Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Pagdinig sa usapin ng "Sulpicio Lines" tuloy pa rin sa Cebu

(GMT+08:00) 2011-10-20 16:03:30       CRI

MULA sa Lungsod ng Cebu, patuloy pa ring naghihintay ng katarungan ang mga biktima at mga kamag-anak ng mga nasawi at nawawala sa paglubog ng M/V Princess of the Stars.

Lumubog ang barko sa kasagsagan ng bagyong "Frank" sa karagatang bahagi ng San Francisco, Romblon. Magugunitang aabot sa higit sa walong daan katao ang nasawi at nawawala pa hanggang sa kasalukuyan.

Sa pagdinig sa Cebu City Regional Trial Court Branch 10 sa pangangasiwa ni Hukom Soliver Peras, sinabi ni Capt. Amado Romillo na mayroon sanang pagkukublihan ang barkong "Princess of the Stars" kung ginusto ng kapitan nito at nang hindi sana naganap ang sakuna. Binanggit niya ang Batangas Bay at ang isa pang alternatibo ay ang pagdaan ng barko sa kanluran ng pulo ng Mindoro.

Ayon kay Capt. Romillo, sapagkat inilabas na ang severe weather bulletin ng PAGASA mga ika-11 ng gabi noong Hunyo 20, 2008, naiwasan sana ang sakuna kung pinayuhan ng may-ari ng barko ang kapitan ng mga posibleng daanan o 'di kaya'y magbigay ng situation update ang kapitan sa may-ari ng barko upang mabigyan siya ng kautusan kung saan dadalhin ang barko upang makaiwas sa sakuna.

Si Capt. Romillo ay dumalo sa pagdinig upang makatulong umano sa mga biktima at sampu ng kanilang mga kamag-anak. Bukas ng umaga ay nakatakda na siyang bumalik sa Florida, sa Estados Unidos kung saan siya naninirahan. Dating kasama si Capt. Romillo sa Board of Marine Inquiry subalit hindi na siya lumahok sa botohan ng lupon.

Samantala, ipinadarakip na ng hukuman sa Cebu ang isang manggagamot mula sa National Bureau of Investigation dahilan sa hindi niya paglilipat ng mga ebidensya tungo sa Public Attorney's Office. Kinilala ang manggagamot na si Dr. Renato Bautista na siyang in-charge sa Disaster Victim Identification sa "Princess of the Stars." Ayon kay Chief Public Attorney Persida V. Rueda-Acosta, mahalaga ang mga impromasyong nilalaman ng dokumento sa paglilitis ng usapin at pagkilala sa mga labing natagpuan at pinaniniwalaang nasa loob pa ng barkong sinamang-palad.

Sa hindi pa maipaliwanag ng dahilan, hindi pa dinarakip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation si Dr. Bautista upang madala sa Cebu city Metropolitan Trial Court.

KAKAIBANG INSIDENTE SA KARAGATAN NAGANAP

DAWALAMPU'T APAT na mga bangka ang nasa pag-iingat ng Hukbong Dagat ng Pilipinas matapos iwanan ng isang barkong Tsino na diumano'y may hilang 35 mga Bangka.

Ayon kay Kalihim ng Ugnayang Panglabas Albert Del Rosario, nakapasok sa karagatang sakop ng Pilipinas ang barkong Tsino na may hilang mga bangka. Nang lumapit ang barko ng Hukbong Dagat ng Pilipinas upang alamin ang nagaganap, nasiraan ang timon ng barko ng Pilipinas at iniwan na lamang ng barkong Tsino ang 24 na maliliit na bangka.

Idinagdag ni Kalihim del Rosario na nasa pag-iingat na ng Hukbong Dagat ng Pilipinas. Kung ano man ang kahahantungan ng mga bangkang maliliit , bahala na umano ang paraang legal. Wala nang apologies na kailangan at wala namang paghingi ng paumanhin ang Pilipinas sa naganap sa karagatan, dagdag pa ni Kalihim del Rosario.

OCHOA, PINAG-UTUSAN ANG PAGPAPAKALAT NG MGA PULIS SA KAPASKUHAN

INITUSAN ni Executive Secretary Paquito N. Ochoa, Jr. ang Philippine National Police na dagdagan ang secugirad at peacekeeping efforts upang mapigil ang anumang krimen sa darating na Kapaskuhan.

Sa command conference na idinaos sa Philippine National Police headquarters, si Ochoa, na siyang pinuno ng Presidential Anti-Organized Crime Commission, binigyang-diin ni niya ang pagkabahala ng pamahalaan sa kadalasan ng mga krimen sa pagsapit ng panahon ng Kapaskuhan. Kailangan umanong makita ang mga pulis sa mga matataong pook ng bansa.

Sabi ni Ginoong Ochoa, kung ito na ang nagaganap sa bawat buwan ng Nobyembre at Disyembre, kailangan itong masugpo. Mababawasan umano ang mga krimen kung magdaragdag ng mga pulis na magpapatrolya sa mga buong bansa. Kailangan din ang mga datos mula sa iba't ibang tanggapan ng pulisya upang magkaroon ng masusing pagsusuri dagdag pa ni Ginoong Ochoa.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>