|
||||||||
|
||
IPINAG-UTOS ng Korte Suprema ang pamamahagi ng higit sa 4,900 ektaryang bukirin sa Hacienda Luisita sa higit sa 6,000 mga rehistradong magsasaka. Ang lupaing ito'y pag-aari ng mga kamag-anak ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III.
Sa kanilang nagkakaisang pagboto, ang 14 na mahistrado ay nagkasundong pawalang-saysay ang "stock distribution plan" na inialok ng kumpanya sa mga magsasakang benepisyaryo bilang kapalit ng "actual land ownership."
Sa limampu't anim na pahinang desisyon, sinabi ng mga mahistrado na ang mga farmworker-beneficiaries ay hindi kailanman magkakaroon ng kontrol sa mga sakahang ito hanggang sa mananatili silang "stockholders" ng Hacienda Luisita, Inc.
Ang desisyon ay akda ni Associate Justice Presbitero Velasco, Jr. at nalagdaan na noong nakalipas na Martes, a-viente dos ng Nobyembre subalit ngayon lamang inilabas. Hindi lumahok sa deliberasyon si Sr. Associate Justice Antonio Carpio sa matagal na sigalot.
Samantalang lahat sila'y nagkasundo sa total land distribution, ilan sa mga mahistrado ang may kanya-kanyang pananaw sa tunay na halaga ng lupain.
Sina Chief Justice Renato Corona at dalawang iba pang mahistrado ang naglabas ng kanilang hiwalay na pagsang-ayon at pagkontrang mga opinion.
SA MABABANG KAPULUNGAN, pinapurihan ng mga mambabatas ang Korte Suprema sa kanilang desisyong nag-uutos na ipamahagi na ang Hacienda Luisita na pag-aari ng pamilya ni Pangulong Aquino.
Ayon kay Congressman Rafael Mariano ng Anakpawis, ito ang isang mahalagang hakbang tungo sa katarungan. Nagbabala rin si Ginoong Mariano sa anumang political at legal maneuvers ng mga Cojuangco-Aquino upang lumabag sa kautusan ng katataas-taasang hukuman sa bansa.
Nararapat umanong igalang at sundin ang kautusan ng Korte Suprema ni Pangulong Aquino at ng mga Cojuangco at Aquino. Marapat lamang umanong pasimulan na ang pamamahagi ng lupain.
Nasa kamay na umano ng Hacienda Luisita at ng Kagawaran ng Repormang Agraryo ang pamamahagi ng mga lupaing matagal nang naantala.
Kabilang sa pumuri sa Korte Suprema sina Congressman Amado Bagatsing ng Maynila, Juan Edgardo Angara ng Aurora, CIBAC partylist Congressman Sherwin Tugna at Kabataan Partlist Raymond Palatino.
SA PANIG NG SIMBAHAN, pinapurihan ng National Secretariat of Social Action, Justice and Peace ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ang naging desisyon ng Korte Suprema na nag-uutos na ipamahagi na ang mga lupain sa mga rehistradong mga magsasaka.
Ayon kay Fr. Edu Gariguez, ang matagal nang desisyon ay dumating na at ang ginawa ng Korte Suprema ay isang hakbang upang makabawi ng kredebilidad sa pagpapatunay na makakatayo sila para sa katotohanan at katarungan.
Idinagdag ni Fr. Gariguez na umaasa siya na magpapatuloy ang paggagawad ng desisyon hindi ayon sa politika bagkos ay upang ipagsanggalang ang interes ng katarungan.
PAGPUPULONG NG MGA MAMAMAHAYAG HINGGIL SA CLIMATE CHANGE SINIMULAN NA
PORMAL na binuksan ang pagpupulong ng mga mamamahayag tungkol sa Climate Change sa Pamantasan ng Bikol dito sa Lungsod ng Legazpi. Sinimulan ang talakayan kaninang ika-dalawa ng hapon.
Ipinaliwanag ni Albay Governor Jose Sarte Salceda na mahalagang mamulat ang mga mamamayan sa mga nagaganap sa kapaligiran upang mapaghandaan ang anumang panganib na maaaring idulot ng mga pag-ulan, bagyo, baha, pagputok ng bulkan at iba pang natural calamities na karaniwang nagaganap sa Albay.
Ayon kay Gobernador Salceda, malahaga ang pagtitipong ito sa Albay sapagkat sa lalawigang ito makikita ang mga kalamidad at ang kaukulang tugon ng pamahalaang lokal. Ang mga kinagawian umano sa lalawigan ay maituturing na kabilang sa "best practices" kaya't patuloy na nagpapadala ng mga kinatawan ang iba't ibang pamahalaan sa Albay upang matuto ng kaukulang aksyon sa oras na magkaroon ng kalamidad.
Kaya umano aktibo ang lalawigan ng Albay sa pagsusulong ng ibayong kaalaman sa climate change ay upang maiwasang mawala ang mga nagawa na sa Millennium Development Goals.
Sinabi ni Ginoong Renaud Meyer, ang country representative ng United Nations Development Program na may mga darating na opisyal mula sa Iraq upang magsanay sa mga palatuntunang pangkaligtasan sa Albay. Nauna nang nagsanay ang mga kinatawan ng Vietnam, Myanmar at Kampuchea sa Albay, dagdag pa ni Ginoong Meyer.
Ipinaliwanag niya na kailangang magtulungan ang mga mamamayan at pamahalaan upang mabawasan ang magiging pinsala sa mga pananim, mga pagawaing-bayan at tiyak na kawalan ng hanapbuhay. Ang mga kalamidad din ang nagiging dahilan ng paglipat at paglikas ng mga mamamayan patungo sa ibang pook.
Sa panig naman ni Vicente Selles, ang Coordinator General ng Agencia Espanola de Cooperacion International para el Desarrollo, handa ang kanyang pamahalaang tumulong sa pananalapi, teknikal at iba pang paraan upang matiyak ang pagtatagumpay ng mga palatuntunan para sa mga mamamayan. Higit umano sa kalahati ng kanilang tulong sa Pilipinas ang ginugugol sa Bicol Region.
Bukas ng umaga'y nakatakdang magsalita ang mga kinatawan ng iba't ibang ahensya ng pamahalaan tungkol sa kalagayan ng bansa sa larangan ng climate change at millennium development goals.
Nakatakdang dumating si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III upang magsalita sa pagtitipon ng mga mamamahayag at pangunahan ang pagpapasinaya sa Climate Change Academy na nasa Pamantasan ng Bikol, dito sa Lungsod ng Legazpi.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |