![]() |
|
|
||||||
![]() |
![]() |
![]() |
||
![]() |
||
![]() |
||
|
||
![]() |
||
![]() |
TULAD ng inaasahan mabagal ang daloy ng mga sasakyan sa mga pook na malapit sa mga libingan dahilan sa pagdagsa ng mga Pilipino sa pagdiriwang ng Todos los Santos ngayong araw na ito.
Naging ibayo ang paghahanda ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagtiyak na ligtas ang mga sasakyang magdadala ng mga pasahero palabas ng Metro Manila patungo sa mga lalawigan para sa taunang okasyong ito.
Ang lahat ng mga Misa sa mga simbahang Katoliko ay idinaos na kaninang umaga at gagawin ang pagdiriwang ng Misa sa mga sementeryo ngayong hapon.
Karaniwang nagsasama-sama ang magkakamag-anak sa pagdalaw sa mga yumao sa kanilang mga libingan na maaaring nasa mga lalawigan o nasa Metro Manila.
Karaniwang kinagagawian ng mga Pilipino ang pagdadala ng mga kandila at bulaklak samantalang sa mga Tsinoy, bukod sa kandila at bulaklak, sinasamahan na nila ng mga insenso at mga pagkain.
May mga sementeryo sa Metro Manila na katatagpuan ng daang-libong mga namayapa, ito ay ang Manila North Cemetery at ang Manila South Cemetery na karaniwang dinudumog ng mga Pilipino.
Naging mahigpit ang seguridad sa mga libingan sa tulong ng pulisya at maraming mga nasamsam na mga patalim at iba pang mga ipinagbabawal na kagamitan.
Mayroon ding paggunita ng tradisyong ito sa Libingan ng mga Bayani na kinalilibingan ng mga kawal Pilipinong yumao sa Ikalawang Digmaang Pangdaigdig noong Dekada Kwarenta, sa Korean War noong 1950s at sa Vietnam War noong Dekada Sisenta at Sitenta at mga kawal na namayapa matapos maglingkod sa Pamahalaan ng Pilipinas. Nasa sa Fort Bonifacio ang Libingan ng mga Bayani.
Kaninang ika-anim ng gabi, sinindihan ang mga kandilang nasa libo-libong krus na gumugunita sa mga kawal ng pamahalaang namayapa na. Taun-taon itong ginagawa ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas upang bigyan ng patas na paggunita ang mga namayapang kawal.
Sa Archdiocese of Caceres sa Camarines Sur, isang Misa ang inialay sa mga paring namayapa sa isang libingan sa bayan ng Goa, Camarines Sur. Nagsama-sama ang kaparian ng Caceres sa pagdiriwang ng Misa. Ito rin ang kinagawian sa Lungsod ng Angeles sa Pampanga na katatagpuan ng libingan ng mga pari at madreng namayapa na.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |