na mayroon nang angkop na security measures na ipinatutupad.

Ani Fr. Re, may koordinasyon na sa mga pulis at militar subalit kung may desididong taong gustong pumatay sa mga pari, ay wala na silang magagawa pa.

Si Fr. Nevio Vigano, ang parish priest ng Transfiguration Parish sa isang barangay sa Zamboanga City, ay nagsabing nangangamba rin siya kahit paano tungkol sa kanyang kaligtasan subalit bahagi na umano ang panganib. Dagdag pa ni Fr. Vigano, may mga police escort siya sa loob ng 24 na oras.

Ayon sa aking sources sa kumbento ng mga pari, nakatanggap na ng mga banta si Fr. Tentorio mula sa mga 'di kilalang tao at naging dahilan ng pagkabalam ng kanyang pagbalik sa Pilipinas ng may dalawa hanggang tatlong buwan.

Nakatalaga na si Fr. Tentorio sa Pilipinas mula pa noong 1979. Naantala ang kanyang pagbalik sa North Cotabato dahilan sa banta sa kanyang buhay mga dalawang taon na ang nakalilipas.

Lubhang ikinalungkot ni Bishop Romulo Dela Cruz ang pangyayari. Buong akala umano ng obispo ay payapa na ang Kidapawan. Buong akala din niya na wala nang susunod pang mapapatay na misyonero kay Fr. Tulio Favali na pinaslang noong 1985.

Tumawag na umano ang militar at nagpaabot ng kanilang pakikiramay at nangakong tutulong sa paglutas ng pamamaslang.

Ayon sa obispo, napakatahimik na tao ni Fr. Tentorio at naglingkod bilang kura paroko ng Our Lady of Perpetual Help at naging director ng Indigenous People ministry sa dioyesesis. Naglingkod din ang paring pinaslang bilang director ng Diocesan Program for Indigeous people. Dadalhin din ang kanyang labi sa tahanan ng Obispo sa Kidapawan.

Isang kapwa misyonero ni Fr. Tentorio, si Fr. Peter Geremia ay nagtatanong kung bakit naganap ang krimen samantalang wala namang anumang banta o nalalapit na halalan.

Baril na may silencer umano ang ginamit ng mamamatay tao at nakita na lamang ang isang lalaking nakasuot ng helmet na papalayo sa kumbento ni Fr. Fausto. Malapit lamang ang kumbeto sa isang paaalan at posibleng may nakakita sa pangyayari.

Si Fr. Tentorio ang ikatlo sa mga paring misyonero ng PIME napaslang mula noong 1985. Unang napaslang si Fr. Tulio Favali sa Tulunan, North Cotabato noong 1985 at Fr. Salvatorre Carzedda, pinaslang noong 1992 sa Zamboanga City.

Dalawang pari na rin ang naging biktima ng kidnapping, sina Fr. Luciano Benedetti noong 1998 at Fr. Giancarlo Bossi sa Zamboanga Sibugay noong 2007.

PANGALAWANG PANGULONG JEJOMAR BINAY, UMAASANG IBABALIK NG KONGRESO NG AMERICA ANG MGA KAMPANANG KINUHA SA PILIPINAS

UMAASA si Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay na papabor sa Pilipinas ang desisyon ng Kongreso ng Estados Unidos sa isang resolusyon upang maibalik ang mga batingaw ng Balangiga sa Pilipinas.

Sa mga nakalipas na taon, patuloy na nag-usap ang magkabilang panig, mula sa mga non-government organizations hanggang sa mga pamahalaan sa pag-asang magkakaroon ng solusyon sa isyung ito. Ito ang nilalaman ng liham ni Ginoong Binay kay American Ambassador to the Philippines Harry K. Thomas.

Sapagkat tila mayroon nang consensus ang magkabilang panig na isauli na ang mga batingaw sa Pilipinas mabilan sa pagsalungat ni Wyoming Governor David Freudenthal, sinabi ni Ginoong Binay na umaaasa siyang magiging madali ang desisyon at papabor ito sa Pilipinas.

Mayroon ding pagsusog sa US National Defense Authorization Act na nagbabawal ng pagsasauli ng memorial objects sa ibang bansa ng walang pahintulot na napapaloob sa isang batas.

Dapat umanong kilalanin ng Estados Unidos at ng Pilipinas nang paninindigan ng mga mamamayan sa isyu. Ang mga Pilipino, ang Wyoming Veterans Council at ang Simbahang Katolika ang kinikilalang major stakeholders sa isyu at mas makabubuting ibalik na lamang ito sa Pilipinas.

Sinamsam ng mga Amerikano ang mga batingaw bilang war trophy matapos nilang ipaghiganti ang mga kawal Amerikanong pinaslang ng mga mamamayan ng Balangiga sa Samar noong kainitan ng digmaan ng mga Filipino at mga Amerikano.

Sinimulan ang paghahabol sa pagbabalik ng mga batingaw noong 1957 sa pamamagitan ng isang dalubhasa sa Kasaysayang nagngangalang Fr. Horacio dela Costa na humiling sa 13th Air Force sa San Francisco, California na isauli na sa Pilipinas ang mga ito.

Ang Balangiga Historical Society sa pamamagitan ng National Historical Institute at Department of Foreign Affairs ang namuno sa paghahabol ng pamahalaan para sa mga batingaw noong 1989.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>