Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Special report: Ang mga kasambahay sa Hong Kong

(GMT+08:00) 2011-11-09 17:24:55       CRI

ANO nga kaya't biglang umuwi sa Pilipinas ang may 140,000 mga kasambahay sa Hong Kong? Ano kaya ang mangyayari sa Special Autonomous Region na ito ng Tsina?

Hindi magaganap kailanman ang sabay-sabay na pag-uwing ito ng mga kasambahay sa Hong Kong sapagkat karamihan sa kanila'y dito na ginugol ang kanilang kabataan hanggang sa maabot ang edad na sisenta. Dito rin sa Hong Kong nila nakamtan ang mas magandang buhay hindi lamang para sa kanila kungdi para sa kanilang mga pamilyang naiwan sa Pilipinas.

Dumalaw ako sa Hong Kong noong nakalipas na Sabado't Linggo kasama ang Pangulo ng Mekeni Food Corporation na si Ginoong Prudencio S. Garcia at nakadaupang palad ko sina Ginoong Manuel "Dodong" Roldan, ang Philippine Overseas Labor Officer doon, si Soraya Confubut na isang recruiter mula noong dekada nobenta, si Gloh Greganda na isang kasambahay mula noong dekada nobenta, si Donald Retirado, isang tsuper sa konsulado ng Pilipinas sa Hong Kong, si Fr. Emil Lim, isang misyonerong Pilipino na dumadalo sa mga Pilipinong may mga suliranin.

Totoong maunlad ang Hong Kong kung magiging basehan ang bilang ng mga barkong nasa international container terminal nila at ang matataas na mga gusali at mga tanggapan ng iba't ibang malalaking kumpanya at ang magagandang mga lansangan at tulay na karaniwan din namang matatagpuan sa Tsina.

Subalit nasa likod ng mga nagpapatakbo ng industriya at kalakal ang mga kasambahay na mula sa Pilipinas. Walang humpay ang paghahanap ng mga kasambahay sa Pilipinas upang magtrabaho sa Hong Kong.

ITO ang kwento ni Soraya Confubut, isang general manager ng isang recruitment agency na kanyang itinatag noong 1990.

Madalas na siyang dumadalaw sa Pilipinas at nakarating na sa Davao, Baguio at Ilocos Region upang kapanayamin ang mga nagnananais magtrabaho sa Hong Kong. Ayon kay Soraya, ang kailangan ngayon sa Hong Kong ay mga kasambahay na nakapagsasalita ng Ingles – sapagkat ito ang prayoridad ng mga magulang, ang matuto ang kanilang mga anak ng Ingles.

Sa panayam, sinabi ni Soraya na may mga guro at narses siyang nadadala sa Hong Kong subalit matagal na ang dalawang taong paninilbihan doon sapagkat nakakatagpo ng paraang makarating sa Inglatera, Estados Unidos at maging sa Canada ang mga guro at narses na naging kasambahay sa Hong Kong.

Isa lamang umanong daan ang Hong Kong sa mas malalaking oportunidad.

SA panig ni Ginoong Manuel Roldan, ang Philippine Labor Attache sa Hong Kong, maituturing na isa sa pinakamagandang puntahan ng mga kasambahay ang Special Autonomous Region sapagkat maaaring humingi ng tulong ang mga manggagawa sa pulisya na daglian namang tumutugon sa pangangailangan.

Mahigpit din umano ang Kagawaran ng Paggawa sa mga batas na ipinatutupad. May poder din ang Labor Attache na ipatawag ang mga employer at pagpaliwanagin sa reklamo ng mga Pilipinang kasambahay.

Hindi rin umano nagtatagal sa hukuman ang usaping idinudulog ng mga Pilipino. Nakikipagtulungan din umano ang kanyang tanggapan sa mga simbahan at non-government organizations upang matulungan ang mga manggagawang may mga suliranin.

Si Ginoong Roldan ay naging Labor Attache sa Saudi Arabia at sa Roma, sa Italya kayat makapaghahambing siya ng mga situwasyon ng mga manggagawang Pilipina.

SI Gloh Graganda, isang kasambahay na tubong Calamba, Laguna, ay naglingkod na bilang kasambahay sa Hong Kong mula noong 1990. Wala siyang ibang kilalang amo liban sa kanyang pinaglilingkuran mula noong 1990.

Karaniwan umanong gagawain ng kasambahay ang paglilinis ng tahanan, pagluluto at paglalaba. Kasabay na rin dito ang pag-aalaga ng sanggol at tulad niya, mapalad siyang napalaki niya ng maayos ang kanyang alaga na ngayo'y labing-anim na taong gulang na.

Sa likod ng kanyang kasiyahang magkwento ng magagandang karanasan sa Hong Kong, naroon pa rin ang sama ng loob sapagkat hindi niya nadaluhan ang sarili niyang mga anak sa Pilipinas.

Alagang-alaga daw niya ang anak ng kanyang amo hanggang sa ngayon at may dalawang pagkakataong tinawag siyang "Inay" ng kanyang alaga na lubha namang ikinagalit ng kanyang pinaglilingkuran.

