Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Libo-libong manggagawa at mangingsida, maaaring mawalan ng hanapbuhay

(GMT+08:00) 2011-11-22 18:06:19       CRI

DIPOLOG CITY, ZAMBOANGA DEL NORTE - NAGLAKBAY ako patungo sa lungsod na ito upang pakinggan ang mga hinaing ng mga mangingisda, mga nasa pamahalaang-lokal at mga dalubhasa sa larangan ng industriya ng sardinas na nanganganib mawalan ng trabaho sa oras na mawala na ng tuluyan ang mga mumunting isdang kilala sa pangalang tamban.

Ang sardinas ay bahagi na ng hapagkainan ng mga pamilyang Pilipino, lalo pa't dumaraan ang masasamang panahon, pagbaha at maging pagputok ng bulkan.

Nakatakdang ipatupad ng Kagawaran ng Pagsasaka at Interyor at Pamahalaang Lokal ang isang "closed season" mula unang araw ng Disyembre hanggang unang araw ng Marso ng susunod na taon upang makapagparami ang mga isdang ginagamit sa paglalata at paglalagay sa bote ng kinagigiliwang mga produkto.

Sasaklaw ang "closed season" sa silangang bahagi ng Sulu Sea, Basilan Strait at Sibuguey Bay at may sukat na 13,987 kilometro kwadrado. Ipagbabawal ang pangingisda sa mga pook na ito at kabilang sa ipagbabawal ang paggamit ng commercial purse seine, commercial ring net, commercial bag net ay ang scoop net. Ipagbabawal sa sinuman ang mangisda, magbili at bumili ng iba't ibang uri ng tamban.

CLIMATE CHANGE?

Lalo umanong humirap pag-aralan ang kinabukasan ng mga tamban sapagkat tila nadarama na ang pinsalang idinudulot ng "climate change."

Ayon kay Dr. Asuncion B. De Guzman ng Department of Marine and Environmental Sciences ng Mindanao State University sa Naawan, Misamis Oriental, noong 2008, nangawala ang mga sardinas mula sa Zamboanga Del Norte.

Lumalabas sa kanilang pagsusuri na unti-unti nang naaapektuhan ang buhay ng mga isdang ginagamit sa sardinas. Isang dahilan ng pagkawala ng mga tamban ang overfishing. May koneksyon din sa pagkawala ng isda ang El Nino at La Nina sa mga pagbabago ng life cycle ng isda.

Ayon kay Dr. De Guzman, ang pagpigil sa patuloy na pagkasira ng kapaligitan, pagpigil sa sobrang pagdakip ng isda at pagsasa-ayos ng suliranin sa produksyon ay isang malaking hamon para sa mga taga-Zamboanga del Norte.

Sinabi ni Benjamin Francisco, ang pinuno ng Regional Fisheries Livelihoods Programme ng Food and Agriculture Organization ng United Nations na ang karagatan sa hilagang Zamboanga peninsula ay kabilang sa pinakamayamang pangisdaan para sa maliliit na isdang ginagawang sardinas. Nadarama na umano ang epekto ng pagbabago sa panahon kasabay ng sobrang pangingisda sa patuloy na pagbabawas ng iba't ibang uri ng isdang ginagawang sardinas.

Kung hindi mapipigilan ang ganitong situwasyon, mamimiligro ang kabuhayan ng mga bayan-bayang nasa tabing-dagat, dagdag pa ni Ginoong Francisco.

Ayon kay Roselyn Villaruz, isang processor ng mga sardinas na nasa bote, noong nakalipas na taon, mula Hulyo hanggang Disyembre, nakapagproseso pa sila ng sardinas subalit sa taong ito'y wala silang makuhang isda dahilan sa madalas na pag-ulan at pagdaan ng mga bagyo.

Ayon kay Ginang Villaruz, ayaw ng tamban ng malamig na karagatan. Isang dahilan din ang overfishing ng mga malalaking palakaya. Kahit pa posibleng solusyon ang 'di muna pangingisda sa loob ng tatlong buwan, ikinalulungkot ng mga fish processors sa Lungsod ng Dipolog ang pagbabawal ng pangigngisda hanggang unang araw ng Marso.

