|
||||||||
|
||
NAKATAMO ang Pilipinas ng 3.2% growth sa ikatlong tatlong buwan ng 2011 mula sa paglago ng services sector. Sa kanyang pahayag na ipinalabas sa media, sinabi ni Socio-Economic Planning Secretary Cayetano Paderanga na sa pagliit ng 3.4% sa net primary income, ang paglaki ng gross national income ay mas mabagal at natamo lamang ang 1.6 %.
Naging dahilan ng pagkawala ng kita ang mga nakalipas na bagyo sapagkat napinsala ang mga sakahan. Ang nagaganap na pandaigdigang economic slowdown sa Europa at ang paghina ng ekomiya ng Estados Unidos at pagbagal ng construction sector ang naging dahilan ng mas mababang kalagayan ng ekonomiya.
Ang nagpasigla sa ekonomiya ng bansa ay ang paglago ng services sector at patuloy na pagpasok ng salapi mula sa mga manggagawang Pilipino na nasa iba't ibang bansa. Nakatulong din umano ang paggastos ng pamahalaan kamakailan.
Nakita sa sektor ng transportasyon, komunikasyon, real estate, pagpapaarkila ng mga ari-arian at kalakal, public administration and defense, edukasyon, turismo at iba pang services subsectors ang inilago ng ekonomiya.
Mas mahina umano ang performance ng Pilipinas kung ihahambing sa Indonesia na nagkaroon ng 6.5 percent, Vietnam na nagkaroon ng 6.1%, Singapore na may 6.1% at Malaysia na nagkaroon ng 5.8%. Ang Thailand ay nagkaroon ng 3.5% growth rate.
Ayon kay Kalihim Paderanga, ang economic performance ng Pilipinas ay mas mababa sa 4.6 % na itinakda ng international at domestic analysts, kabilang na ang NEDA na mayroong forecast na 3.8 hanggang 4.8%.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |