|
||||||||
|
||
NAGTUNGO sa Pilipinas ang Pangulo ng World Bank na si Ginoong Robert B. Zoellick upang pakinggan ang mga binabalak ng Pilipinas nang sa ganoon at matulungan sa mga pangangailangan nito.
Ayon kay Ginoong Zoellick, nakikiramay din siya sa mga nasalanta ng masamang panahon kaya't tiniyak niya kay Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III ang suporta ng World Bank sa panibagong madaliang pautang na nagkakahalaga ng $ 500 M na makukuha kaagad kung sakaling magkaroon ng emerhensya. Mayroon ding inilaang $ 2 milyon na grant para sa Pilipinas upang magkaroon ng pinakamagaganda at magaling na kaalaman sa disaster risk reduction.
Pagsisikapan umano ng World Bank na makatulong sa larangan ng pagsasaka at pangingisda upang maging climate-resilient ang mga ito. Handa rin umano ang kanilang tanggapan para sa public private partnership sa pamamagitan ng International Finance Corporation.
Kapuri-puri umano ang kakayahan ng Pilipinas na harapin ang matitinding dagok sa larangan ng pananalapi sa pamamagitan ng maayos na economic fundamentals. Ang mga economic fundamentals na ito ang mahalaga, dagdag pa ni Ginoong Zoellick.
Sa sumunod na question-and-answer session, sinabi niyang napasigla ng Tsina ang ekonomiya nito sa paggastos sa infrastructure na naghatid ng maraming benepisyo tulad ng maraming hanapbuhay, nakatulong sa pagpapasigla ng ekonomiya at lumago ang kalakal.
Ang Pilipinas umano ay isa sa apatnapung bansa na mayroong conditional cash transfer safety net program na isinulong ng World Bank sa buong daigdig. Nagsimula umano ito sa Mexico at sa Brazil na nakapaglunsad ng mabisa at matagumpay na anti-poverty programs na nagkakahalaga ng kalahati ng isang porsiyento ng Gross Domestic Product.
Mayroon na umanong 2.2 milyong pamilya na mayroong anim na milyong mga bata ang nakikinabang sa palatuntunang ito sa Pilipinas at lalaki pa mula sa apat hanggang limang milyong pamilya. Ang maayos umanong pagpapalakad ng pamahalaan ay susi sa paghahatid ng biyaya sa tamang mga tao, sa pamamagitan ng tamang benepisyo sa tamang panahon at sa tamang paraan.
PHILIPPINE INVESTMENT SUMMIT PARA SA GLOBAL FUND MANAGERS IDINAOS
DALANGIN ng bawat ekonomista na matapos na ang krisis sa iba't ibang bahagi ng mundo. Subalit, sinabi ni Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay sa talumpating binasa para sa kanya ni Employers Confederation of the Philippines President Edgardo B. Lacson, mas malala ang tumama sa Pilipinas mula sa malalakas na bagyo na dumadalaw sa bansa ng regular.
Subalit sa likod ng mga trahedyang ito, nakaaangat pa ang Pilipinas tulad ng pagtitipon ng mga nasa pamahalaan at mga mula sa pribadong sektor na magpaplano ng mga paraan tungo sa kaunlaran.
Mataas pa rin ang approval ratings ng pamahalaan at ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sabi ni Ginoong Binay. Ang mga pagbabago sa larangan ng lipunan, politika at ekonomiya ay nagpapakita ng katapatan sa mga adhikaing mapupuna ng mga nasa loob at labas ng bansa.
Pinapurihan na rin umano ang mga programang sumugpo sa mga katiwalian. Nasa pagpapatupad na rin ng Philippine Development Plan para sa taong ito hanggang sa 2016 at inaasahang makakasama ang iba't ibang sektor.
Iisa umano ang direksyon ng pamahalaan at makatitiyak ang mga mangangalakal na maisaaayos ang lahat at higit na magiging investment-conducive ang Pilipinas.
AMERICAN AMBASSADOR, NABABAHALA DIN SA MINDANAO
IPINAABOT ni US Ambassador to the Philippines Harry K. Thomas, Jr. ang kanyang pakikiramay sa mga naulila dahilan sa kaguluhan sa Mindanao. Sa isang pahayag na inilabas sa media, sinabi niya na dalangin niya ang madaliang paggaling ng mga nasugatan at makabalik na sa kanilang mga tahanan ang mga nagsilikas.
Umaasa umano siya na tulad ng karanasan ng Estados Unidos noong 2008, ang pamahalaan ng Pilipinas ngayon ay may kakayahang tugunan ang tension.
Tama umano ang mga hakbang ng magkabilang panig na pagtibayin pa ang daan tungo sa cease-fire na may bisa na noon pang 2009. Suportado umano nila ang negosasyon at patuloy na paghahahanap ng kasunduan upang maghari ang kapayapaan at mapaunlad pa ang kinabukasan, dagdag pa ni Ginoong Thomas.
EAST ASIAN AND PACIFIC AFFAIRS OFFICIAL, NASA PILIPINAS
DUMALAW at nasa Maynila si Assistant Secretary Kurt Campbell hanggang bukas. Nakausap na niya ang mga senior officials ng Pilipinas at pinagusapan ang bilateral relations, regional events at ang darating na mga pagpupulong ng mga pinuno ng APEC sa Hawaii at ang East Asia Summit and US – ASEAN Leaders Meeting na pangangasiwaan ng Indonesia sa Lungsod ng Bali.
Natutuwa umano siyang bumalik sa Pilipinas at nakausap na niya si Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario tungkol sa commitment na gawin ang ikalawang Bilateral Strategic Dialogue sa susunod na taon sa Washington. Pinag-usapan din umano nila ang Bilateral Strategic Dialogue sa Washington at maging ang darating na APEC sa Hawaii at US-ASEAN leaders meeting sa Bali, Indonesia.
Binati na rin umano niya si General Eduardo Oban, Jr. ng Armed Forces of the Philippines para sa kanilang taunang PHILBEX exercises at Mutual Defense Treaty. Marapat lamang umanong tugunan ang mga kaakibat na problema sa South China Sea sa pamamagitan ng multilateral mechanisms at mahinahong pag-uusap.
Sina Peace Adviser Teresita Deles at Peace Panel Chair Marvic Leonen ay naniniwala tulad ni Pangulong Aquino na isulong ang negotiated solution sa Moro Islamic Liberation Front. Suportado umano ng America ang pamahalaan ng Pilipinas tungkol sa seguridad at kaayusan ng Mindanao, kabilang na ang peace process.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |