|
||||||||
|
||
IPINAGPASALAMAT ng Estados Unidos ang pangako ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na dadalhin ang lahat ng may kinalaman sa madugong "Maguindanao Massacre" sa paglilitis.
Ito ang bahagi ng mensahe ni American Ambassador to the Philippines Harry K. Thomas sa brutal na pagkakapaslang sa mga 58 kataong kinabibilangan ng 32 mga mamamahayag.
Kapuri-puri umano ang ginagawa ng mga kasapi ng Philippine National Police, Department of Justice, at ng Hukuman na nagtutulong-tulong upang madali ang paglilitis sa mga akusado. Ito umano ay pagpapakita ng lakas ng loob ng mga saksing humarap sa hukuman kahit pa may mga pananakot at mga panggigipit.
Samantala, sinabi ni Canadian Ambassador to the Philippines Christopher Thornley na sa paggunita sa ikalawang anibersaryo ng Maguindanao Massacre, naninindigan ang Canada sa panig ng mga mamamayang Filipino sa panawagang maghari ang batas at papanagutin ang mga may kinalaman sa masaker sa pagharap sa paglilitis.
Sa paggunita umano sa mga biktima, nauunawaan ng Canada na ang masaker na naganap ay hindi lamang isang uri ng karahasan bagkos ay isang pagyurak sa mga pinahahalagahan ng mga Canadian at mga Filipino. Ang mga ito'y ang karapatang pangtao, kalayaan ng pamamahayag, at karapatang magkaroon ng malaya at patas na halalan, na siyang mga sandigan ng mga lipunan na nararapat igalang at ipagsanggalang.
Nananawagan ang Canada sa Pamahalaan ng Pilipinas na tiyaking ang proseso ay matapos sa madaling panahon at sa kapani-paniwalaang paraan.
Dahilan umano sa mga kaguluhang nagaganap sa Kanlurang Mindanao, umaasa ang Canada na magkakaroon ng payapang kalutasan ang hindi pagkakaunawaan sa nagaganap na peace process.
Sa panig ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, sinabi ni Bishop Nereo P. Odchimar, na marapat lamang na magpatuloy ang paglilitis sa mga akusado at kailangang matiyak na masusunod ang "due process of law."
Bagaman, naniniwala ang CBCP President na siya'y nababahala sa mga balitang lumabas na maaaring tumagal ng 55,000 taon ang paglilitis sa mga akusado. Ayon sa obispo, nagmamasid lamang silang mga obispo sa mga nagaganap at napupuna nila ang maraming mga balakid na humahadlang sa mas madaling paglilitis.
Ayon sa obispo, ang pagkaantala ng paglutas sa madugong krimeng ito na naganap dalawang taon na ang nakalilipas ay isang paraan na rin na tanggihan ang kahilingan ng mga naulila na makamtan ang katarungan.
Sinabi ni Bishop Odchimar na totoo ang kahulugan ng kasabihang "Justice delayed is justice denied."
OPISYAL NG UNITED NATIONS, DUMALAW SA PILIPINAS
MARAMING natutuhan sa kanyang pagdalaw sa Pilipinas si Binibining Catherine Bragg, ang Assistant Secretary General at Deputy Emergency Relief Coordinator ng United Nations.
Sa kanyang pagharap sa mnga mamamahayag, sinabi ni Bb. Bragg na nakita niya kung paano tumutugon ang mga mamamayan sa matagalang humanitarian crisis dala ng matagalang sagupaan sa pag-itan ng pamahalaan at mga kabilang sa Moro Islamic Liberation Front, at iba pang mga uri ng karahasan at ang paulit-ulit na kalamidad tulad ng mga pagbaha.
Kahit pa umano nabawasan na ang may 750,000 kataong nagsilikas noong 2008, maraming mga komunidad pa rin ang maaaring tamaan ng trahedya at mangangailangan ng dagdag na ayuda o tulong.
Ayon kay Bragg, noong Hunyo ng taong 2011, halos 860,000 mga mamamayan sa Mindanao ang nagsilikas dala ng matinding pagbaha dala naman ng patuloy na pag-ulan.
Sa kahilingan umano ng pamahalaan, tumulong ang aid agencies sa pamamagitan ng relief goods, tubig na maiinom, pansamantalang tahanan at health care upang masabayan ang ginagawa ng Aquino Administration. Nakapagpadala umano ang United Nations Central Emergency Response Fund ng may US $ 5 milyon para sa iba't ibang proyekto.
Binanggit din niya ang tindi ng pinsalang idinulot ni Pedring at Quiel noong nakalipas na buwan at nadama ng may apat na milyong katao ang tindi ng mga sama ng panahong ito.
Ayon kay Bb. Bragg, umaasa siyang mapopondohan ang mga programang kailangan sa Mindanao. Nakausap na umano niya ang mga kasapi ng diplomatic community sa Maynila at nagkaroon ng pag-uunawaang magtutulungan. Hindi rin umano maaapektuhan ng Eurocrisis at economic meltdown sa Estados Unidos ang salaping lilikumin sapagkat maliit lamang ang halagang kailangan para sa Mindanao, dagdag pa ni Bragg.
CLIMATE CHANGE ACADEMY, PASISINAYAAN SA ALBAY
PASISINAYAAN ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III ang Climate Change Academy sa Lalawigan ng Albay sa darating na Biyernes, kasabay ng pagdiriwang na Climate Change Consciousness week.
Ayon kay Albay Governor Jose Sarte Salceda, mahalaga ang pagkakaroon ng pinag-isang paraan na paglaban at pagtugon sa climate change at pagmulat sa madla sa kahalagahan nito sa pamamagitan ng media.
Ayon sa gobernador, ang Climate Change Academy ay isang knowledge management institution. Ang Pilipinas umano'y ikatlo sa pinakamadaling tamaan ng pagbabago sa klima kaya't mahalaga para sa pamahalaan na mabawasan ang tindi ng problemang maidudulot nito sa mga mamamayan at sa bansa.
Halos tatlong porsiyento umano ng Gross Domestic Product ang nawala sa pagdaan ng mga bagong Ondoy at Pepeng.
Makakasama sa mga lalahok sa pagtitipon ang mga kinatawan ng Laos, Myanmar, Kenya, Nepal at iba pang mga bansa.
Kasabay nito, idadaos din ang Philippine Media Conference on Climate Change Adaptation mula sa ika-24 hanggang ika-26 ngy Nobyembre at makakasama ang mga mamamahayag ng Pilipinas, kabilang ang mga kasapi sa Foreign Correspondents Association of the Philippines at iba pang media organizations.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |