|
||||||||
|
||
BINATI ng Pilipinas ang mga taga-Libya sa kanilang pagwawagi at pagpapalaya sa kanilang bansa.
Sa isang statement na pinalabas ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas, umaasa umano ang Pilipinas na maibabalik ang demokrasya sa Libya na mauuwi sa kapayapaan, kaayusan at kaunlaran ng mga mamamayan.
Nagpapasalamat muli ang Pilipinas sa mga taga-Libya na pagkakanlong at pag-aalaga sa mga Pilipinong napagitna sa kaguluhan noon. Maraming mga Pilipino ang kumikilala sa Libya bilang pangalawang tahanan. Marami umanong mga Pilipino ang umaasang makababalik, makapagtatrabaho at patuloy na makatutulong sa pagsasaayos ng bansang Libya, dagdag pa ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas.
Pangulong Aquino, nakiramay sa mga nasawi sa Mindanao
NAKIRAMAY si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa mga pamilya ng mga sundalong nasawi sa Basilan kamakailan at nangakong bibigyan ng katarungan ang kanilang pagkasawi.
Dinala na ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas kagabi ang mga labi ng mga kawal sakay ng isang Air Force C-130 plane.
Dumalaw ang Pangulong Aquino sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig kagabing ika-sampu upang makiramay sa mga pamilya ng mga nasawi.
Sa pakikipag-usap sa mga mamamahayag, sinabi ng Pangulo na determinado ang kanyang pamahalaang igawad ang katarungan sa mga nararapat managot. Hahabulin umano ng pamahalaan ang mga salarin.
Tumanggi si Pangulong Aquino na maglunsad ng "all-out assault" sa mga MILF at nagsabing mas mabuting makilala kung sinu-sino ang mga salarin.
Mayroon na umanong isinasagawang pagsisiyasat at malalaman ang findings sa susunod na linggo. Pananagutin umano ang mga opisyal ng militar na naging pabaya. Gagawaran din kaukulang parangal ang mga kawal na nag-alay ng kanilang buhay para sa bansa, dagdag pa ni Pangulong Aquino.
Pangalawang Pangulo, nababahala sa kaguluhan sa Mindanao
SINABI ni Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay na kailangang pagbalik-aralan ang ceasefire agreement sa Moro Islamic Liberation Front dahilan sa mga sagupaan na naganap sa Zamboanga-Sibugay at Basilan.
Sinabi ni Ginoong Binay na lubhang kabaha-bahala ang mga insidente sa Mindanao. Nasawi ang kawal at pulis at ipinaabot niya ang lubos na pakikiramay sa kanilang mga naulila. Ito ang pahayag ni Ginoong Bina sa Asia Pacific Regional Scout Committee meeting.
Ipinaliwanag niyang napapanahong pagbalik-aralan ang mga nilalaman ng ceasefire agreement sa MILF upang maparusahan ang mga nararapat managot. Marapat lamang umanong ipakita ang katapatan ng magkabilang-panig.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |