Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

European Union delegation at British ambassador, nababahala sa nagaganap sa Mindanao

(GMT+08:00) 2011-10-25 18:30:03       CRI

NAGPAABOT ng kanilang pagkabahala ang mga ambassador ng European Union sa Pilipinas sa mga nagaganap sa Mindanao, partikular sa Basilan at Zamboanga Sibugay. Sa isang pahayag na ipinalabas sa mga mamamahayag, sinabi ng European Union na nakikiramay din sila sa mga naulila dahilan sa mga kaguluhang naganap kamakailan.

Pinapurihan din nila si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa kanyang desisyong suportahan ang kapayapaan sa Mindanao sa pamamagitan ng political settlement at nanawagan sa Moro Islamic Liberation Front na iwaksi ang paggamit sa kaguluhan. Umaasa rin ang European Union delegation na mananatili ang magkabilang-panig sa negosasyong pangkapayapaan.

Ipinagpapasalamat din nila ang gagawing pagsisiyasat ng International Monitoring Team sa mga insidente sapagkat ito ang magiging daan upang mabatid kung sino ang mga lumabag sa nilalaman ng kasunduan, sa international law at karapatang pangtao.

Mas makabubuti umanong palakasin ang koordinasyon sa pamamagitan ng Joint Coordination Committee for the Cessation of Hostilities.

Ang EU, bilang kasapi ng International Monitoring Team at isang major development partner sa pagsugpo sa kahirapan sa Mindanao mula pa noong dekada nobenta, ay magpapatuloy sa pagsuporta sa layuning magkaroon ng kapayapaan sa Mindanao.

SA panig ni British Ambassador Stephen Lillie, nagpaabot siya ng pagkabahala sa mga pananambang sa katimugang bahagi ng Pilipinas at nagsabing sumusuprota siya sa pagtanggi ni Pangulong Benigno Aquino III sa "all-out war policy" laban sa mga kasapi ng Moro Islamic Liberation Front kasunod ng mga kaguluhan sa Basilan at Zamboanga Sibugay.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Ambassador Lillie na nakababahala ang mga pananambang ng mga kasapi ng MILF sa Mindanao noong nakalipas na linggo. Subalit niliwanag ng British ambassador na ang karahasan ay di masusupil ng karahasan. Ito umano'y magiging daan tungo sa karagdagang kaguluhan at 'di mawaring kahirapan ng mga sibilyan.

Ginunita ni Ambassador Lillie na noong maganap ang kaguluhan mga ilang taon na ang nakalilipas, umabot sa 600,000 katao ang lumikas. Ang mga mamamayan ng Mindanao ay hindi na nararapat pang makaranas ng ganitong kaguluhan, dagdag pa ni Ambassador Lillie.

Bagama't nagpaabot din siya ng pakikiramay sa mga naulila ng mga kawal, ipinaliwanag ni Ambassador Lillie na nasa negotiating table pa rin ang solusyon at 'di kailanman matatagpuan sa larangan ng pakikidigma.

Ang United Kingdom ang isa sa apat na pamahalaang kasama sa International Contact Group na sumusuporta sa peace talks. Handa umano ang United Kingdom na tumulong sa peace process sa abot ng makakaya nito.

KAPAYAPAAN PA RIN ANG DALANGIN NG MGA MANGANGALAKAL

UMAASA ang karamihan ng mga mangangalakal na matatapos din sa medaling panahon ang kaguluhan sa Mindanao. Ito ang pahayag ni Ambassador Francis Chua na pangulo ng Philippine Chamber of Commerce and Industry, Inc. sa panayam ng China Radio International.

Ipinaliwanag ni Ambassador Chua na karaniwan na nilang ginagawa ang mag-anyaya ng mga mangangalakal na maglagak ng kapital sa Pilipinas at sinasabing nasa malalayong pook ang mga kaguluhan. Ito umano ang karaniwan niyang sagot sa mga nagtatanong. Subalit ipinaliwanag niya na kung mula sa pananaw ng mga banyagang mangangalakal, iba ang kanilang tingin sa mga nagaganap.

Isa umanong kumpanya ng minahan ang nakatanggap na ng sampung milyong dolyar na cash advance mula sa Tsina at naghihintay na ang mga Tsino ng kargamento mula sa Pilipinas.

Nagkataon umanong sinalakay ng mga armado ang minahan at sinunog ang mga kagamitan kaya't mangangailangan ng mga bagong kagamitan na higit na magpapabalam sa pagtupad sa nilalaman ng kasunduan. Magdagdag pa umano ng seguridad ang kumpanya. Aniya, ang lahat ng ito ay pangsamantala lamang.

Sa oras umanong makapagpadala na ng kargamento ang mga Pilipino, mawawala na ang pagkabahala ng mga negosyanteng nasa ibang bansa.

Iba umano ang pananaw ng mga Tsino sa nagaganap sa Pilipinas sapagkat naniniwala ang mga Tsinong nakausap niya na wala sa ugali ng mga Pilipino ang maging marahas. Hindi umano naniniwala ang mga nakausap niyang Tsino na magiging ganoon kalakas ang mga rebeldeng MILF. Baka umano mayroong nagpapa-andar sa mga armado. Baka umano may mga nag-uudyok sa kanilang maging marahas.

MGA MANGGAGAWA SA LOOB NG TAHANAN, AABOT SA 53 MILYON SA BUONG DAIGDIG

LUBHANG marami ang mga manggagawang nasa loob ng mga tahanan sapagkat aabot ang mga ito sa 53 milyon. Matatagpuan sa Asya ang higit sa 21 milyon. Hindi pa kabilang sa daming ito ang mga part-time domestic workers at mga menor de edad na nagtatrabaho sa mga tahanan. Mas marami pa umano ang mga domestic workers kaysa sa lahat ng seafarers sa buong daigdig.

Ito ang datos na nakuha ng China Radio International kay Amelita King-Dejardin, Chief Technical Adviser ng Conditions of Work and Employment Programme ng International Labour Organization.

Ayon sa lahat ng impormasyong natatanggap ng ILO, iba ang gawain sa loob ng tahanan at 'di nakikita ang kanilang kalagayan at buong akala ay ligtas sila sapagkat nasa loob ng tahanan at wala sa mga pagawaan. Sapagkat wala sila sa karaniwang workplace, walang batas na sumasaklaw sa kanila. Sa Gitnang America, mayroong batas na sumasaklaw sa kanila subalit sa Asya at Gitnang Silangan, mangilan-ngilan lamang ang saklaw ng batas sa paggawa.

Isang pagpupulong ang ginagawa ngayon sa Metro Manila at may mga delegado na mula sa iba't ibang bahagi ng Asya.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>