|
||||||||
|
||
UMALIS na kaninang umaga si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III patungo sa Bali, Indonesia para sa 19th ASEAN Summit.
Sa kanyang pahayag bago sumakay ng eroplano patungo sa Indonesia, sinabi niyang nangunguna sa kanyang mga paksang dadalhin ang tungkol sa migrant workers, trafficking in persons, maritime security at kapayapaan sa rehiyon.
Binanggit niyang kasama sa pagpupulong ang mga pinuno ng Tsina, Japan, Korea, India at maging Estados Unidos. Paiigtingin ni Pangulong Aquino ang pakikipagtulungan sa larangan ng maritime security, disaster management, pagsugpo sa krimen at terorismo, pangangalaga sa kalikasan at kalakal.
Nararapat umanong samantalahin ng ibang bansa ang pakikipagkalakal sa Pilipinas sapagkat patas ang maaliwalas ang sistemang pangnegosyo na ipinatutupad. Makikinabang din umano ang mga Pilipinong magkakaroon ng hanapbuhay.
Ipararating din umano niya ang pakikiramay sa Thailand at Cambodia sa mga biktima ng malawakang pagbaha. Batid umano niya ang hirap at pagdurusang idinulot ng pagbahang ito sapagkat ang Pilipinas man ay 'di nakaliligtas sa mga pangyayaring ito.
Baon daw ni Pangulong Aquino ang pagtitiwala ng mga mamamayan sa makabuluhang serbisyo-publiko at nakikita naman ito sa patuloy na pagtaas ng pagtitiwala ng madla. Idinagdag pa ni Pangulong Aquino na sa pagtutulungan ng lahat, malayo ang mararating ng bansa, maraming maaabot na mithiin.
KAUTUSAN NI PANGULONG AQUINO: "GAWIN MO ANG NARARAPAT…"
SINABI ni Kalihim Leila de Lima na pinag-utusan siya ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino na gawin ang nararapat. Ito ang pahayag ni Kalihim de Lima tungkol sa naging desisyon niyang huwag palabasin ng bansa ang dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Kinailangan umano niyang sabihan si Pangulong Aquino sa kanyang naging desisyon sapagkat siya'y isang alter ego lalo na sa mahahalagang mga usaping tulad ng paglalakbay ng dating pangulo ng bansa.
Maliwanag umano ang utos ni Pangulong Aquino at ito'y gawin niya ang kanyang nararapat gawin bilang Kalihim ng Katarungan. Hindi umano napapanahon ang sinasabing impeachment complaint laban sa pangulo dahilan sa sinasabing constitutional crisis. Hindi niya umano kikilalanin ang temporary restraining order na nagmula sa Korte Suprema laban sa travel ban na ipinatutupad ng kasalukuyang administrasyon hanggang hindi pa nalulutas ang motion for reconsideration na nagmula sa ehekutibo.
Sa panig ni dating Pangulong Arroyo, hinintayin na muna lamang nila ang magiging desisyon ng Korte Suprema sa motion for reconsideration ng Administrasyong Aquino.
KALIHIM NG PAGGAGAWA, NANAWAGAN SA IBA'T IBANG BANSA
NANAWAGAN si Labor and Employment Secretary Rosalinda D. Baldoz sa iba't ibang pamahalaan, lalo na ang mga tumatanggap ng mga manggagawang Pinoy, na makibalikat sa patuloy na mithiing maipagtanggol ang mga manggagawa at mai-angat ang kanilang mga kalagayan samantalang nasa labas ng Pilipinas.
Ito ang bahagi ng talumpati ni Ginang Baldoz sa Regional Conference of Migrant Workers na idinaos sa pamamagitan ng Norwegian Trade Union Confederation at ang kabalikat nito sa Pilipinas ang Alliance of Progressive Labor.
Sinabi ni Ginang Baldoz na makikita ang pagpapahalaga ng mga bansang tumatanggap sa mga manggagawang Pinoy sa oras na sila'y lumagda sa mga tratado at mga convention ng International Labor Organization. Dapat lamang umanong matiyak ang kaligtasan ng mga manggagawa, lalo't higit ng mga kababaihan.
Sinusuportahan ng Pilipinas ang ILO Convention 189 na may pamagat na Concerning Decent Work for Domestic Workers kasunod ng pag-sangayon ng maraming bansa sa 100th International Labor Conference sa Geneva, Switzerland noong nakalipas na buwan ng Hunyo.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |