Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Pangulong Aquino, hindi muna naglabas ng pahayag sa desisyon ng Korte Suprema

(GMT+08:00) 2011-11-25 18:08:17       CRI

MULA sa Lungsod ng Legazpi, tumangging magbigay ng kanyang pahayag si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa pinakahuling desisyon ng Korte Suprema na nag-uutos na ipamahagi ang higit sa apat na libong hektaryang lupain ng Hacienda Luisita Inc., sa may higit sa anim na libong mga magsasaka.

Sa isang press conference na idinaos sa Bicol University bago nagtanghalian ngayong Biyernes, sinabi ni Pangulong Aquino na walang dahilan upang hindi sumunod sa kautusan ng hukuman ang Hacienda Luisita, Inc.

Subalit nang itanong kung siya ba'y tutol sa naging desisyon, sinabi niyang hindi pa niya nababasa ang hatol na inilabas kahapon. Magugunitang nilagdaan na ito ng may 14 na mahistrado noon pang Martes subalit kahapon lamang isinapubliko.

Ipinaliwanag niya na wala pa siyang nakikitang desisyon tulad noong naglakbay siya sa Bali, Indonesia na binantayan niya ang naging desisyon ng Korte Suprema sa petisyon ni dating Pangulong Gloria Macagapal-Arroyo na humiling ng "temporary restraining order" na naunang pagbabawal sa kanya at sa kanyang esposo na lumabas ng Pilipinas.

Sinabi ni Pangulong Aquino na sa larangan ng repormang agraryo, dalawang bagay ang nararapat pahalagahan. Una ay ang pagbibigay ng kaukulang poder sa magsasaka na magkaroon ng lupang masasaka. Pangalawa naman ay ang isyu ng "just compensation" upang huwag namang maubos ang kapital, kailangang magkaroon ng tamang kabayaran at hindi basta sasamsamin ang lupain sa mga maylupa.

"Kailangang maibalik ang kapital sa may-lupa upang mapuhunan naman sa ibang industriya na makakatulong din naman sa bansa," dagdag ni Pangulong Aquino.

Umaasa umano siyag matutugunan ang interes ng magkabilang panig. Wala umano siyang kakayahang magpahayag ng anuman sa desisyon ng Korte Suprema sapagkat wala pang sipi ng desisyon na nakararating sa kanila. Naniniwala umano siyang walang anumang milagrong naganap sa paglalabas ng hatol ng Korte Suprema na nadawit na rin sa kontrobersya.

Maraming ahensya ang masasangkot sa pagtugon sa climate change

TINIYAK ni Pangulong Aquino na maraming ahensya ng pamahalaan ang magkakaroon ng mahalagang papel sa pagtugon sa hamong dala ng climate change.

Sa pagpapatuloy ng press conference kanina sa Bicol University, sinabi ni Pangulong Aquino na lahat ng mga tanggapan sa ilalim ng ehekutibo ay makakasama sa adhikaing mabawasan ang masamang epekto ng pagbabago sa klima.

Ihinalimbawa niya ang Land Transportation Office na magbabantay sa mga ginagawa ng smoke emission testing centers upang mabatid kung sila ba'y tumutugon sa Clean Air Act. Ang mga pamahalaang lokal ay mayroon ding papel sa pagbabantay sa sanitary landfills at waste disposal na may mga alituntuning nararapat ipatupad.

Binanggit din niya ang mga obligasyon ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources at maging ang Maritime Command ng Philippine National Police at maging ang tanggapang may kinalaman sa civil aeronautics ay magbabantay din kung sinusunod ang iba't ibang pamantayang itinadhana ng pamahalaan at ng iba't ibang ahensya.

Ang Department of Public Works and Highways naman ang magsasaayos ng tamang palatuntunan sa water management samantalang ang Department of Environment and Natural Resources ay sangkot din sa mga kagubatan at pagbatid kung aling mga pananim ang nararapat paramihin sa kagubatan.

SA PANIG ni Kalihim Elisea G. Gozun, ang Presidential Assistant for Climate Change, may sapat nang salapi na nakapaloob sa 2012 budget para sa mga palatuntunang may kinalaman sa climate change adaptation.

Ipinaliwanag niya na ang mga suliranin sa overfishing ay matutugunan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources samantalang ang water management ay piangangasiwaan ng Department of Public Works and Highways. Sa halip umano na magkaroon ng mas maraming pagawaing bayan, ang pagpapaunlad ng mangrove areas ang pagtutunan ng pansin.

Ang national climate change adaptation plan ay maituturing na ecosystems-based, dagdag pa ni Bb. Gozun.

May mga palatuntunan umanong tinutustusan ng iba't ibang mga bansa maliban sa mga bansa ng Espana at Japan. Kung ang iaalok umano ay mga technical assistance at grants, tiyak na ipagpapasalamat ito ng Pilipinas.

AYON naman kay Environment and Natural Resources Secretary Ramon Paje, ang karamihan ng gawain ay mapupunta na sa local government units sapagkat ang lahat ng kagawaran ay inutusan nang samahan ng mga climate change mitigation programs ang kanilang mga gawain.

Kasama sa kanilang mga palatuntunan ang pagtatayo ng small water impounding dams na pagiimbakan ng tubig sa kabundukan na unti-unting padadaluyin sa oras ng tagsangit o summer.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>