Para sa grupo ni Gng. Villaruz, dapat hanggang Pebrero lamang ang fishing ban. Malaki umano ang mawawala sa kanila sa oras na ipatupad ang "closed season" hanggang sa Marso.

Bagamat tanggap ng mga naglalata ng sardinas ang "closed season," ibayong pagtutol ang nadarama ng sardine-bottlers ng Dipolog.

"Hindi kami kinonsulta," dagdag pa niya.

Ayon sa Bureau of Agricultural Statistics, unti-unti na umanong bumaba ang produksyon ng sardinas mula noong 2005 na umabot sa 11,471 MT at unti-unti nang bumaba mula noon.

SARDINAS MULA SA PAMAHALAAN

Isa sa pinakamalaking namimili ng sardinas mula sa mga naglalata nito ay ang pamahalaa ng Pilipinas. Sa bawat bagyo, baha, pagputok ng bulkan at maramihang paglikas dahilan sa kaguluhan sa pag-itan ng mga kawal at mga rebelde, sardinas ang inilalahok sa relief packs na may bigas, noodles, kape, asukal at gatas.

Kinapanayam ko ang mga dating namuno sa Department of Social Welfare and Development at lahat sila'y nagsabing marami silang biniling sardinas upang makain ng mga biktima ng trahedya.

Ayon kay dating Kalihim Lina Laigo, tone-toneladang sardinas ang kanyang ipinabili sa ngalan ng mga nasalanta. Namuno siya sa DSWD mula 1995 hanggang 1998.

Idinagdag ni dating Kalihim Esperanza Cabral na hindi na mawari kung anong kalalabasan ng relief goods kung hindi sasamahan ng sardinas. Sardinas din ang ipinagkakaloob ng mga tumutulong sa DSWD.

Mula 2009 hanggang 2011, humigit na sa P 12 milyong piso ang sardinas na nabili para sa relief goods. Hindi pa kasama ang pagkaing sardinas na nasa iba't ibang rehiyon. Ito naman ang pahayag ng kasalukuyang namumuno sa DSWD na si Secretary Corazon Juliano Soliman.

Ayon kay Fisheries and Aquatic Resources Regional Director Ahadula S.Sajili, karamihan sa mga sardinas na nabili ay mula sa canneries sa Zamboanga City.

MGA OBISPO, NABABAHALA

Bagama't sumusuporta sina Bishop Jose Manguiran ng Dipolog at Martin Jumoad ng Isabela, ipinarating nila ang pagkabahala sa paraan ng pagpapatupad nito.

Ayon kay Bishop Manguiran, magandang programa ang "closed season" para sa mga isda sa karagatan sapagkat magkakaroon sila ng panahon upang magparami. Ang kanyang panawagan ay ang tunay na pagpapatupad ng kautusan sa pamamagitan ng mga opisyal ng lalawigan at iba't ibang bayan sa Zamboanga, Basilan at Sulu.

Ang sabi ng 76-na-taong gulang na Obispo ay nangangamba siyang walang patutunguhan ang "closed season" sapagkat nagdududa siya sa katapatan ng mga opisyal na magpapatupad ng kautusan.

Kalat naman ang balitang ang malalaking palakaya ay may koneksyon sa mga opisyal ng lalawigan at bayan kungdi man sila ang tunay na may-ari ng mga palakayang ito.

Kailangang ipatupad ang batas na gagarantiya sa kaligtasan ng mga mamamayan, dagdag ni Bishop Manguiran. Nanawagan siya na mahigpit ding ipatupad ang mga batas sa pagmimina sapagkat malaki ang posibilidad na makarating sa karagatan ang mga kemikal tulad ng mercury at lasong cyanide na siyang pupuksa sa mga isda sa kapaligiran.

Sa panig ni Bishop Jumoad, sinabi niyang walang problema ang "closed season" subalit ang nararapat lamang pagbawalan ay ang mga malalaking palakaya at huwag nang idawit pa ang mga maliliit na mangingisda o subsistence fishermen.

Makikita sa darating na Marso, pagkatapos ng "closed season" kung nagtagumpay nga ang programang ito para sa mga maliliit na sardine processors, malalaking canneries at mga maliliit na mangingisda at mga commercial fishers.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>