Sa kanyang pagdalaw sa Pilipinas, himutok din ang narinig niya sa kanyang bunsong anak na lalaki na ngayo'y may anak na ring pitong-taong gulang. Sabi umano ng kanyang anak na natatandaan niyang pitong taong gulang siya noong unang maglakbay patungong Hong Kong ang kanyang ina. Ikinalulungkot niyang may anak na rin siyang pitong taong gulang na ay nasa Hong Kong pa rin si Gloh.

Masakit umano para sa kanyang bilang isang ina na naghihimutok ang kanyang anak kahit pa tinatawag siyang "Inay" ng kanyang alagang bata sa Hong Kong.

SUBALIT mag pagkakataon ang mga kasambahay na iwan ang kanilang hanapbuhay na nagbibigay ng higit sa $ 3,000 HK at gawing mas magaan ang kanilang hanapbuhay. Ito naman ang kwento ni Donald Retirado, isang tsuper na tubong Bacolod City. Nakatutuwang isiping 1986 pa siya sa Hong Kong at ngayo'y kasama na niya ang kanyang maybahay sa paghahanapbuhay.

Ang mag-asawang Retirado ay mayroon nang foreign remittance business, mga computer shop na may mga tindang pagkaing kinagigiliwan ng mga Pilipinang sabik sa meriendang Pinoy.

Binuo ni Donald ang may 33 mga kasambahay at pinapag-aral magmaneho ng kotse. Siyam na umano ang full-time family drivers sa Hong Kong na kumikita ng may $ 9,000 HK at hamak na mas magaan ang trabaho.

Marami pa umanong naghihintay kumuha ng pagsusulit sa pagpapamaneho at sa oras na makapasa sila, may naghihintay ng hanapbuhay para sa kanila.

Mayroon na rin umanong kababaihang nasa America at Canada at ito na ang trabaho nila. Kahit umano ang mga kalalakihang naglilingkod bilang mga tsuper ay nakakadama na ng matinding hamon mula sa mga Pilipinang tsuper.

SI Fr. Emil Lim, isang kasapi ng Society of the Divine Word, ang nangangasiwa sa mga Pilipinong manggagawa sa Hong Kong. Mula pa noong 1993 ay nasa Hong Kong na siya at maraming kwento tungkol sa mga Pilipinong nakarating sa isang cosmopolitan hub na kilala sa pangalang Hong Kong.

Karanasan umano para sa kanyang makita ang pagyabong ng pananampalataya ng mga Pilipino sa Hong Kong. Itinanong ko sa kanya kung bakit puno ang St. Joseph Church tulad na aking nakita noong Linggo, ipinaliwanag ni Fr. Emil na sadyang ganyan ang mga Pilipino – lalo pa't nalulungkot at may mga suliraning kinakaharap, wala na umanong nalalabi pang hahawakan at ito ay ang pananampalataya,

Karaniwang mensahe ni Fr. Emil ang pagpapa-alaala sa mga manggagawang Pinoy na kailanma'y hindi sila pababayaan ng Diyos.

Isa umano siyang tulay para sa mga manggagawa at pamahalaan ng Hong Kong at maging sa mga tauhan ng Konsulada ng Pilipinas. Ipinararating niya ang mga hinaing at mga sama ng loob ng mga manggagawang Pilipino upang matugunan.

Bagama't maryoon ng internet, sama't galing din umano ang pag-angat ng teknolohiya sapagkat kahit na nakakausap ng mga kasambahay ang kanilang pamilya sa Pilipinas sa mas mura at mas magandang paraan, ito rin ang nagiging susi upang mahulog sila sa mga iskemang illegal tulad ng cellphone load scam at iba pa. Ito rin umano ang nagiging daan upang magkaroon ng extra-marital affair ang ilang mga Pilipina.

Isa umanong pinakamasakit na karanasan ng mga manggagawa ay ang kakulangan ng appreciation o pagkilala mula sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas. Masakit din umanong mabalita ng isang kasambahay na mayroon nang ibang minamahal ang kanilang esposong naiwan sa Pilipinas.

Mabuti na lang umano at kasama na ang mga pamilyang naiwan sa Pilipinas sa mga pagtitipon ng Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People at unti-unti nang nagkakakilanlan ang mga manggagawang nasa ibang bansa at ang mga naiiwan sa Pilipinas.

BILANG pangwakas, talagang magiging batobalani (magnet) ang Hong Kong para sa mga Pilipinong gustong maghanapbuhay sa labas ng bansa. Hindi uuwi ang mga Pilipinang nasa Hong Kong kung walang mapapasukang mas maganda sa Pilipinas.

Bagama't isang tulay lamang ang Hong Kong para sa mga guro at narses na naglingkod bilang kasambahay, malaki ang pagkakataong umunlad ang buhay ng mga manggagawa at pamilya ng mga Pilipinang nasa Hong Kong.

Ibayong sipag at tiyaga ang kailangan, tulad ng mungkahi ni Ginoong Retirado, kasabay ng pag-aaral ng mga bagong paraan upang kumita, tulad ng pagmamaneho at pagpasok sa kalakal.

Magpapatuloy ang mga kwento ng saya at lungkot ng mga Pilipina at Pilipinong manggagawa samantalang sila'y nasa ibang bansa.

Dadami pa ang mga manggagawang ito lalo't nananatiling mahirap ang hanapbuhay sa Pilipinas.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>