|
||||||||
|
||
TUMANGGING magbigay ng kanyang pahintulot si Kalihim Leila de Lima ng Kagawaran ng Katarungan sa kahilingan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na lumabas ng bansa upang magpagamot.
Sa isang press briefing, sinabi ni Kalihim de Lima na ibinalita ni Kalihim Enrique Ona ng Kagawaran ng Kalusugan na mabilis na gumagaling ang dating pangulo sa kanyang karamdaman.
Ayon kay Kalihim de Lima, lumalabas na pagaling na ang dating pangulo sa kanyang karamdaman kaya't hindi na kakailanganin pang magpagamot sa ibang bansa.
Binanggit din ni Kalihim de Lima ang talaan ng mga bansang nais pagpagamutan ng dating pangulo, sapagkat ang mga bansang ito ay pawang walang extradition treaties sa Pilipinas. Magdedesisyon umano siya matapos ang kanyang opisyal na paglalakbay patungo sa Cambodia sa darating na Lunes.
Ayos lamang umano sa kanyang pulaan siya sa pagkabalam ng kanyang desisiyon sa kahilingan ng dating pangulo kaysa sa makagawa siya ng maling desisyon.
MABUTING KALAGAYAN NG MGA MANGGAGAWA MAHALAGA SA PAMAHALAAN
PANGUNAHIN sa mga adhikain ng pamahalaan ang matiyak ang mabuting kalagayan ng mga manggagawang Pilipino sa iba't ibang bahagi ng daigdig. Ito ang buod ng pahayag ni Atty. Abigail Valte, deputy presidential spokesperson, bilang reaksyon sa balitang ipagbabawal na ang pagpapadala ng mga manggagawa sa 41 mga bansa dahilan sa kawalan ng garantiya ng kaligtasan ng mga manggagawa.
Kahit na umano mayroong pagbabawal ng pagpapadala ng mga manggagawa sa ibang bansa, itinatadhana ng Amended Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995 na ang estado ay papayag ng magpadala ng mga manggagawang Pinoy sa iba't ibang mga kumpanya at kontratista na mayroong international operations. Subalit mahalaga na sila'y sumusunod sa standards, conditions and requirements na nilalaman ng mga kontrata na itinatadhana ng Philippine Overseas Employment Authority at tumutugon sa internationally-accepted standards.
Ayon umano kay Labor and Employment Secretary Rosalinda Baldoz, kakaunti lamang naman ang apektado sa pagbabawal ng pagpapadala ng mga manggagawang Pinoy sa 41 mga bansa.
Bahagi umano ng palatuntunan ng pamahalaan ang pagpapadala ng mga manggagawa sa pamamagitan ng pagpapalawak ng economic opportunities samantalang tinitiyak ang kanilang kaligtasan saan mang bahagi ng mundo sila mapunta.
MGA PINOY NA MAGDARAGAT, NA-HOSTAGE NG SOMALI PIRATES
DALAWAMPU'T ISANG Pinoy na magdaragat ang na-hostage ng mga piratang mula sa Somalia samantalang papalapit ang kanilang barko may pangalang Motor Tanker Luquid Velvet sa Gulf of Aden. Ito ang balita mula sa Kagawaran ng Ugnayang Panglabas ngayong araw na ito.
Naganap ang hostage-taking noong Lunes, ika-31 ng Oktubre, mga alas dos trese ng hapon.
Ang barko'y rehistrado sa Marshall Islands at isang chemical tanker na pag-aari ng mga Griego. Tiniyak ng kumpanya sa manning agency sa Maynila na minamatyagan nilang mabuti ang situasyon.
Sinabi ni Atty. Raul Hernandez, taga-pagsalita ng Department of Foreign Affairs, na naibalita na rin ang impromasyon sa mga pamilya ng mga magdaragat. Pinag-utusan na rin ng DFA ang mga embahada sa Kenya at Bahrain namakipagtulungan sa Combined Maritime Forces. Ang embahada ng Pilipinas sa Athens ay napag-utusan nang bantayan ang negosasyon ng mga may-ari sa mga pirata.
Maliban sa dalawampu't isang Pinoy na na-hostage ngayon, may nauna nang 22 iba pang mga magdaragat na hawak ng mga pirata sa Somalia. Ito ang buod ng text message ni Atty. Hernandez sa China Radio International-Filipino Section ngayong hapong ito.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |